Chile: Allende, Jara, Neruda

June 29, 2009

chile-the-other-september-11

Pabalat ng librong "Chile: The Other September 11"

Ang mali ko, binuksan ko ang librong ito nang madaling araw, pampatulog sana. Hindi ko na nabitawan, kaya hindi ako agad nakatulog. Salik ang pagiging maiksi – tiyagain mo na, madali lang matatapos. Pero syempre, pangunahin ang bigat ng laman sa estilong magaan. Sa loob ng wala pang tatlong oras, sa pamamagitan ng mahigit 110 pahina, tumimo sa akin ang “isa pang 9-11.”

Ang tinutukoy: ang kudetang inilunsad ng militar ng Chile noong 1973 laban sa gobyerno ni Salvador Allende, sosyalistang presidenteng halal at suportado ng mga mamamayan sa isang demokratikong eleksyon noong 1970. Isa sa namuno sa kudeta si Hen. Augusto Pinochet, naging diktador ng Chile sa mahabang panahon, 1973-1990. Gaya ng alam ng marami ngayon, at pinapagtibay pang lalo ng libro, todong sinuportahan ng rehimen ni Richard Nixon ng US ang marahas na kudeta, sa tulak ni Henry Kissinger, direktor ng National Security Council.

Aaminin kong hiniram ko ang librong ito dahil tampok sa pabalat ng libro ang pangalan ni Ariel Dorfman, bantog na manunulat na Chileano. Pero lalabas na ang sanaysay ni Dorfman, na nag-ugnay ng 9-11 ng US sa 9-11 ng Chile sa simula ng libro, ay sekundaryo sa bisa ng ibang nilalaman: mga tula nina Pablo Neruda, Victor Jara, Ishmael Reed, David Ray, A. Apercelle at Muriel Rukeyser; mga salaysay nina Joan Jara, Matilde Neruda at Beatriz Allende tungkol sa pagkamatay ng mga lalake sa buhay nila; ang huling talumpati ni Salvador Allende; mga analisis nina Dorfman at Fidel Castro. May mga pahinang laan lang sa mahahalagang datos at tampok na sinabi ng susing mga tao sa kudeta.

Umikot ang mga salaysay sa dalawang krusyal na pangyayari sa araw na iyun: ang pag-atake sa Palacio de La Moneda, Malakanyang ng Chile, ng mga pwersang militar na nagkudeta at ang pagkulong sa libu-libo sa Estadio Chile – bagamat may sipat din sa pagpatay sa mga ikinulong na ito ng militar. Sa mga bahaging ito, namuo ang mga salita patungong imahe ng pangyayari:

salvador-allende1

Salvador Allende

Si Salvador Allende, may hawak na baril – iyung regalo sa kanya ni Castro ng Cuba – at nakabihis-militar, handang lumaban at mamatay sa pagtindig sa La Moneda. Sa proseso, kalmado pa niyang nabigkas sa radyo ang huling mensahe niya sa sambayanang Chileano. “Posibleng madurog nila tayo, pero ang bukas ay sa sambayanan!” sabi niya. Tumanggi siyang umalis sa palasyo kahit binilangan na ang mga pwersa niya at grabeng atake ang pinawalan sa kanila.

Si Salvador Allende, nakikipagbarilan sa mga nagkudetang militar na umaakyat na sa mga hagdanan ng La Moneda matapos ang matagal na labanan. May nagsabing nagpakamatay siya noong nasukol, pero kumikiling si Castro sa ibang bersyon: lumaban si Allende hanggang mahigit 10 bala na ang nakatanim sa katawan niya. Noong namatay siya, binuhat siya ng mga sundalong kasama niya, iniupo sa upuan ng pangulo ng Chile, sinuotan ng sash ng presidente at binalutan ng bandila ng Chile. Sa huling mga pahayag niya, malinaw ang gusto niya: ang maalala bilang “marangal na taong matapat sa kanyang bansa.”

Victor Jara

Victor Jara

Si Victor Jara, bantog na kompositor at mang-aawit na Chileano, lasug-lasog ang kasuotan, bugbog ang katawan, nakapiring, iniharap sa napakaraming dinakip na nakadapa at nakapiring sa Istadyum ng Chile, pinakanta ng militar, at umawit ng ilang linya ng himno ng Unidad Popular, partidong elektoral nila, ang “Venceremos” – magwawagi tayo. Pagkatapos, hinila na siya palayo. Kinabukasan, nakita siyang patay, kasama ang iba pa, ginamitan ng machine gun. Bago nito, nakapagsulat pa siya ng tula: “Ang nakita ko, hindi ko pa nakita /Ang naramdaman ko, at ang nararamdaman ko / ay magsisilang sa yugto.”