Doktrinang pananakot at panliligalig


Puwedeng mailapat sa sinasabi ni Naomi Klein na “shock doctrine” ang kaganapan ng mga pagbomba sa Mindanao.

Librong Shock Doctrine ni Naomi Klein
Librong Shock Doctrine ni Naomi Klein

Kung paniniwalaang militar at gobyerno nga ang may pakana sa mga pagbomba sa Mindanao, isang libro ang maaaring makatulong para mapaliwanag ang intensiyon sa likod nito.

Noong 2007, inilabas ng Canadian na mamamahayag na si Naomi Klein ang librong The Shock Doctrine: The Rise of Disaster Capitalism. Dito inaral ni Klein ang gamit sa pagtataguyod sa kapitalismo ng “shock”, pananakot o panliligalig.

Sinimulan ni Klein ang pag-aaral sa mga manwal sa interogasyon ng Central Intelligence Agency (CIA) ng US noong dekada ’50. Nakasaad sa mga manwal ang gamit ng aktuwal panliligalig at tortyur sa mga detinido para mapabilis ang pagkuha sa huli ng impormasyon. Kailangan umanong humantong sa mistulang estado ng “pagbalik sa pagkabata” ang detinido dahil sa mga tortyur. Kapag nawalan ng bait, nag-isip-bata, mas madaling mapapalambot ang detinido. Wala na siyang ganap na kontrol sa sariling pag-iisip at mas madali nang makunan ng impormasyon.

Inangkop ni Klein ang teoryang ito sa mga kaganapan sa kasaysayan ng mundo sa huling 30 taon. Pinakauna ang kudeta sa Chile noong 1973 na nagpatalsik sa Pangulo nito na si Salvador Allende, isang sosyalista na nahalal sa isang demokratikong paraan. Sa pamamagitan ng lantarang panunupil sa isang progresibong lider ng Chile at sa milyun-milyong tagasuporta ni Allende, mas madulas nang mapatupad ng pumalit na diktador na si Augusto Pinochet ang mga polisiya ng International Monetary Fund na pagbubukas sa Chile sa kapitalistang pandarambong.

Kahit sa mga bagong mga kaganapan sa kasaysayan ng US, mailalapat diumano ang teorya ng “shock doctrine.”

Noong Setyembre 11, 2001, matapos atakihin ng sinasabing mga terorista ang New York at Washington DC, mabilis na naipasa ng gobyernong Bush ang mapanupil na mga batas tulad ng Patriot Act. Samantala, madali namang natanggap ng maraming bilang ng publiko ang pagtapyas ni Bush sa badyet ng gobyerno para sa panlipunang mga serbisyo at sa sinisingil na mga buwis sa mayayamang Amerikano.

Taong 2003, nang sakupin ng US ang Iraq, tinawag ng gobyernong Bush ang taktika nitong pananakop na “shock and awe.” Noong binaha ang New Orleans at iba pang karatig na lugar sa US bunsod ng Hurricane Katrina noong 2005, napilitang lumikas ang mahihirap na mga Aprikano-Amerikano ang tinitirhan nilang lupain at tahanan. Di nagtagal, nang humupa ang baha, inangkin ng mga kompanyang real estate ang marami sa mga lupain sa New Orleans para pagtayuan ng mamahaling mga subdibisyon.

Puwedeng malapat ang teoryang “shock doctrine” sa mga pagbomba sa Mindanao: maaaring gamitin ang mga pagbomba para bigyang katwiran ang deklarasyon ng state of emergency o Batas Militar. Sa paraang ito, mapapahaba pa lalo ang termino ni Pang. Arroyo. Mabibigyan pa ng karagdagang legal na armas ang gobyerno para supilin ang oposisyon at lahat ng tumututol dito.

Samantala, maaari nang buong giliw na ipatupad ang pag-aamyenda sa Saligang Batas, kabilang na ang pagpayag sa 100% pag-aari ng mga dayuhan sa mga lupain at negosyo sa Pilipinas.

Ngunit, paliwanag ni Klein, darating din ang panahong mawawala ang bisa ng “shock.” Kumbaga, matatauhan ang natortyur na detinido. Sa kaso ng mga residente sa New Orleans, natuto silang organisahin ang mga sarili para “bawiin” ang pampublikong mga housing na gustong ipademolis ng gobyernong Bush. Sa kaso naman ng mga mamamayang Amerikano, unti-unting dumami ang tumutol sa giyera sa Iraq, hanggang maluklok ang isang pangulong nagsabing ititigil niya ang giyerang ito.

Kung paniniwalaan si Klein, masasabing darating din ang panahong mawawala ang bisa ng panliligalig sa sambayanan ng gobyernong Arroyo.