Bagong henerasyon ng mga filmmaker tulad nina Brillante Mendoza at Ralston Jover sa kamatayan ni Charlie Davao
Ebolusyon ang pagpailanglang, pagdaloy ng bagong dugo sa isang larangan at ang paglalaho o pagkatibag ng mga nakaraang moog. Ito ang batas ng kalikasan. Kahiman at ito ang proseso ng buhay, may inihahabilin at ipinamamanang mga ideya at kaisipan ang mga bantayog sa mga sariwa at lumilikha pa ng landas na tatahakin para patatagin ang […]
Ebolusyon ang pagpailanglang, pagdaloy ng bagong dugo sa isang larangan at ang paglalaho o pagkatibag ng mga nakaraang moog.
Ito ang batas ng kalikasan.
Kahiman at ito ang proseso ng buhay, may inihahabilin at ipinamamanang mga ideya at kaisipan ang mga bantayog sa mga sariwa at lumilikha pa ng landas na tatahakin para patatagin ang mga katawan at pangarap para sa mas maganda at masaganang bukas.
Lalo na kung nagpapalusog ng pananaw at pagkilala ang mga iniwang pahimakas at kasaysayan ng isang alagad sa kanyang anumang sining.
Itinuturing ni Ricky Davao na disiplinaryo ang kanyang amang si Charlie Davao sa buong buhay nito na inilaan sa kanilang mga anak.
Ang mga karanasan at leksyon ng buhay ay ipinasa ni Charlie kay Ricky at mula sa mga ito ay lalo pang pinalakas, pinakulay at pinayabong ng batang Davao ang kanyang pagyakap sa mga sahog ng kanyang pang-araw-araw na pakikialam sa biswal na presentasyon ng mga kabanata, eksena at tagpo kasapakat ang mga tauhan at ang mga nagaganap sa loob at labas ng mundo ng kaluluwa ng mga ito.
***
Sumakabilang-buhay si Charlie, Charles Dabao sa tunay na buhay, noong Linggo bago magtanghali sa Room 707 ng Philippine General Hospital sa Taft Avenue sa Maynila.
Kanser sa kolon ang kumitil sa kanyang buhay na kanyang binata sa loob ng siyam na buwan.
Ayon kay Jackie Lou Blanco, manugang ni Charlie, panatag ang pagyao ng kanyang biyenan.
Ngayon lang anya siya nakasaksi ng pagpanaw ng isang minamahal sa buhay na kaharap niyang namamaalam para sa kabilang buhay.
Pinupuri naman ni Ricky ang kanyang ama lalo na sa disiplina sa trabaho at personal na buhay na pakikipagsapalaran.
Dahil sa gulang na pitumpu’t pito ay maaliwalas na natanggap ni Charlie ang katuturan ng buhay.
Ilang buwan bago siya mamatay, maligaya siya, masaya sa piling ng mga kaanak at kaibigan.
Saksi ang Crossings sa National Book Store sa Quezon Avenue sa malaya at maluwag na pagtanggap ng aktor sa kanyang kapalaran.
Nang huli namin siyang makita mga tatlong buwan lang ang nakakalipas, lagi siyang nakangiti pero alam mong matatag siya kahit sa unang sulyap ay nagtatatag-tatagan sa gitna ng mga pagsubok.
Kahit ang kanyang mga kaibigan, sina Rusty Santos, ang maskuladong beteranong aktor at Bert Vibar, isang character actor, ay saksi sa kanyang malawak na pang-unawa sa kahulugan ng buhay.
“Sabi niya sa akin sa coffee shop na iniistambayan namin sa National Book Store, ‘I am just waiting for my turn.’ Two weeks ago lang ‘yon. Naoperahan na siya at sa taghiliran ng kanyang beywang siya dinaluyan ng solid food.
“Nagkantahan pa kami. Kinanta ko sa kanya ang ‘ang buhay, tulad ng isang awit lamang, may simula at may katapusan…’ Tawa siya nang tawa kahit alam mong mahina na siya,” kuwento ni Bert.
Si Rusty, nagpadala ng text message kay Vibar dalawang araw bago pumanaw ang kaibigan. “nsa rm 707 siya pero mahina na.”
Pero lahat sila ay iniwan ni Charlie ng mga pag-asa at malakas na pananalig sa katuturan ng buhay.
***
Naging ulirang ama si Charlie.
Nagpakasal siya kay Emma Rose, isang Spanish teacher sa St. Theresa’s College noong 1959. Nagkaanak sila ng apat, sina Bing, Ricky, Mylene at Marielle. Namatay si Mylene nang ito ay limang taong gulang lang nang dahil sa aksidente. Pagkatapos ng isang tao ay yumao naman si Emma Rose nang dahil sa pait ng naganap sa kanilang anak.
Kinalaunan, nag-artista sina Bing at Ricky sa kanilang katanghaliang-tapat ng buhay.
Nag-asawang muli si Charlie sa ina ng nakilala nating si Dabiana, si Cecille Iñigo, kay Mary Grace Iñigo at nagkaanak sila ng dalawa, sina Mylene at Charlon. Ipinangalan nina Charlie at Mary Grace si Mylene sa namatay na si Mylene.
Ang Mylene ay si Maimai Davao na aktres at si Charlon ay ang naging kasapi ng “That’s Entertainment” ni German Moreno.
Minana nina Bing at Ricky ang pagmamahal at pasyon ni Charlie sa pag-aartista at dinagdagan pa nila ang rubdob na ito sa sining ng showbiz.
Bagamat nalulong sa droga ay hindi maikakailang mahusay na aktor si Bing at ngayon ay bagong-tao na samantalang si Ricky ay nagpakadalubhasa pa sa malalalim at malalawak na karakter ng mga kuwento sa pelikula kabilang ang pagganap sa mga independent o indie film.
Maipagmmalaki ni Charlie kahit sa dako pa roon ang kanyang pagmamalaki sa kanyang mga anak.
***
Nagtapos ang buhay ni Charlie sa showbiz sa kasagsagan ng mga modernong pagtugaygay sa ibig sabihin ng pelikula para sa negosyo at lipunan.
Bagamat siya ay produkto ng establisimiyento ng tradisyunal na paggawa ng pelikula, iginalang ng mga bagong sulpot na mga artista ang kanyang kontribusyon sa showbiz.
Walang masamang tinapay para kina Brillante Mendoza at Ralston Jover, kapwa direktor, sa mga bagay-bagay sa showbiz.
Nang dahil sa kanilang angking teoriya, pilosopiya at kalakaran sa showbiz, nalilimi nila ang naturalismo ng larangan.
Kaya naman sa panahon na namamayagpag ang makabagong pelikula ng digital na teknolohiya, narito sina Brillante at Ralston, nagwawagi sa iba’t ibang panig ng mundo para sa kanilang mga obra upang ihandog hindi lang sa kanilang mga sarili kundi sa Inang Bayan at sa mga kasamahan sa showbiz, noon at ngayon.
Bahagi sina Mendoza at Jover ng mga nakaraan tulad ni Davao kaya ang pagtahak nila sa bukas ng showbiz ay taglay ang payo at paalala ng nakalipas.
Ito ang pasalubong nila sa mga dinadatnang pulutong ng mga manlilikha sa loob at labas ng Pilipinas.
***
Kapapanalo pa lang ni Brillante sa ika-31 Durban International Film Festival sa South Africa para sa kategoryang Best Cinematography sa pelikula niyang “Lola” ng Centerstage Productions at Swift Productions na trabaho ni Odyssey Flores samantalang pinagkalooban ng parangal si Ralston sa ika-7 Skip City International D-Cinema Festival sa Kawaguchi, Japan ng Best Screenplay para sa kanyang “Bakal Boys (Children Metal Divers)” na kanyang sinulat kasama ang kapwa mandudulang pampelikula na si Henry Burgos.
Hinawan hindi lamang nina Dante Mendoza at Joel Jover ang bagong landas na kanilang tinatahak para sa pag-usad ng bansa at ng mga mamamayan hindi lang sa showbiz kundi sa paligid nito.
***
Bago sila ay hinawan din ni Lino Brocka ang daan para sa susunod sa kanyang henerasyon ng mga manlilikhang pampelikula na kinabibilangan nina Ricky, Bing, Maimai, Charlon, Dante at Joel.
Kaya bilang pasasalamat ay nag-organisa ang mga kapwa kabataang manlilikhang pampelikula nina Brillante at Ralston—kundi man sa edad ay sa kasariwaan ng mga ideya at pamamaraan ng nilalaman—tulad ng mga Lady Ann Salem, Emil Mercado, Jewel Maranan, Onin Tagano, Abet Umil at iba ng Pandayang Lino Brocka Political Film and New Media Festival dalawang taon na ang nakakaraan upang saluduhan at gaygayin din ang landas na tinunton ni Brocka sa paglilingkod sa masa at sa sining.
Bilang paggunita sa mga simulain ni Lino ay inihahandog ng Tudla Productions, ang grupong nilikha, ang ikalawang taon ng Pandayan sa pamamagitan ng malaki at bonggang film festival sa Miyerkules, ika-11 ng Agosto, 2010 sa University of the Philippines Film Institute Cine Adarna.
Babakasin at lagi nang sinasariwa ng Tudla ang mga kontribusyon ni Lino sa pagmumulat ng sambayanan sa tunay na kalagayan ng lipunan at kung paano ito sasalaminin kundi man babaguhin para sa tama.
Ipapalabas nga ang “Bayan Ko Kapit sa Patalim” ni Brocka at may talakayan kasama ang mga naging bahagi ng obra na sina Carmi Martin at Rez Cortez at ang mandudulang pampelikula nito na si Jose F. Lacaba.
Pati ang prodyuser nito na si Tony Gonzales ng Mondragon Industries ay sasali sa balitaktakan at ipapahayag ang kahalagahan ng “Bayan Ko Kapit Sa Patalim” kahapon, ngayon at bukas.
May diskusyon din tungkol sa Media at Human Rights at sa Information Bill at kabalitaktakan sina Congressman Teddy Casiño, scriptwriter ng mga pelikulang “Dukot” at “Sigwa” na si Bonifacio Ilagan, maaari ani Lady Ann na dumating din si Joel Lamangan, si Gina Alajar at si Phillip Salvador para makilangkap sa National Union of Journalists of the Philippines, Ibon Foundation, Philippine Center for Investigative Journalism at iba pa.
Kinabukasan naman, ika-12 ng Agosto ay may palihan ang direktor ng “Cinco” ng Star Cinema na si Nick Olanka tungkol sa balarila ng paggawa ng pelikula.
***
Mula naman sa daan-daang isinumiteng lahok ng mga mag-aaral, filmmaker, indie at hindi, mga kolektibong manggagawa ng pelikula ay labingwalong opisyal na obra ang napili at itatanghal sa dalawang araw na pestibal.
Kabilang sa mga ito ang “Ang Sandaling Sadya Nina Lire at Isa” ni Francis Losaria, “Wag Kang Titingin” ni Pam Miras, “Handum” ni Manie Magbanua, “Bingit” ni Michael Christian Cardoz, “Hamon ng Panahon” ni Kodao Productions, “Ing Magdarame” ng University of Assumption Pampanga, “Babae ako” ni Jeyow Evangelista, “Dissatisfied” ni Jet Leyco, “Tagulaylay sa Hacienda Yulo” ni Rom Factolerin, “Mga Liham mula sa Alaska” ni Roberto Reyes Ang, “Kinulayang Kiti” ni Richard Legaspi, “Kibo” ni Rosswil Hilario, “Lawa ng Bae” ni Donnie Sacueza, “Hulagway” ni Jerry Jumawan, “Kakasa ka ba?” ng Mayday Productions, “Kababayang Kalakal” nina Ilang Ilang Quijano at King Catoy, “Badjao” ng La Consolacion College Manila at “Dumagat” ng kolumnistang ito.