Istorya ng Linggo

Eleksiyong 2010: Hamon ng obrero


Oo na, para na sa mahihirap silang mga kandidato sa pagkapresidente. Pero di ba mga manggagawa ang ilan sa pinaka-naghihirap sa bansa ngayon? Bakit walang malinaw na tindig ang karamihan sa mga presidentiable sa mga usapin ng dagdag-sahod at kontraktuwalisasyon?

Ito ang ika-sampu sa serye ng mga artikulo sa Pinoy Weekly hinggil sa mga isyung bayan at ang mga paninindigan ng mga kandidato sa pagkapangulo hinggil dito. Maglalabas kami ng serye ng mga artikulong tulad nito hanggang sa bisperas ng eleksiyon sa Mayo 10, 2010. Layunin ng seryeng ito na ilantad sa publiko ang paninindigan at rekord ng bawat kandidato sa pinaka-mahahalagang isyu ng bansa. Batay dito, maaaring mahusgahan natin ang pipiliing kandidato para mamuno sa atin sa sunod na anim na taon.

***

Sen. Noynoy Aquino: Hinarang ang P125 dagdag-sahod ng mga manggagawa noong 2005. (KR Guda / PW File Photo)
Sen. Noynoy Aquino: Hinarang ang P125 dagdag-sahod ng mga manggagawa noong 2005. (KR Guda / PW File Photo)

Milyun-milyong manggagawang Pilipino ang boboto sa darating na Mayo 10 kaya hindi maaaring isantabi na lamang ng mga kumakandidato sa pagkapangulo ang usapin ng mga manggagawa sa kanilang plataporma at mga pangako. Tinatayang 35 milyon ang lakas-paggawa ng bansa at mayorya sa kanila ay umaasa nang kahit kaunting alwan kung sino man ang magiging susunod na presidente ng bansa.

Ayon kay Elmer Labog, tagapangulo ng Kilusang Mayo Uno (KMU), lahat ng kumakandidato ay nagsasabing sila’y makamahirap at wawakasan ang kahirapan at korupsiyon. Pero wala naman umanong nagpresenta ng kongkreto at matagalang adyenda para sa sektor ng paggawa.

“Gusto naming marinig sa mga kandidatong ito kung ano ang gagawin nila para solusyonan ang mababang pasahod, kawalan ng trabaho, migrasyon, masahol na kondisyon sa paggawa at paglabag sa karapatan ng mga manggagawa,” ani Labog.

Ngayong Mayo Uno, ang Pandaigdigang Araw ng Paggawa, inilatag ng KMU ang kanilang mga kahilingan at hamon. Kabilang dito ang:

1. Pagsasabatas ng signipikanteng pagtaas ng sahod

2. Pagtaguyod sa mga karapatan ng manggagawa; pagtigil sa kriminalisasyon ng mga manggagawa

3. Pagrepaso sa Labor Code ng Pilipinas, pagbawi sa mga batas na nagsusulong ng kontraktuwalisasyon at pagbasura sa Assumption of Jurisdiction

4. Paglikha ng lokal na trabaho, pagbawi sa mga polisiya sa labor export

5. Pagkontrol sa presyo ng pangunahing mga bilihin, pagpaparusa sa malalaking kompanya na labis magpatubo

6. Pagtaas ng badyet para sa mga serbisyong panlipunan

7. Pagsuporta sa mga hakbang para mapalaya ang bansa sa pagsandig sa dayuhang utang

8. Pagsuporta sa mga hakbang para mapalaya ang lokal na ekonomiya sa pagsandig sa dayuhang merkado at kapital

9. Katarungan para sa lahat ng mga biktima ng pampulitikang paninikil, karapatan sa paggawa at pantao

10. Pagsakdal at prosekusyon sa administrasyong Arroyo sa mga krimen nito laban sa mamamayan.

Kung sino man sa mga tumatakbong presidente, bise-presidente at mga senador ang sumuporta sa kanilang mga kahilingan, iyon ang ieendorso ng mga manggagawa.

Mula rito ay maaari nating kilatisin kung ano nga ba ang adyenda ng mga kandidato kaugnay ng usaping pangmanggagawa.

Kontra sa dagdag-sahod

Bilang senador, sinuportahan ni Benigno Aquino III ang Productivity Incentives Act na nagbibigay ng taunang insentibo sa mga manggagawa sa pribadong sektor at nagtataas ng parusa sa mga hindi susunod sa pagdagdag sa suweldo ng mga manggagawa. Gayunman, bilang isa sa mga may-ari ng Hacienda Luisita, hinayaan ni Noynoy ang hindi patas na paggawa sa asyenda at ang hindi makatarungang sahod ng mga manggagawa.

Noong 2005, inakusahan ng namayapang kinatawan ng Anakpawis at tanyag na lider-obrero na si Crispin “Ka Bel” Beltran si Aquino na nagtulak ng mga panukalang batas na pangontra sa P125 legislated wage hike.

Kabilang sa panukalang ito ang Productivity Incentives Act, na nagtatakda sa mga kompanya na maglaan ng di-bababa sa 10 porsiyento ng kanilang taunang kita para sa productivity incentive bonus ng mga manggagawa.

The bill is worse than the proposals of the Employers Confederation of the Philippines (ECOP) for a P30 wage hike. In Aquino’s bill, a company employing 100 and earning P1 million annually will only be giving its workers a P3.00 wage increase,” sabi noon ni Beltran.