Bantang AJ sa welga sa PAL, binanatan
Sa pagbanta ni Sek. Rosalinda Baldoz ng Department of Labor and Employment (DoLE) na patawan ng Assumption of Jurisdiction (AJ) ang nakaambang welga sa Philippine Airlines (PAL), ipinapakita ng gobyernong Aquino na pumapanig ito kay Lucio Tan sa halip na sa interes ng bayan. Ito ang pahayag ng Kilusang Mayo Uno (KMU), na sumusuporta sa […]

Sa pagbanta ni Sek. Rosalinda Baldoz ng Department of Labor and Employment (DoLE) na patawan ng Assumption of Jurisdiction (AJ) ang nakaambang welga sa Philippine Airlines (PAL), ipinapakita ng gobyernong Aquino na pumapanig ito kay Lucio Tan sa halip na sa interes ng bayan.
Ito ang pahayag ng Kilusang Mayo Uno (KMU), na sumusuporta sa Flight Attendants and Stewards Association of the Philippines (FASAP) at PAL Employees Association (PALEA).
Nilalabanan ng FASAP ang mandatoryong pagreretiro sa mga flight attendant na nabubuntis o lumalampas sa edad 40. Tinututulan din ng PALEA ang spin-off at outsourcing kung saan matatanggal sa trabaho o magiging kontraktuwal ang 2,600 empleyado.
“Sinasabi ng gobyerno na ayaw nilang magwelga ang mga manggagawa ng PAL, pero wala itong ginagawa para pigilan ang mga iskema ni Lucio Tan (may-ari ng PAL) na magkamal ng limpak-limpak na tubo,” sabi ni Elmer Labog, tagapangulo ng KMU.
Nanawagan ang grupo kay Aquino na ibasura ang kapangyarihan ng kalihim ng DoLE na magpataw ng AJ, na nagreresulta umano sa ilegal na tanggalan at marahas na interbensiyon ng militar at pulisya, gaya ng nangyari sa Hacienda Luisita noong 2004.
“Winawasak ng AJ ang karapatan ng mga manggagawa na ipaglaban ang kanilang lehitimong mga interes,” ani Labog.
Basahin ang kaugnay na istorya: Turismo, tubo, at disgusto sa PAL