Pinoy Weekly

Tortyur, opisyal na polisiya ng gobyernong Arroyo – Karapatan

Hindi man nito inaamin, polisiya ng gobyernong Arroyo ang paggamit ng tortyur sa giyera nito kontra sa insurhensiya.

Ito ang iginiit ng Karapatan, alyansang pangkarapatang pantao, sa pagpiket nito sa harap ng tanggapan ng National Intelligence Coordinating Agency (NICA) sa Quezon City bilang paggunita sa Pandaigdigang Araw ng Pakikipagkaisa sa mga Biktima ng Tortyur noong Hunyo 26.

“Hindi mapapasubalian ng gobyerno ang mga testimonya nga mga survivor na sina Raymond Manalo, Melissa Roxas at Berlin Guerrero, at marami pang iba na nagbigay ng mga detalye sa kung paano nasasangkot ang militar sa tortyur sa kanila at sa iba,” pahayag ng Karapatan.

Lantarang nilalabag diumano ng gobyernong Arroyo ang United Nations Covenant Against Torture. Isa ang gobyerno ng Pilipinas sa mga lumagda sa naturang covenant.

Patunay umano rito ang mga obserbasyong nabuo sa ika-42 sesyon ng Committee against Torture kung saan inirebyu ang rekord sa karapatang pantao ng Pilipinas noong Abril 2009.

“May matatalas na kongklusyon ang Komite laban sa gobyerno sa di nito pagpatupad sa mga probisyong nakasaad sa covenant at pagwakas sa mga paglabag,” sabi pa ng Karapatan.

Ginunita rin ng Karapatan, pati ng Desaparecidos, ang ikatlong taong pagdukot sa dalawang estudyante ng UP na sina Karen Empeño at Sherlyn Cadapan, sa magsasakang si Manuel Merino, at sa mga konsultant at istap ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP) na sina Prudencio Calubid, Calina Palma, Gloria Soco at Ariel Beloy.

Nasaksihan diumano ni Manalo ang pagtali ng mga sundalo kay Sherlyn Cadapan sa isang poste ng kisame para molestiyahin at gulpihin si Sherlyn at ipuwersang paaminin siya na miyembro ng New People’s Army (NPA).

“Dapat ring managot ang gobyerno sa sikolohikal na tortyur sa mga detinidong pulitikal, kabilang sina Elizabeth Principe at Eduardo Serrano, at sa tortyur at seksuwal na abuso sa detinidong pulitikal na si Angelina Bisuña Ipong.

“Sa pinakahuling kaso ng tortyur, nakaranas si Melissa Roxas ng maraming pambubugbog at mental na tortyur mula sa militar,” sabi ni Marie Hilao-Enriquez, pangkalahatang kalihim ng Karapatan.

Kabilang umano sa mga pamamaraan ng tortyur ng militar ang water boarding o water cure, pangunguryente, sleep deprivation sa pamamagitan ng walang humpay na interogasyon at iba pa.

“Nadebelop ang mga akto ng tortyur na ito mula noong Batas Militar. Nakakatakot na malamang nag-evolve ang mga aktong ito at naging mas karumaldumal at masakit,” sabi pa ni Enriquez.

Nitong Hunyo 21, isa na namang aktibista, si Obito Marquez, ang dinukot diumano ng pulisya sa Taguig. Inanunsiyo ni Police Supt. Roberto L. Rosales na “nangungunang rebelde” si Obito. Pero hanggang ngayon, hindi pa rin nakikita ng mga kaanak niya si Obito, ayon sa Karapatan.

Sinabi naman ni Linda Cadapan, ina ng nawawalang estudyante na si Sherlyn, na napakasakit para sa kanya na malaman kung paano naghirap ang anak niya sa kamay ng militar.

“Lalong mas masakit ngayon dahil nawawala pa rin sila at maaaring napapasailalim pa rin sila sa matagalang tortyur,” sabi ni Linda.

Sinabi pa ng Karapatan na patunay pa ang promosyon sa tatlong opisyal ng Army na inakusahang dumukot sa aktibistang si Jonas Burgos na may basbas ang gobyernong Arroyo sa mga pagdukot, pamamaslang at pagtortyur.

Kamakailan, naiangat sa ranggong kolonel sina Noel Clement, Mequiades Feliciano at Edison Caga, tatlong opisyal na inakusahang may kinalaman sa pagdukot kay Burgos.

“Mensahe ang promosyong ito sa mga opisyal ng militar na siguradong tiket para sa matagumpay na pulitikal at military career, tulad ng karera ni (Jovito) Palparan, ang paglabag sa karapatang pantao,” sabi ni Aya Santos, tapagsalita ng Desaparecidos.

Ayon sa Karapatan, nakapasailalim sa programang kontra-insurhensiyang Oplan Bantay Laya ang paggamit ng tortyur sa mga nadudukot at nahuhuli nito.

Short URL: http://pinoyweekly.org/new/?p=2260

Posted by on Jun 26 2009. Filed under Balita. You can follow any responses to this entry through the RSS 2.0. You can leave a response or trackback to this entry

No Comment for “Tortyur, opisyal na polisiya ng gobyernong Arroyo – Karapatan”

Leave a Reply

Multimedia

Log in | Designed by Gabfire themes