Kredibilidad ng PNP, lalong babagsak sa ilalim ni Bacalzo – Karapatan
Binatikos ng Karapatan ang pagtalaga ni Pang. Benigno “Noynoy” Aquino III kay Gen. Raul Bacalzo bilang pinuno ng Philippine National Police (PNP), kapalit ni Gen. Jesus Versoza.

Binatikos ng Karapatan ang pagtalaga ni Pang. Benigno “Noynoy” Aquino III kay Gen. Raul Bacalzo bilang pinuno ng Philippine National Police (PNP), kapalit ni Gen. Jesus Versoza.
Sinabi ni Marie Hilao-Enriquez, tagapangulo ng pambansang alyansang pangkarapatang pantao, na palpak diumano ang rekord ni Bacalzo bilang pinuno ng Task Force Usig na itinalaga ng nakaraang administrasyon na imbestigahan ang pampulitikang pamamaslang sa mga aktibista.
“Lilikha lamang (siya) ng mas maraming kapalpakan sa pumapalpak nang puwersa ng pulisya,” ani Enriquez.
Inaasahan ng Karapatan na lalong babagsak ang kredibilidad ng PNP sa ilalim ni Bacalzo, matapos umani ng pandaigdigang pagkondena bunsod ng palpak na rescue effort sa hostage crisis sa Quirino Grandstand noong Agosto 23 kung kailan siyam na turista ang napaslang.
“Bilang dating hepe ng Task Force Usig para solusyonan ang pamamaslang sa mga aktibista at mamamahayag, hindi naman talaga ginawa ni Gen. Bacalzo ang tungkulin niya na tukuyin ang mga salarin sa 1,206 kaso ng extrajudicial killings. Kahit na bar topnotcher, hindi naglingkod para sa hustisya si Bacalzo,” paliwanag ni Enriquez.
Sinabi pa niya na nagpapatuloy ang pamamaslang sa ilalim ng bagong hepe ng PNP at bagong administrasyon.
“Ipinagpatuloy lang ni Pang. Aquino ang ‘revolving door policy‘ na pagpalit sa isang magreretirong heneral ng isang heneral na paretiro na. Kaya may dikuntento at ligalig sa mga puwersang panseguridad ng estado, PNP man ito o AFP,” sabi pa ni Enriquez.
Ipagpapatuloy umano ng Karapatan ang paghangad ng hustisya para sa mga pinaslang, dinukot, at ikinulong noong nakaraang rehimen.
Katunayan, magsasagawa ng pambansang araw ng pagkilos at sympathy fast ang Karapatan para sa pagpapalaya ng mga detinidong pulitikal. May 380 kataong nakakulong ngayon dahil sa kanilang pampulitikang mga paniniwala. Karamihan sa kanila ang nasa kustodiya ng PNP.
“Isang progresibong hakbang na maaaring gawin ni Bacalzo bago siya magretiro ay palayain sila,” pagtatapos ni Enriquez.