Sa pinaigting na opensiba ng AFP: News blackout sa Maguindanao?


Mahigit-kumulang 60 mamamahayag mula sa Metro Manila at Mindanao na nagsisiyasat sa kalagayan ng mga bakwit ang hinarang sa Guindolongan, Maguindanao ng mga elemento ng 46th Infantry Battalion. Bandang alas-otso ng umaga ngayong Hunyo 30, papunta sa Datu Piang mula sa Cotabato City ang mga mamamahayag mula sa iba’t ibang organisasyon ng midya, kabilang ang […]

Mahigit isang oras hinarang ng mga elemento ng 46th Infantry Battalion ang mga mamamahayag na patungo sa mga evacuation center sa Datu Piang, Maguindanao. (Ilang-Ilang Quijano)
Mahigit isang oras hinarang ng mga elemento ng 46th Infantry Battalion ang mga mamamahayag na patungo sa mga evacuation center sa Datu Piang, Maguindanao. (Ilang-Ilang Quijano)

Mahigit-kumulang 60 mamamahayag mula sa Metro Manila at Mindanao na nagsisiyasat sa kalagayan ng mga bakwit ang hinarang sa Guindolongan, Maguindanao ng mga elemento ng 46th Infantry Battalion.

Bandang alas-otso ng umaga ngayong Hunyo 30, papunta sa Datu Piang mula sa Cotabato City ang mga mamamahayag mula sa iba’t ibang organisasyon ng midya, kabilang ang Pinoy Weekly, sa pangalawang araw ng isang joint coverage na inisponsor ng mga civil society organization.

Iniutos ni 601st Infantry Brigade commander Col. Medardo Geslani ang pagharang sa midya dahil delikado umano ang lugar na pupuntahan, ayon kay Sgt. Eduardo Bautista.

Nasa Datu Piang ang konsentrasyon ng daan-daan libong bakwit na apektado sa sagupaan sa pagitan ng Moro Islamic Liberation Front at Armed Forces of the Philippines.

Matapos ang halos isang oras na pakikipagnegosasyon, pumayag ang mga sundalo na makatuloy ang midya sa kondisyong sasamahan sila ng mga eskort mula sa AFP, sa utos pa rin ni Geslani.

Dumating ang mga eskort sakay ng isang 6×6. Ngunit hindi sumama sa kanila ang mga miyembro ng midya.

Nakaalis din ang mga mamamahayag pasado alas-nuwebe ng umaga.

Sa isang text message, sinabi ni Lt. Col. Jonathan Ponce, tagapagsalita ng 6th Infantry Division ng Philippine Army, na bahagi lamang ang pagharang sa midya ng normal na “security check.”

Pinabulaanan ito ni Nonoy Espina, bise-presidente ng National Union of Journalists of the Philippines, na kasama sa nasabing coverage. “Sinungaling sila. Hindi iyon security check kundi arbitrary detention dahil sinabi nilang hindi kami paaalisin hanggang walang clearance mula sa itaas. Isa itong paglabag sa karapatan sa malayang pamamamahayag,” aniya.

Nagtataka ang mga mamamahayag kung bakit pinadadaan naman ang ordinaryong mga sibilyan nang walang kuwestiyon.

Samantala, inamin ng isang di-nagpakilalang sundalo sa tsekpoint na nakausap ng mga mamamahayag na mayroon ding miyembro ng lokal na midya hinarang noong nakaraang araw. “Basta midya, hindi nakakapasok,” aniya.

Tila kinukumpirma ng nasabing insidente ang reklamo ng mga civil society organization na may umiiral na news blackout sa lugar dahil sa pagkakasangkot ng militar sa mga kaso ng paghaharang ng pagkain (food blockade), panununog ng bahay, pamamaril at pambobomba sa mga sibilyan, at iba pang uri ng paglabag sa karapatang pantao.

“Hindi kami haharangin kung wala silang itinatago,” sabi pa ni Espina.

Noong Abril 18, inilunsad ng AFP ang Oplan No Man’s Land: Search and Destroy para hulihin ang komander ng MILF na si Ameril Umbra Kato at durugin ang mga puwersa ng rebeldeng grupo sa mga probinsya ng Maguindanao at North Cotabato.

Umabot sa mahigit 600,000 ang mga nagsilikas simula nang ikansela ng gobyerno Memorandum of Agreement on Ancestral Domain noong Agosto 5, 2008, tumindi ang sagupaan ng militar at mga rebeldeng Moro, at nasuspinde ang usapang pangkapayapaan.

May mahigit 200,000 pang bakwit na hindi nakakabalik sa kani-kanilang tahanan, ayon sa National Disaster Coordinating Council.

Ayon sa mga civil society organization, patuloy ang paglikas ng mga pamilya dahil sa pinaigting na opensiba ng AFP laban sa MILF.

Inisponsor ang joint coverage mula Hunyo 29 hanggang Hulyo 1 ng Mindanao Comstrat and Policy Alternatives, MindaNews, NUJP, Center for Community Journalism and Development, at Institute for War and Peace Reporting.