Pambubugbog, pagransak ng militar sa Mindoro, kinondena


Kinondena ng mga tanggol-karapatan ang pambubugbog ng mga sundalo sa isang katutubong Mangyan-Hanunuo at paghahalughog ng tirahan nito sa Barangay Waygan, Mansalay, Oriental Mindoro noong Set. 21.

Kinondena ng mga tanggol-karapatan ang pambubugbog ng mga sundalo sa isang katutubong Mangyan-Hanunuo at paghahalughog ng tirahan nito sa Barangay Waygan, Mansalay, Oriental Mindoro noong Set. 21.

Ayon sa alyansang Defend Mindoro, siyam na sundalo mula sa 4th Infantry Battalion ng Armed Forces of the Philippines ang gumulpi at nanghimasok sa bahay ni Minggo Baringay, isang magsasaka ng kopra.

Iniulat din ng alyansa na nababahala na ang mga residente sa karahasan at pang-aabusong dala ng militarisasyon sa kanilang lugar.

“Patuloy nilang nararanasan ang walang humpay at matinding focused military operations (FMO) na nagdudulot ng takot, pagkaantala sa kabuhayan, at matinding banta sa buhay ng mga katutubo sa kanilang sariling lupaing ninuno,” sabi ng Defend Mindoro sa isang pahayag.

Isinailalim ang Mansalay sa FMO mula Hunyo ngayong taon kung saan nag-umpisang magkampo, magmanman ng mga magsasaka at katutubo, at manransak ng taniman at kabahayan ang mga sundalo.

Bumuhos ang puwersa ng militar sa buong Mindoro matapos itong ideklara bilang “pambansang priyoridad ng pagdurog” noong 2025 ayon sa Pambansang Katipunan ng mga Magbubukid-Oriental Mindoro.

Tinatayang 17,000 katao ang apektado sa 119 na insidente ng paglabag ng militar sa mga karapatang pantao ng mga katutubong Mangyan, magsasaka at sibilyan batay sa pinakahuling datos ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas.

Pinuna rin ng Lupa ay Buhay, alyansang nagsusulong ng tunay na reporma sa lupa at karapatan para sa mga katutubo at magsasaka, na hungkag ang pagdiriwang ng Pambansang Buwan ng Magbubukid kung magpapatuloy ang mga pang-aabuso sa mga magsasaka.

“Panahon na para tumindig kasama ang mga dinarahas, inaagawan ng lupa at minimilitarisa dahil lamang sa paggigiit ng kanilang mga karapatan,” giit ng grupo sa kanilang pahayag.

Tinuligsa rin nila ang pagsasantabi ng National Commission on Indigenous Peoples (NCIP) noong humingi ng tulong sila Baringay kaugnay ng pang-aabuso sa kanila ng mga sundalo. 

Sa halip na ipagtanggol ang mga katutubo, iniutos umano ng NCIP na makipag-ayos ang binugbog na Mangyan sa mga sundalong dumahas sa kanya. 

“Hinihiling namin ang pananagutan para sa mga sangkot, maninindigan ang NCIP para sa karapatan ng mga katutubo, at ang kagyat na pagwawakas ng focused military operation sa Mindoro,” sabi ng Lupa ay Buhay.