Pinoy Weekly

Isang Angel na lumalaban sa karahasan sa kababaihan

pw-angel-locsin01

ILANG taon na ring nakihalubilo si Angel Locsin, ang artistang napalapit na sa madla, lalo tuwing kanyang kaarawan. Pagpapakita umano niya ito ng pagiging sinsero sa masang kanyang pinapasaya bilang artista.

Iba siya sa mga artista. Matapos magpasaya sa maralitang mga bata sa Payatas noong nakaraang taon, napili ni Angel na makihalubilo sa kapwa niyang kababaihan. Ngunit higit sa lahat, mag-ambag rin ng mas mahalagang tulong at suporta sa kanila. Ani nga ni Angel, “Sa maiksing panahon makalimot man ‘yung mga problema nila. At magkaroon ng chance na makatulong sa mga nanangangailangan talaga, at ‘yung may cause, ‘yung may ipinaglalaban.”

Ang cause na ipinaglalaban ngayon ni Angel? Ang paglaban sa karahasan sa kababaihan. Sa taong ito kung kailan ipinagdiriwang ang ika-25 taong anibersaryo ng Gabriela, naganap din ang ilang pagsubok sa kampanya para mapawi ang pandarahas sa kababaihan. Nariyan na siyempre ang pagpapalaya sa sinasabing manggagahasang sina Romeo Jalosjos at Lance Corp. Daniel Smith. Maging ang sundalong Kano na manggagahasa ng migranteng biktima na si Hazel sa Okinawa, Japan ay napawalang-sala.

Sa gitna nito, nariyan pa siyempre ang papaatas na bilang ng mga babaing dinadahas sa kani-kanilang mga tahanan, sa kani-kanilang mga trabaho, sa kani-kanilang mga relasyon.

Batid ito ni Angel. Kaya naman, binigyan siya ng pagkakataon ng Gabriela na maging bahagi ng labang ito. Noong ika-23 ng Abril ipinagdiwang ng 24-anyos na artista ang kanyang kaarawan sa Balay Kalinaw sa UP Diliman, sa gitna ng kanyang mga tagahanga at kapwa kababaihan. Sa taon ngang ito, bilang pagsuporta sa kababaihan, nagpahayag siya ng suporta sa kampanyang Vow Versus VAW (violence against women o karahasan laban sa kababaihan).

Bagay naman na ikinatuwa ng mga kinatawan ng mga grupong pangkababaihan. “Isa itong malaking karangalan na isang taga-showbiz na gaya ng status ni Angel ang naninindigan din. Bilang spokesperson, siya ay magiging ehemplo, lahat ng kanyang advocacy ay maipapalaganap dahil may followers siya,” ayon kay Emmi de Jesus, pangkalahatang kalihim ng Gabriela.

“Ini-expect namin na mas lalong lalakas ang kampanya,” ayon naman kay Gabriela Rep. Liza Maza. “Inaasahan na tutulong si Angel sa pagbibigay kaalaman sa mga kababaihan hinggil sa iba’t ibang anyo ng karahasan.”

pw-angel-locsin-ella-self-defenseSa maiksing programang inihanda sa tulong na rin ng Gabriela at ng ilang fans club ng artista na dumalo sa okasyon, nagbigay ang mga organizer ng isang malamang diskusyon ukol sa karahasan sa kababaihan at ilang paraan upang malabanan ito. Akma naman ang paksa sa kalakhan ng naroon, na pawang kabataang kababaihan na bulnerable sa mga atake laluna ng kalalakihan. “Sa ating kultura napakahalangang sangkap ang edukasyon at inpormasyon lalo na sa general public na maririnig na ang karahasan ay di-natural,” paliwanag ni De Jesus.

Halos magtatakipsilim na nang dumating si Angel, ngunit naroon pa rin naman ang kanyang mga tagahanga na nakapaghintay. Sa mga sandaling naroon siya, dinugtungan ni Angel ang nasimulan nang diskusyon ukol sa self-defense. Sa tulong rin ng kanyang kapatid na si Ella Colmenares, nagbigay siya ng ilang moves o pagkilos sa ilang ehemplong sitwasyon kung saan maaaring nasa panganib ang isang babae.

Nagbigay rin siya ng scholarships sa apat na kababaihang anak ng mga biktima ng karahasan sa kababaihan. Pati si Angel, dinamay na rin ng ABE International Business College (business school ng AMA Computer School) na ginawaran ng scholarship, upang anila’y maipagpatuloy ni Angel ang kanyang edukasyon. Nabatid diumano ng AMA na nakakuha na ng short course si Angel sa kanilang paaralan.

Bago siya tuluyang umalis, ipinahayag niya ang kanyang saloobin sa kanyang piniling adbokasiya sa taong ito. “I’m very proud na part ako ng Gabriela. I’m happy na kahit ganito, nakakatulong ako,” sabi pa niya. Totoo, marahil, ang kanyang binanggit. At makakatulong nga ang tulad ni Angel sa pagsusulong ng laban kontra sa karahasan sa kababaihan.

May ulat ni Che Almuena

pw-angel-locsin-dad-liza-maza

email

Short URL: http://pinoyweekly.org/new/?p=786

Darius Galang Posted by on May 1 2009. Filed under Kultura. You can follow any responses to this entry through the RSS 2.0. You can leave a response or trackback to this entry

1 Comment for “Isang Angel na lumalaban sa karahasan sa kababaihan”

  1. yan si ate angel mabait matulungin kya nga i dol ko sya eh i love you ate angel

Leave a Reply

Multimedia

Eskinita: Ang Alternatibong Ruta

Loading Twine Social
Log in | Designed by Gabfire themes