Paglaban sa loob ng kumikitid na demokratikong espasyo


Ginagarantiya pa ng Saligang Batas ng 1987 ang karapatan ng mga Pilipino na magprotesta. Ngunit ngayon, unti-unting kumikitid ang demokratikong lunan ng sambayanan.

Esensiyal na bahagi ng pagiging demokrasya ng Pilipinas ang paglalaan ng espasyo at pagpapahintulot sa mamamayan na irehistro ang kanilang panawagan at kairingan sa pamahalaan. 

Ginagarantiya pa ng Saligang Batas ng 1987 ang karapatan ng mga Pilipino na magprotesta. Ngunit ngayon, unti-unting kumikitid ang demokratikong lunan ng sambayanan.

Nagmartsa ang mga progresibong grupo mula Liwasang Bonifacio patungong Mendiola sa Maynila noong Set. 21 upang patambulin ang pagtutol sa korapsiyon ng administrasyong Ferdinand Marcos Jr., paglahok ng Pilipinas sa Pax Silica at gunitain ang proklamasyon ng Batas Militar ng yumaong diktador na si Ferdinand Marcos Jr. Emman Capones/Pinoy Weekly

Noong Set. 21, libo-libong Pilipino ang tumulak patungong Mendiola sa Maynila upang singilin ang administrasyon ni Ferdinand Marcos Jr. sa bilyon-bilyon pisong korupsiyon kaugnay ng anomalya sa mga proyektong flood control, tutulan ang pakikisangkot ng Pilipinas sa binabalak na Pax Silica ng Estados Unidos, at gunitain ang malagim na yugto ng bansa sa ilalim ng diktadura ni Ferdinand Marcos Sr. noong 1972 hanggang 1986.

Pinaalingawngaw ng taumbayan ang kanilang mga panawagan sa kahabaan ng Rizal Avenue sa Maynila habang nagmamartsa patungong Mendiola noong Set. 21. Neil Ambion/Pinoy Weekly 

Pero bago pa man marating ng taumbayan ang Mendiola, agad silang sinalubong ng bultong-bultong pulis. 

Higit sa 17,000 ang pulis na ipinakalat ng National Capital Region Police Office sa buong Metro Manila matapos nitong ipasailalim ang lugar sa “full alert” bilang paghahanda sa malawakang protesta ng masa noong Set. 21.

Nagkapit-bisig ang mga kabataan habang tumutulak patungong Mendiola ang hanay ng masa noong Set. 21. Neil Ambion/Pinoy Weekly 

Hinarangan din ang kalsada ng mga barbed wire at container van upang tiyakin na mapipigilan ang anumang pagtatangka na makarating ang sambayanan malapit sa isa sa mga tarangkahan papasok ng Malacañang, ang opisyal na tirahan at opisina ng Pangulo ng Pilipinas. 

Nakaantabay ang mga pulis sa kahabaan ng Recto Avenue sa Maynila habang tumutulak ang hanay ng taumbayan noong Set. 21. Neil Ambion/Pinoy Weekly 

Inalmahan ng masa ang sumisidhing pagpapamalas ng puwersa at intimidasyon ng pulisya habang bigo pa rin ang pamahalaan na tugunan ang iba’t ibang suliranin na humahagupit sa Pilipinas na nagtutulak sa kanilang dalhin ang kanilang hinaing sa lansangan. 

Bumuo ng pormasyon ang mga pulis sa gilid ng kahabaan ng Recto Avenue sa Maynila habang tumutulak ang hanay ng taumbayan noong Set. 21. Marty Apuhin/Pinoy Weekly 

“Handang-handa ang pamahalaan na pigilan ang protesta ng taumbayan. Handang-handa ang [pulisya] na harangan tayo. Pero kapag may bagyo, sa pagpapanawagan natin na ikulong ang mga magnanakaw, nasaan sila? Hindi sila handa, wala silang ginagawa,” sabi ng isang rallyistang tumangging ibigay ang kanyang pangalan.

Para naman kay Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) secretary general Raymond Palatino, tinatakasan ng gobyerno ang pananagutan at responsibilidad nito sa taumbayan.

Direktang hinarangan ng ilang pulis ang daanan sa kahabaan ng Recto Avenue sa Maynila upang pigilan ang hanay ng taumbayan noong Set. 21. Marty Apuhin/Pinoy Weekly 

“Nasaan si Marcos Jr.? Nagtatago, hindi hinaharap ang taumbayan. Takot na takot sa bayang naniningil. Ang problema, pinalibutan ang sarili niya ng mga container van, ng mga barbed wire at ng libo-libong pulis. Diyan napupunta ang pera ng bayan,” ani Palatino sa isang talumpati.

Bukod sa pisikal na pagigiit, pilit ding ipinapataw sa masa ang mga obseletong batas tulad ng Batas Pambansa 880 na hinihingian pa ng permiso ang pagpoprotesta at dinidiktahan ang espasyo kung saan ito maaaring isagawa. 

Bumuo ng pormasyon ang Civil Disturbance Management ng pulisya sa gitna ng mga inilagay na barbed wire at container van malapit sa Mendiola sa Maynila noong Set. 21. Emman Capones/Pinoy Weekly 

Sinasampahan din ng mga gawang-gawang kaso ang ilang mga lider tulad nina Teddy Casiño ng Bayan, Joaquin Buenaflor ng Youth Rage Against Corruption, at mga mamamahayag tulad ni Jacob Baluyot ng The Catalyst dahil sa protesta noong nakaraang taon.

Tumataliwas ang kilos at polisiya ng pamahalaan sa mandato nitong ipagkaloob at protektahan ang demokrationg karapatan ng taumbayan. 

Sinara ang daan patungong Mendiola sa mga motorista at mga progresibo noong Set. 21. Marty Apuhin/Pinoy Weekly

Ngunit sa kabila ng lahat ng ito, hindi nagpatinag ang hanay ng masa. Nagpatuloy pa rin ang protesta. Pilit pa ring pinaalingawngaw ng taumbayan ang kanilang tinig, panawagan, at hinaing malapit sa paligid ng Mendiola. 

Hamon at giit ni Anakbayan chairperson Mhing Gomez, magpapatuloy pa rin ang paglaban hangga’t hindi pa rin natutuldukan ang patong-patong na suliraning pilit na isinasantabi ng gobyerno.

Ipinagpatuloy ng mga progresibo ang kanilang protesta sa kahabaan ng Recto sa Maynila sa kabila ng pagharang sa kanila ng pulisya noong Set. 21. Neil Ambion/Pinoy Weekly. 

“Wala pong ibang naranasan ang mamamayan kundi ang paghihirap, kundi ang pananamantala. Kaya ngayon mas maigting ang panawagan sa mamamayan na magkaisa, hindi lamang upang panagutin si Marcos Jr. kundi lalo upang durugin ang gobyerno ng mga elitista, upang durugin ng mga burgesya,” aniya sa isang talumpati.