Panawagan ng CBCP para sa mapayapang protesta, sinalubong

Sinalubong ng militanteng mga grupo sa ilalim ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) ang panawagan ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) para sa “mapayapang mga protesta” laban sa Constituent Assembly (Con-ass). “Inaasahan naming magiging organisado at mapayapa ang mga kilos-protesta, bagaman naroroon ang matinding galit. Umulan man o umaraw,  magmamartsa kami kontra sa Con-Ass,” […]

Sinalubong ng militanteng mga grupo sa ilalim ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) ang panawagan ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) para sa “mapayapang mga protesta” laban sa Constituent Assembly (Con-ass).

“Inaasahan naming magiging organisado at mapayapa ang mga kilos-protesta, bagaman naroroon ang matinding galit. Umulan man o umaraw,  magmamartsa kami kontra sa Con-Ass,” sabi ni Renato Reyes Jr., pangkalahatang kalihim ng Bayan.

Nakatakda sa Lunes, Hunyo 8, ang dayalogo sa pagitan ng Philippine National Police at ng mga organisador ng malawakang kilos-protesta sa Hunyo 10. Kumuha na rin umano ang Bayan ng permit para sa nasabing kilos-protesta na gaganapin sa Ayala cor. Paseo de Roxas Ave., Makati City.

“May malawak na konsensus sa mga organisasyong pampulitika, relihiyoso, sibiko, at propesyunal na mali ang Con-Ass at ang protesta ang tanging paraan para masawata ang iskemang pansarili (ng administrasyong Arroyo),” dagdag ni Reyes.

Binatikos pa Bayan ang paghuhugas-kamay ng Malakanyang sa pagpasa noong Hunyo 3 ng kanyang mga alyado sa Kamara ng House Resolution 1109 o pagbubuo ng Con-Ass.

“Kailangan ng mas mataas mataas na kapangyarihan para magkaroon ng halos perfect attendance sa Batasan, lalo para manatili ang mga kongresista para bumoto nang iisa. Makikita mo sa paraan ng kanilang pagboto na binigyan sila ng marching orders,” sabi ni Reyes.

“Isa pa, malinaw na si Arroyo ang pangunahing makikinabang sa anumang hakbang para baguhin ang Konstitusyon. Hindi tanga ang taumbayan,” aniya pa.

Kabilang sa mga dadalo sa kilos-protesta sa Hunyo 10 ang Bayan, United Opposition, the Association of Major Religious Superiors of the Philippines (Women), Concerned Citizens Movement, Black and White Movement, Edsa 3 Coalition, Gabriela, Kabataan, MY-ERAP, Liberal Party, Change Politics, Akbayan, Sanlakas, Artists Revolution, Pagbabago, Bangon Pilipinas, FPJPM, Movement for Good Governance at bise-presidente Teofisto Guingona.