Filipina actress, tinangkang halayin ng isang Hong Kong actor
DUMATING na sa bansa ang kontrobersyal na aktres na si Chanel Latorre. Si Chanel Latorre na siyang isa sa mga bida ng pelikulang “Latak” ng Outline Films sa direksyon ng kontrobersyal ding si Jowee Morel. Marami ring pelikulang nagawa si Chanel at ang pinakahuli ay ang bonggang “Wan Chai Baby” na kanyang ginawa sa Hong […]
DUMATING na sa bansa ang kontrobersyal na aktres na si Chanel Latorre.
Si Chanel Latorre na siyang isa sa mga bida ng pelikulang “Latak” ng Outline Films sa direksyon ng kontrobersyal ding si Jowee Morel.
Marami ring pelikulang nagawa si Chanel at ang pinakahuli ay ang bonggang “Wan Chai Baby” na kanyang ginawa sa Hong Kong kamakailan.
Mapalad si Latorre dahil siya ang tanging Filipinang bituin na nakuha para sa pelikula.
Dating “Tess” ang titulo ng pelikulang idinirek ng British director at ngayon ay namamalagi sa HK na si Craig Addison.
Marami nang nagawang obra si Craig na kapwa mga tungkol sa paslit katulad ng “Tooth Fairy” pero ito ay hindi ‘yong klasiko nang pelikula kundi bersyon ni Addison sa kanyang kamalayan bilang children’s filmmaker.
Natapos ni Chanel sa oras ang paggawa ng pelikula.
Pero muntik na siyang mapahamak.
***
Ito ay dahil anya sa kanyang leading man na taga-Hong Kong na nagngangalang Aaron Palermo, isang British actor na may dugong Italian.
Kilala ani Chanel ang Aaron na ito sa Hong Kong dahil sa siya ang kilalang commercial model ng McDonalds Crown Colony sa mga panahong ito.
Ipinakilala ni Addison si Palermo kay Latorre sa unang araw ng shooting ng kanilang pelikula.
At ang unang tagpong kinunan ay halikan at masahehan.
Kuwento ng isang Filipinang nag-Domestic Helper sa HK ang “Wan Chai Baby” na nang mamatay ang kanyang among Englishwoman ay napilitang pumasok bilang masahista sa isang massage parlor sa Hong Kong.
Pero ang dulo nito ay magiging puta siya pero hindi na ito ayon kay Chanel ipinakita ng pelikula.
Konsebartibo pa rin nga anya ang kanyang Sir Craig dahil hindi siya pinaghubad nang todo.
“Kissing scene lang p okay Aaron at bare back na naka-bra ako habang nagmamasahe,” kuwento ni Chanel.
Sa pakikipaghalikan kay Palermo ay inihanda ng Filipina actress ang kanyang sarili.
***
Nang matapos ang kissing scene ay nagyaya si Aaron sa kanyang leading lady na maghapunan sila.
Pumayag naman si Chanel dahil para sa kanya ay pagkakataon na ‘yon para makipagkaibigan at makipagkilala nang lubusan sa kanyang leading man nang mapanatag ang kanyang loob.
Nang matapos na ang kanilang dinner, ayon kay Latorre ay nagpilit na ang Aaron na ito na isama siya sa kanyang flat o apartment.
“E, mag-isa lang po ro’n ‘yong tao na ‘yon,” pahayag ni Latorre.
“Ayaw po akong payagan ni Aaron na hindi sumama sa kanya. Kung anu-ano ang kanyang pangungumbinsi pero natakot na ako. Mabuti na lang at hindi pa hatinggabi.
“Pagabi pa lang po. Naku, sa kaba ko, mabuti na lang at may biglang dumating na taxi. Sakay agad ako. Hindi siguro makapaniwala si Aaron na magagawa ko ‘yon,” pagtatapat ng aktres na produkto ng GMA Network acting workshop na isa rin si Jowee sa kanyang mga guro.
***
Ang siste ay nang magkita muli ang dalawa sa set ay nag-iba na ang aktitud at pakikitungo kay Latorre ni Palermo.
“Naku, naging rude na po siya sa akin. Tinuturuan na niya ako kung paano mag-Ingles. Kasi, ‘yong role ko po, Filipino English ang gamit ko. Naiinis siya sa akin. Kaya sinabi ko sa kanya na kaya gano’n akong mag-Igles ay dahil gano’n ang role ko at hindi para lang mag-Ingles na Americanized o English English na may puntong European.
“Pati ‘yong klase ng pag-arte ko, pinupuna na niya. Halimbawa po, ‘yong nagpunta lang ako sa kotse para tahimik lang ako ro’n. Aba, e, sinundan pa po ako.
“Sabi sa akin, ba’t daw ako nagmi-method acting, e, kailangang direktang akting lang na walang mga interna-internalization. Sabi ko na lang sa kanya na nando’n lang ako sa loob ng kotse para magpalamig lang. Wala naman akong balak na mag-apply ng method acting dahil hindi naman rehearsal man lang ‘yon.
“Nang-iinis na siya, as in,” asar ding salaysay ni Chanel.
***
Ayon kay Chanel, natunugan at nasaksihang lahat ito ng kanyang direktor kaya kinausap ni Addison si Palermo.
“Pinagsabihan siya ni Sir Craig na huwag daw akong gano’nin kasi wala naman akong ginagawa sa kanya. Buti nga sa kanya. Kasi, napuna rin ni Sir Craig na nagtataray na sa akin si Aaron sa set.
“E, ang bait-bait pa ni Sir Craig. Pabayaan lang daw ako sa gusto kong gawin. Napakatahimik lang ni Sir Craig, tapos, gagano’nin lang niya ang mga nasa set.
“Nang mapagsabihan na ni Sir Craig si Aaron, ‘yon lang ‘yong time na naging friendly na siya sa akin. Kasi, alam ko na wala naman akong masamang ginagawa kaya bakit ako magpapatalo sa kanya,” pahayag ni Latorre.
***
Ayon kay Chanel, natural nang aktitud at reaksyon ito ng mga taga-Hong Kong mula sa iba’t ibang lahi para sa mga Filipino at Filipina.
“Lalo na po sa mga Filipino. Kasi, ang sama-sama talaga ng tingin sa atin sa ibang bansa, mapa-Asian at mapa-ibang continent. Ang tingin nila sa atin ay mga puta.
“Kasi nga po, ang daming mga prostitute na Filipina sa Hong Kong. Pag kasi wala nang ibang trabaho ang mga DH na Filipina ro’n, nagpuputa na lang.
“Naku, na-witness kop o lahat ‘yon. Ang daming mga club sa Hong Kong at karamihan sa mga hostess, mga Filipina. Nagagawa lang nila ‘yong gano’n behind the curtain. Talaga pong sa likod lang ng mga kurtina, nagagawa ‘yong sexual act. At ang mga Filipina, nangunguna sa ganitong Gawain.
“Nakapunta rin po ako sa mga kuwarto ng mga Filipina sa Hong Kong. ‘Yong mga hostess sa club, nagkakasya sila sa isang maliit at magulong kuwarto. Nagkakasya ang walong tao sa isang room na maliit. Tapos, nando’n na lahat sa kama ang lahat, tokador na rin ‘yon,” walang kagatul-gatol na sabi ni Latorre.
***
“Ang akala siguro ni Aaron, makakalusot siya sa akin. Akala siguro niya, dahil Filipina ako, e, makukuha agad niya ako. Gusto ko namang ipakita sa kanya at sa lahat ng mga taga-Hong Kong na masama ang tingin sa mga Filipina na hindi lahat ng mga Filipina ay gano’n, na madaling makuha.
“Nakakainis nga po, e. Kasi, nilalahat nila. Ano kaya naman ang ibang mga lahi? May gano’n din nga pero hindi masyadong marami. May mga hostess ding taga-Indonesia o India pero pinakamarami ang Filipina.
“May mga Malaysian din pero walang makakapantay sa dami ng mga Pinay na nagbebenta ng laman.
“Sa Wan Chai, isang lugar na makukuha mo ang isang babae sa tamang bayad, nagkalat ang mga Filipina. Kaya ito ang naging title ng pelikula dahil maraming kinunan na seduction scene sa Wan Chai.
“Sa lugar ding ito nilikha ang kanyang malikhaing obra tungkol sa eksploytasyon ng mga Filipina sa merkado ng laman.”
***
May isa ngang kinunan na eksena sa Wan Chai at ang kamera ng pelikula ay nasa itaas samantalang napapaligiran ng mga ilaw-dagitab ang kinalalagyang tagpo ni Chanel bilang Tess.
Kuntodo akting na akting na si Latorre at nagrorolyo na ang kamera.
Naninigarilyo ang aktres at parang naghahanap ng kanyang kustomer.
Nang bigla na lang may lumapit kay Chanel na isang lalaki na hindi naman kasama sa eksena.
“Nagulat po ako dahil niyayaya na niya ako. Biglang nag-cut si Sir Craig at kinausap ‘yong Chinese na kumausap sa akin. Nagpaliwanag si Sir Craig na shooting ‘yon at ang kamera ay nasa itaas. No’n lang naniwala ‘yong tunay na kustomer at bigla na lang umalis.”