Itim na propaganda, itim na laso


Sa Luzon man, Visayas, o Mindanao, may sulat na natatanggap ang sinumang kandidatong nakikipag-ugnayan kina Satur Ocampo, Liza Maza, at progresibong mga party-list. Ang iba’y naninira; ang iba’y direktang nagbabanta.

Naglipana sa buong bansa ang mga materyales na tinataguriang itim na propaganda laban sa progresibong mga kandidato sa pagkasenador na sina Satur Ocampo at Liza Maza. (Contributed Photo)
Naglipana sa buong bansa ang mga materyales na tinataguriang itim na propaganda laban sa progresibong mga kandidato sa pagkasenador na sina Satur Ocampo at Liza Maza. (Contributed Photo)

Una, ang itim na propaganda. Sunod, ang itim na laso.

Nang maging abogado si Katrina Castillo noong 2007–ang pinakabatang pumasa ng bar exams sa taong iyon–nagsimula rin ang panghaharas at paninira sa kanya. Mga magsasaka na ikinulong at pinagbintangang komunista kasi ang kanyang piniling pagsilbihan, bilang human rights lawyer (sa edad na 25, sinasabing ang pinakabata sa buong bansa). Sinusundan siya ng mga pinaghihinalaang ahente ng militar sa mga pagdinig sa korte. Sa programa sa radyo ng 8th Infantry Division, inaakusahan siyang “legal counsel” ng National Democratic Front of the Philippines.

Si Castillo ngayon ang ikatlong nominado ng Kabataan, isang progresibong party-list na kumakatawan ng sektor ng kabataan sa Kongreso. Noong Abril 16, nakatanggap ng sulat ang kanyang ina. May kalakip itong itim na laso.

Ang sabi sa sulat: ““It seems that you are not truthful and serious in serving the public. We found out that you continue your alliance with the enemies of democracy, progress and peace – the CPP-NPA-NDF and its partylists. Your alliance with them is an admission that you are one of them who adhere to the nonsense communism. WITH THIS LETTER IS A BLACK RIBBON THAT WILL REMIND YOU THAT YOUR LIFE, AS WELL AS YOUR FAMILY, IS ONLY A PRIVILEGE. IF DEATH BECOMES YOU, MAY YOU REST IN PEACE. For the Filipino people, country, and democracy.

Sulat ng babala at itim na laso para kay Katrina Castillo, isang human rights lawyer at ikatlong nominado ng Kabataan Party-list. (Contributed Photo)
Sulat ng babala at itim na laso para kay Katrina Castillo, isang human rights lawyer at ikatlong nominado ng Kabataan Party-list. (Contributed Photo)

Halos ganoon din ang natanggap noong Marso 23 ni Arthur Allad-iw, isang dating mamamahayag at ngayo’y tumatakbo bilang konsehal ng Baguio City. Ipinadala sa kanyang bahay ang isang sulat na nagsasabing, “Aming napatunayan na patuloy ang iyong pakikipag-alyado sa kaaway ng demokrasya, ang CPP-NPA.” Kalakip nito ang itim na laso na “babala na ang iyong buhay gayundin ng pamilya mo ay hiram lamang.”

“Noong una, I was disturbed by it kasi parang hindi lang ako, kundi pati ang pamilya ko ang threatened. Pero nalalampasan ko ito dahil na rin sa suporta ng aking mga kasamahan at ng midya,” sabi ni Allad-iw sa panayam ng Pinoy Weekly.

Kandidato si Allad-iw ng Makabayan, koalisyon ng mga party-list at iba pang progresibong kandidatong tumatakbo sa eleksiyon. May isang pagkakataon sa Session Road sa Baguio City, kuwento ni Allad-iw, na itinaas ng mga kandidato ng Makabayan sa pagkasenador na sina Satur Ocampo at Liza Maza ang kanyang kamay.

Lumang akusasyon, bagong puntirya

Sa isang press conference a Quezon City noong Abril 24, ipinakita nina Ocampo at Maza sa midya ang mga kopya ng sulat na ipinamimigay sa daan-daang kandidato sa iba’t ibang bahagi ng bansa. Anila, sumusuporta sa Makabayan ang mga pinapadalhan ng ganitong sulat. Dahil iisa lamang ang laman ng sulat, umano’y malinaw na isa itong sistematiko at pambansang kampanya ng panunupil.

Sa sulat, tinukoy ang mga party-list na Bayan Muna, Anakpawis, Gabriela, Kabataan, Katribu, ACT Teachers, at Akap Bata na mga “kasangkapan ng Partido Komunista ng Pilipinas” na layuning “mapasok muli ang ating demokratikong institusyon upang sirain mula sa kaloob-looban.”

Tinukoy si Ocampo na dating namumuno ng mga rebeldeng New People’s Army na diumano’y sangkot sa pagpatay sa pinaghihinalaang mga ahente ng gobyerno noong dekada ’80. Samantalang si Maza, inakusahang nagpapatay diumano ng mga kaanib ng grupong Akbayan sa Nueva Ecija.

Hinikayat ang mga kandidato na huwag “magpalinlang, makipagalyado, sumuporta, o humingi ng tulong sa mga komunista.” “Ito ay paunang babala!” pagtatapos ng sulat na pinirmahan ng isang grupong nagngangalang Samahan Kontra Korapsyon.