Isa na namang Pinay nagreklamong ginahasa ng US Marine

Isa na namang Pilipina ang ginahasa diumano ng sundalong Kano sa Pilipinas. Ayon kay Vanessa (di tunay na pangalan), ginahasa umano siya ng isang sundalong Kano sa isang hotel sa Makati, noong Abril 19. Nagpakilalang “miyembro ng US Marines” ang Kano.

Vanessa (di tunay na pangalan), ginahasa umano ng sundalong Kano
Vanessa (di tunay na pangalan), ginahasa umano ng sundalong Kano (KR Guda)

Isa na namang Pilipina ang ginahasa diumano ng sundalong Kano sa Pilipinas.

Ayon sa Gabriela, militanteng alyansang pangkababaihan na dinulugan ng biktima, ginahasa ng isa umanong sundalong Kano si Vanessa (di tunay na pangalan) sa isang hotel sa Makati, noong Abril 19.

Sinabi umano ni Vanessa na nagpakilala sa kanya ang Kano bilang “miyembro ng US Marines.”

Tumanggi ang Gabriela na pangalanan ang sundalo. Hiniling din ni Vanessa na huwag ilabas ang pangalan at imahen niya sa midya.

Nakipagkaibigan

Ayon sa Gabriela, nakipagkaibigan ang Kano na itinago sa pangalang John Jones kay Vanessa noong Abril 10 nang lumapit ito sa kanya sa isang club sa The Fort, Taguig.

Abril 18 nang muling magkita si Vanessa at ang Kano sa hotel na tinutuluyan ng huli. Ayon kay Vanessa, doon umano siya ginahasa ng sundalong Kano.

Nakalista umano ang Kano sa rekord ng hotel na mula sa “Joint United States Military Assistance Group (Jusmag)/ Balikatan.”

Insidente ng panggagahasa

Ito ang paglalahad ng Gabriela sa naganap kay Vanessa:

* Pagpasok ni Vanessa sa kuwarto ni Jones, napansin umano niya na may mga gamit na pangbabae rito. Nagpaalam siya sa lalaking Kano na aalis na siya dahil “ayaw niyang mapaaway.”

* Bigla umanong tumayo si Jones, sinampal si Vanessa at sinabing “Why you do that?” (sic) Pagkatapos, binuhat daw ni Jones si Vanessa at inihagis sa kama. “Makailang beses siyang (Vanessa) sinampal gamit ang kaliwang kamay samantalang sinasakal (siya) ng kanang kamay,” ayon sa Gabriela.

* Nanlaban si Vanessa, pero nahawakan umano ni Jones ang babae sa dalawang kamay habang nasa kama. Hindi na umano natatandaan ng babae ang sumunod na nangyari, pero nagawa ng Kano na hubaran siya at ipasok ang ari sa babae.

* Maya-maya, napagod na umano ang lalaki, tumayo at kinuha ang cellphone. “Dali-daling tumayo si Vanessa, kinuha ang kanyang mga damit at gamit, at saka nagkulong sa loob ng banyo,” ayon sa Gabriela. Lumabas umano si Vanessa pagkabihis at nagpumilit kay Jones na aalis na siya.

* Tumawag umano si Jones sa front desk ng hotel para sabihin sa security na may nagwawalang babae sa kanyang kuwarto. Sinamahan ng Kano si Vanessa sa elevator. Sa lobby umano ng hotel, tinagpo siya ng babaing pinuno ng security ng hotel. Sa kanya nagsumbong si Vanessa tungkol sa nangyari sa kanya. Tinawagan ni Vanessa ang kapatid at nagsumbong. Di nagtagal, sinundo umano si Vanessa ng mga kaanak niya.

* Alas-10 ng umaga nang pumunta umano si Vanessa sa isang ospital sa Makati para magpa-eksameng mediko-legal.

* Kinabukasan, Abril 20, dumulog si Vanessa sa Gabriela para huminigi ng tulong.

Nawalan ng pag-asa

Hindi pa tiyak kung magsasampa ng reklamo ang biktima dahil sa personal na mga kadahilanan.

Gayunman, pumayag si Vanessa na humarap sa midya para isalaysay ang kanyang kuwento sa isang press conference kasama ang Gabriela noong Mayo 14.

Matatandaang binaliktad ng Court of Appeals ang hatol na guilty kay Lance Corporal Daniel Smith, inakusahang nanggahasa sa isa pang Pilipina, noong nakaraang buwan. Kabilang ang Gabriela sa mga grupong pangkababaihan na ipinoprotesta ang naturang desisyon dahil sa maaaring epekto nito sa iba pang kaso ng panggagahasa laluna sa mga nabibiktima diumano ng mga sundalong Kano.