Mapait na ngiti sa likod ng maskara
Sabi nila, ang mga maskara ay kublihan ng ating totoong kulay. Ngunit mahirap nang ipinta ang mukha kung kumakalam ang sikmura.
Naturingang sentro ng mga matatamis na tubo ang isla ng Negros, ngunit mapait na realidad ang dinaranas ng mga magsasaka at kanilang pamilya lalo na tuwing sasapit ang panahon ng tiempo muerto.
Muling binigyang-buhay ng Sinagbayan sa entablado sa ikaapat na pagtatanghal ng “Tiempo Muerto: Ang Paghulat sang Dugwak”, nitong Set. 18 hanggang 20 sa direksiyon nina Ekis Gimenez at Harold Fortunado at sa panulat ni Aryana Carandang.
Pagbabalik-tanaw din ito sa ika-41 na anibersaryo ng Escalante Massacre noong Set. 20. Sa nasabing produksiyon, ipinaalala nilang limang buwan na matapos ang nangyaring masaker sa tinaguriang “Toboso 19”.
Hinabi ang kuwento gamit ang mga karanasan ng mga karakter batay sa mga totoong nangyayari tuwing tiempo muerto na higit pa sa ordinaryong patay na panahon ng pag-ani at pagtanim ng mga tubo sa Negros. Isinalaysay ang mga kuwento sa walang katapusang siklo ng gutom, piyudalismo at pasismo na pumuputol sa buhay ng mga sakada.

Sa unang silip pa lang ng pagtatanghal, naging mayaman na agad ang paggamit ng simbolismo. Dito nila inihahambing ang buhay ng sakada sa isang dugwak sa tubuhan na patuloy na tumutuka habang naghahanap sila ng pag-asa sa kanilang isla.
Kapansin-pansin din ang pagiging intensiyonal sa pulang buhok, bukod sa ito ay kulay ng paglaban, nagpaalala ito sa masining na pagpuougay kay Alyssa Alano, isang estudyante ng University of the Philippines Diliman at lider-estudyante na aktibong lumalahok sa mga pagkilos. Kasama siya sa mga sibilyang kinitil noong Abril 19 ng 79th Infantry Battalion ng Philippine Army at pinaratangang armado at kasapi ng New People’s Army (NPA).
Mula noong “Mga Diklap ng Tiempos Muertos” (2016), ikinukuwento na nila ang pang-araw-araw na danas ng mga magsasaka. Isa na rito ang pagbabahagi ng mga karanasan nila Agripina bilang kasambahay at Ka Butch bilang tagalinis sa piksiyonal na museo ng Sugarlandia. Dahil wala silang sariling lupa, napipilitan silang magtrabaho sa mga panginoong maylupa, habang marahas silang inaalila.
Dahil sa panunumbalik ng pamilyang Marcos sa kapangyarihan, mas idiniin ang epekto ng martial law sa Negros. Binasag ng produksiyon ang marangyang pananaw sa Golden Age, na sa totoo’y nagdulot ng pagbagsak ng industriya ng asukal at ng ekonomiya ng bansa.
Sa ilalim ng diktadura, naglakas-loob ang mga sakada na hamunin ang sistema dahil sa matinding kagutuman. Ngunit sinagot ito ng gobyerno ng karahasan.

Ipinakita rin ng produksiyon ang kontradiksiyon ng pagtatanghal ng taunang selebrasyon ng makukulay na maskara ng Bacolod City, habang kumakalam ang sikmura ng mga sakada sa isla ng Negros.
Naging epektibo rin ang panonood bilang mga turista at researcher habang inililibot tayo ni Roger bilang tour guide sa kanayunan. Dito napuno ng tawanan ang mga turista sa batuhang ng mga kilalang linya nina Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos Jr. at Pangalawang Pangulong Sara Duterte. Nagsilibi rin itong pampagaan sa pagitan ng mga mabibigat na isyu na itinampok ng dula.
At sa huli, binigyang hustisya ng mga karakter ang kanilang mga eksena dahil may kanya-kanya silang bigat. Katulad ng kung paano sinigurado ng produksiyon ang pagwawakas na mag-iiwan ng kirot matapos mapaslang ang pamilya ni Catalina nang walang kalaban-laban.
Kahit naging simple ang set-up ng produksiyon, malaki ang naiambag ng live na katutubong musika sa karanasan ng panonood. Ganoon din ang matalas nilang paggamit ng kulay bilang pandagdag sa simbolismo at emosyong dapat maramdaman sa bawat eksena ng dula.
Sa kabuuan, ang dula ay pakikiramay sa mga buhay na kailangang bigyang hustisya. Dahil hanggang walang tunay na reporma sa lupa, hanggang marahas ang estado at hanggang may binubusabos ang mga panginoong maylupa, hindi matatapos ang patay na panahon.
At tulad ng hiling ng produksiyon, maganda rin na makapagpatuloy pa silang makapagmulat at hindi lang makulong sa maliit na espasyo, kundi maabot din ang masang Negrense gayundin sa iba’t ibang lupalop sa ating bansa.