Matagumpay ang ika-6 na Titus Brandsma Short Indie Film Festival
Kaliwa’t kanan ang mga film festival sa buong kapuluan. Ito ang produkto ng pag-unlad ng sining ng pelikula sa kabila ng paghusga ng komersyal na paggawa ng pelikula na bagsak at patay na ang industriyang ito. Paano naman mamamatay ang isang larangan na naghuhulagpos sa paglaya ang mga pamamahayag ng mga alagad ng sining? Habang […]
Kaliwa’t kanan ang mga film festival sa buong kapuluan.
Ito ang produkto ng pag-unlad ng sining ng pelikula sa kabila ng paghusga ng komersyal na paggawa ng pelikula na bagsak at patay na ang industriyang ito.
Paano naman mamamatay ang isang larangan na naghuhulagpos sa paglaya ang mga pamamahayag ng mga alagad ng sining?
Habang may ideyang naiisip, ipinapanganak at inaalagaan para ihain sa madla, kailan man ay hindi mamamatay ang isang bagay dahil laging may kapalit.
Pagkatapos mamatay ay may buhay na isinisilang.
Ganyan ang pelikulang Filipino dahil habang ang makabagong teknolohiya ay namamayagpag, nangingibabaw din ang mga sariwang kaisipan at damdamin ng mga gumagalaw dito.
Palatandaan ang independent o indie film sa ganitong paglago pa ng sistema ng showbiz.
Ang sinasabi lang namang patay ay ang kawalan ng tunay na pagpapahalaga sa mga manonood na ipakita ang mga katotohanan kahit na pangit ng mukha ng buhay.
Ang patay o nagbabantang mamatay o inaalagaang huwag mamatay lang ay ang pagpapalaganap ng eskapistang panoorin.
Pero ang nagpapakita ng tunay na hitsura ng buhay—kahiman at eskpiremental at palaban ay laging buhay at nagtataguyod sa mga kapakanan ng mga mamamayan.
***
Katatapos lang ng ika-2 Pandayang Lino Brocka Political Film and New Media Festival sa University of the Philippines Film Institute Cine Adarna at Ishmael Bernal Gallery kamakailan.
Katatapos din noong Sabado ang ika-6 na Titus Brandsma Short Indie Film Festival sa Titus Brandsma Center sa New Manila.
Ano ba ang Titus Brandsma?
Nakakain ba ito?
Tao ba ito?
Bagay ba ito?
Mga kaibigan, ang Titus Brandsma po ay tao.
Siya ay isang paring Dutch na pinatay ng mga Nazi ni Adolf Hitler.
Taga-The Netherlands po si Titus Brandsma.
Isa siyang Carmelite priest na nang dahil sa pagtutol sa kapangyarihan ng mga diktador ay pinaslang ng mga naghahari-harian noong digmaang pandaigdig.
Siya ay isang manunulat, mananaliksik, alagad ng sining at makabayan.
At dahil may angkin siyang katangian sa sining, ang lokal at probinsiyal na upisina ng Carmelite sa Pilipinas ay nagtatag ng pestibal ng mga pelikula na tinawag na Titus Brandsma Short Indie Film Festival.
***
Ayon kay Father Toots Buenafe, isang paring Filipino at tagapag-organisa ng Titus Brandsma Short Indie Film Festival, nakakaanim na taon na sila sa pagpapalaganap ng mabubuting balita kaugnay sa pelikula.
Kasi nga, para sa mga Carmelite na pari at madre, ang pelikula ay isang ispiritwal na pakikipag-ugnayan.
Mahalaga ang pelikula sa pagtuturo sa mga tao kaugnay sa mga aral ng Diyos.
Sinabi ni Fr. Buenafe na ang pelikula ay isang karanasan kung saan natutuklasan ng manonood ang katauhan ng nabubuhay na Panginoon.
Ito rin ang paniniwala ng isa pang Dutch, isang Belgian na alagad ng sining na si Henk Koekstra.
Nagsimula lang anya sila sa pestibal na ito na konti lang ang mga miyembro ng core group pero ngayon ay nag-uumapaw na sa mga volunteer at kasapi ang ahensiyang ito ng simbahan.
Kabilang sa mga ipinalabas na obra ay ang mga sumusunod: “Hamsit” ni Joni Gutierrez, “Tagpuan” ni Jon Lazam, “Bahay-Bahayan” ni Carl Joseph Papa, “Indie Shooting ‘To” ni Vic Tiro, “Habulan” ni Eros Arbilon, “Rhose, Where Do Your Dreams Go?” ni Nawruz Paguidopon, “Ba’t Naman” (Bakit Naman)” ni Noriel Jarito, “Hindi Ko Alam Kung Ano ‘To” ni Epoy Deyto, “Halik sa Tubig” ni Bong Ramos at ang “Dumagat” ng kolumnistang ito.
***
Mainit ang talakayan sa pagpapalabas ng mga pelikula.
Unang isinalang sa balitaktakan pagkatapos ipalabas ang kani-kanilang mga pelikula sina Noriel, Nawrus at Joni.
Sinabi ni Joni na ang resesyon sa Estados Unidos ang napili niyang paksa upang ipakita ang pag-igpaw ng mga Filipino sa mga sitwasyon ng paghihirap.
Sinabi pa ni Gutierrez na ang “Hamsit” bilang pamagat ay mula sa dalawang salita, “ham” at “pansit.”
May props kasi siyang pansit pero wala siyang maihalok na sangkap Filipino sa Amerika kaya ang ham ang kanyang inihalo sa pansit kaya naging “Hamsit.”
Noong Sabado bale ang world premiere ng pelikulang ito na pinuri ng maraming tagapanood.
Samantala, ayon naman kay Jarito, nang gawin niya ang kanyang pelikula ay wala siyang inisip na iba pang mga tema o kahulugan ng mga mapupuna ng mga manonood.
Sa Hong Kong ginawa ang obra.
Si Paguidopon naman ay lumikha ng kanyang trabahong sining sa Hong Kong din.
Talagang nagpapasalamat siya dahil sa nang naghahanap na sila ng isang lugar na pagtatanghalan ng banyagang mang-aawit na si Paul Meredith ay nagkataong may nakilala silang mga Filipino na nagtitipun-tipon sa isang simbahan para sa regular na pagkikita-kita at pag-uusap kasama ang ispiritwal na pakikilangkap.
“Tiyempo na may gathering kaya doon ko na pinakanta kay Paul ang kanyang composition para malaman ang epekto ng kanya sa mga kababayan nating OFW na may kanya-kanyang tinataglay na buhay,” pahayag humigit-kumulang ni Nawrus.
***
Kasunod na isinalang kami ni Vic Tiro.
Nagsalita si Vic tungkol sa praktikalidad ng paggawa ng pelikulang indie.
Anya, mabuti at nakuha niya nang presyong kapatid sina Jao Mapa, Banjo Romero at iba pang bituin na may mga pangalan at hindi biru-biro ang presyo pero dahil sa indie ang pelikula, napakiusapan pa ang mga ito.
Napakaliwanag din ng pagpapaliwanag ko kung bakit ginawa ko ang “Dumagat.”
Ang sabi ko’y mas malapit na ito sa aking puso dahil lagi ko silang nakikita sa Infanta at General Nakar, Quezon.
At ang “Dumagat” ay ekstensyon ng aking pagiging peryodistang pampelikula.
Ang “Dumagat” ay showbiz na showbiz din dahil ito ay malalim, malawak, makulay, matunggali, madrama, madula, mapag-igpaw at marami pang katangian ng showbiz.
***
Ang kasunod na tatlong filmmaker ay sina Eros, Carl Joseph at Jon.
Ayon kay AJ na siyang maetro ng talakayan, ang tatlong pelikula ay pinagsama-sama upang maipakita ang lengguwahe ng pelikula at ang mga imahen na nakabalot dito.
Sadyang maiikling pelikulang nagpapakita ng kasiglahan at kasinupan ng mga kabataang alagad sining ang kinakatawan sa tatlong pelikula.
At madaling nasakyan ng mga manonood ang ibig sabihin ng direktor sa kanyang obra.
Samantala, huling isinalang ang mga artista at tekniko kabilang ang produksyon ng pelikula ni Bong.
Sinabi ni Fr. Buenafe na kahit na hubaran ang pelikula ay nagpapakita ito ng makabayan at mga kuwentong bayan na sagana sa ating lipunan.
Talagang magagaling ani Fr. Toots ang siyam na pelikulang ipinalabas para kakitaan ng kamodelohan ng mga manonood.