Uncategorized

Ang Pinoy showbiz sa linggong ito


Patuloy ang pag-imbulog ng mga kasaysayan sa showbiz sa Pilipinas at pangunahin ang pakikipagbahagi ni Nora Aunor sa Kapistahan ng Our Lady of Peñafrancis ng Kabilokan na kahit na siya ay wala sa Pilipinas ay nakikipagsaya at nakikipag-ispiritwal na pagdaloy siya sa okasyong ito. Pagkatapos ng kanyang mga palabas sa tatlong malalaking siyudad sa Australia […]

Patuloy ang pag-imbulog ng mga kasaysayan sa showbiz sa Pilipinas at pangunahin ang pakikipagbahagi ni Nora Aunor sa Kapistahan ng Our Lady of Peñafrancis ng Kabilokan na kahit na siya ay wala sa Pilipinas ay nakikipagsaya at nakikipag-ispiritwal na pagdaloy siya sa okasyong ito.

Pagkatapos ng kanyang mga palabas sa tatlong malalaking siyudad sa Australia na kinabibilangan ng Melbourne, Brisbane at Sydney ay naimbitahan si Nora ng kanyang mga kababayan sa Sydney para makipagdiwang sa kapistahan.

Ito ang tinatawag na diaspora o paglikas ng mga tradisyon, gawi, gawa, ugali, bagay, tao mula sa isang lugar patungo sa isa pang lugar.

Ang bongga at banal na paggunita sa Our Lady of Peñafrancia na nag-ugat sa Naga City sa Camarines Sur ay dinala ng mga Filipino sa Australia na nagpunta sa banyagang lunan na ‘yon.

At si Aunor bilang Bicolana na nasa Amerika naman ay nagtanghal sa Australia kahit hindi siya kumanta dahil kaoopera lang ng kanyang lalamunan.

Kasalukuyang nagdiriwang ang mga Bicolano sa Sydney ng pista ng Peñafrancia kaya pinagbigyan sila ni Guy.

***

Ayon kay Lito Sibonga, isang masugid na tagahanga ni La Aunor, inanyayahan ang kanyang idolo ng mga kababayan para sa pag-obserba sa kapistahan ng Peñafrancia.

“Um-attend ng misa at nag-communion si Ate Guy at siya ang naatasang magsindi ng kandila para sa Birhen,” pag-uulat ni Sibonga sa kanyang mga mensahe sa text.

“Taimtim na nagdasal si Ate Guy. ‘Yong boses niya for sure ang ipinagdasal niya,” dagdag pa ni Lito.

“I’m sure maibabalik din kay Nora ang kanyang golden voice. Kasi, ipinagkaloob ‘yan sa kanya ng Diyos,” sabi pa ni Sibonga.

“Sabay silang nagsimba at nagdasal. I’m glad na magkaibigan pa rin sina Nora at Juan ngayon,” wika ng binatang Noranian.

***

Samantala, turismo naman ang pinagkakaabalahan ni Vilma Santos sa Lalawigan ng Batangas dahil katatapos lang ng kanyang pulong kay Mayor Leovino Hidalgo ng Balete, Batangas para paigtingin ang larangang ito.

Saksi pa si Zeny Marcelo-Poe, ang balo ni Conrad Poe sa balak na ito ni Vilma at ni Mayor Hidalgo.

“Naku, magkasundo sina Vilma at Mayor Hidalgo at palalakasin nila ang tourism sa kanilang lugar. Kasama pa ni Mayor si Mrs. Marissa Hidalgo kaya kumpleto na ang lahat,” pahayag ni Zeny na kasama pa ang kontrobersyal na direktor at ngayon ay bise-alkalde ng San Antonio, Nueva Ecija na si Jose “Kaka” Balagtas.

Nakikipagtulungan din si Imelda Papin at ang peryodistang pampelikula na si Vir Mateo sa pangasiwaan ng bayan para mas magtagumpay ang programa ng turismo.

Sa gitna nito ay pinagtutuunan din ng pansin ni Santos ang kanyang paggawa ng pelikula kaya naman ayon sa respetadong miyembro ng Young Critics Circle na si Nonoy Lauzon ay naghahanda na ang aktres sa pagharap sa kamera para sa pelikulang ididirek para sa kanya ni Jeffrey Jeturian.

***

Hinahanapan naman ng butas ang pagsusugod umano sa ospital kay Shaina Magdayao na nasa maselang kondisyon naman ang batang aktres.

Ipinagtanggol pa siya ni Boy Abunda na walang katotohanan ang mga haka-haka at intriga na may hindi kaiga-igayang nangyayari sa buhay ni Shaina.

Isa lang anya itong tsismis na walang batayan kaya naman tahimik sa kampo nina Vina Morales.

***

Tinanggihan naman ni Robbie Tan, isa sa mga nagtatag ng Cinemalaya Foundation ang lahok ng batikang direktor na si Mario O’Hara sa 2011 Cinemalaya Independent Film Festival ng Cultural Center of the Philippines.

“Henerala” ang titulo ng iskrip ni Mario na tungkol sa pagrerebelde ni Gabriela Silang laban sa mga Espanyol sa pagpatay sa kanyang rebolusyonaryong asawang si Diego Silang.

Historikal ang tono at pamamaraan ng pagtrato sa pelikula, di ba, naman, dahil ito nga ay bahagi ng kasaysayan pero ayaw na ani O’Hara ni Robbie ng mga kuwentong may kaugnayan sa kasaysayan.

“Ang gusto raw ngayon ng Cinemalaya ay ‘yong mga pam-festival abroad. ‘Yong mga parang ‘Insiang’ at mga gusto ng international film festival sa ibang bansa,” sabi ni Mario.

“Pero malay natin, baka tawagin din ako ni Robbie one of these days para sabihing okey na ang entry ko,” sabi ni O’Hara.

Bakit gano’n?

Hindi ba’t ang Cinemalaya ay dapat na malaya sa lahat ng aspeto nito sa pggawa ng pelikula mula sa konsepto, kuwento, pamamaraan ng paglalahad at iba pang elemento?

Bakit ngayon ay hinahadlangan ang kalayaan sa pamamahayag at karapatang pagpili ng mga materyal?

***

Samantala, namatayan ng anak na babae ang makulay at madrama ang buhay na si Madam Auring.

Sumakabilang-buhay na si Marlyn Erfelo, apatnapu’t limang taong gulang na may dalawang anak, ikalawa sa panganay na supling si Madam Auring, Aurora Erfelo sa tunay na buhay.

Si Marlyn ang katu-katulong ni Madam sa pamamalakad at pamamahala ng kanyang puwestong tindahan at hulaan sa Victory Mall sa may Caloocan City.

Ayon sa isa sa mga anak ni Madam na si Rusty Erfelo, umagang-umaga noong ika-6 ng Setyembre, 2010 ay umalis sa bahay sina Auring at Marlyn patungo sa Victory Mall.

“Kasi, hahabulin nila ‘yong mga kustomer na nais magpamasahe. Mga seven o’clock in the morning sila umalis. Magbi-breakfast muna sana sila sa McDonald’s bago magtinda at magmasahe.

“Sa ibaba ng escalator, bigla na lang nahilo at natumba si Ate Marlyn. Kaya hindi malaman ni Mommy ang gagawin. Ang una niyang ginawa, binuhat si Ate. E, mabigat din si Ate. May mga tumulong naman. Tapos, dinala ni Mommy si Ate sa may labas.

“Kaya lang, walang taxi. Tapos, sa kalituhan ni Mommy, sa jeep na lang niya isinakay si Ate Marlyn papuntang MCU Hospital. Mabuti naman at mabait ‘yong drayber at dinala pa sila sa loob ng compound ng ospital.

“Pero dead on arrival na si Ate. Kaya, gusto ni Mommy, i-revive siya. Nakadalawang araw din si Ate Marlyn sa ospital. Namatay siya noong September 8,” kuwentong walang gatol ni Rusty.

Sa North Cemetery ililibing si Marlyn at nakaburol siya ngayon sa bahay nina Madam Auring sa Tierra Pura sa may Tandang Sora.

“Iyak nang iyak si Mommy araw-araw,” pahayag ni Rusty.

***

Nagpakitang-gilas si Aljur Abrenica ng kanyang magandang hubog ng katawan sa fashion show ni Cosmopolitan sa World Trade Center kamakailan.

Nagtilian ang mga kababaihan at kabadingan sa paghuhubad ni Aljur ng kanyang damit pang-itaas at natambad ang maganda at macho niyang dibdib.

Kaya lang ay inis na inis si direktor Maryo J. de los Reyes ng mga sandaling ‘yon kahit na naliligayahan ang mga manonood.

Ang dahilan—hindi pa tinatawag para magtanghal ang kanyang alagang Masculados na mga lalaking matitipuno at magaganda rin.

Kaya nang hindi na makatiis sa buryong at imbiyerna, nag-walk out na si Maryo.

Saksi ang peryodistang pampelikula na si Alice Vergara sa inis ni de los Reyes.

“Kasi, sabi niya, ang production ang nag-imbita sa kanila pero hindi sila pinag-perform agad samantalang nasa program sila. Kaya ‘yon, ibinigay na lang sa amin ‘yong mga tiket niya kaya nakapasok kami,” pahayag ni Alice.

***

Tuloy ang kasal nina Regine Velasquez at Ogie Alcasid sa Disyembre.

Si Monique Lhuillier ang tumahi ng trahe de boda ni Regine pati na rin ng mga damit ng ibang may kaugnayan sa kasal.

Pero kahit na abala si Ogie sa pagpapakasal niya kay Velasquez ay patuloy ang paglilingkod niya sa Organisasyon ng mga Pilipinong Mang-aawit o OPM bilang presidente nito.

***

Marami ang nagtatanong kung bakit natigil ang drama special ni Maricel Soriano sa TV5 samantalang nakapagpalabas na ito noong kauna-unahang kabanata nito.

Samantala, si Sharon Cuneta ay nabawasan ng kahit konting timbang pero kailangan pa rin niyang magpapayat para sa iba pang mga opisyo ng buhay na may kinalaman sa kanyang pagkanta at pag-arte.