Pinoy Weekly

Naninindigan si Freddie Aguilar sa kanyang pahayag laban kina Charice Pempengco at Arnel Pineda ng Journey Band; Cinemalaya Cinco, pam-Filipino rin

Magkaiba man ang kinalalagyang prinsipyo, parehong para sa Pilipinas ang ipinaglalaban ni Freddie Aguilar at ng Cinemalaya Independent Film Festival.

Ang pagsusog sa pagiging makabayan ang lumulutang na adhika ni Freddie at ng Cinemalaya.

Kamakailan ay ipinahayag ni Aguilar na maraming dayuhan ang nagsasabi na “monkey” o unggoy ang karamihan sa mga mang-aawit na Filipino dahil manggagaya ang mga ito sa estilo at nilalaman ng mga banyagang singer.

Ito ay nang tanungin si Ka Freddie ng mga peryodistang pampelikula sa telebisyon at pahayagan kung ano ang masasabi niya kina Charice Pempengco at Arnel Pineda ng Journey Band na naglulumunoy sa kasikatan sa ibang bansa sa tulong ng mga banyagang personalidad, halimbawa’y si Ophra Winfrey para sa pagsuporta kay Charice.

“Wala naman akong sinasabing ‘monkey’ o unggoy sina Charice at Arnel. Ang sinasabi ko lang ay may nagsasabi sa ibang bansa na gano’n sila. Kasi nga, ang kinakanta nila ay Ingles at ginagaya nila ang style at songs ng mga foreigners.

“Hindi ko naman sila pinagbabawalang mag-Ingles. Ang inaasahan ko lang sa kanila, dahil sa laki ng magnitude ng kanilang exposure, puwedeng silang makatulong sa pagpapalaganap ng wikang Filipino. Kung halimbawa, pinagbawalan si Charice ni Ophra na kumanta ng Tagalog, wala na akong magagawa ro’n.

“Si Arnel naman, puwede niyang i-suggest sa kanyang mga kasamahan sa Journey Band na mag-record sila ng Tagalog song. Maano lang ba ‘yong isa lang. Para lang maiparinig natin sa buong mundo ang kagandahan ng ating wika at nang ma-appreciate nila at tayo ang gayahin,” paliwanag ni Aguilar sa kanyang Ka Freddie’s Bar sa Malate, Maynila kamakailan.

***

Sinabi ni Freddie na hindi siya nai-insecure kina Pempengco at Pineda. “Bakit hindi alam ni Cristy Fermin na nang kantahin ko sa Tagalog ang ‘Anak,’ ako ang hinanap ng mga foreign producers. Narinig ‘yan ng isang Japanese record producer sa airport kaya nang matapos ‘yong kanta sa piped in music ng airport, ipinahanap ako no’ng Japanese record producer. Hindi ako ang nagprisinta,” paghahamon ni ka Freddie kay Cristy.

Ayon sa folk singer, baka hindi alam ni Fermin na marami na siyang tinanggihang pagtatanghal sa ibayong-dagat dahil ayaw pumayag ng kanyang mga host na kumanta siya ng Tagalog at namimili ang mga ito ng kantang ipaaawit sa kanya.

“Hindi naman puwede ‘yon. ‘Yong Prince of Brunei, nagdidikta ng kakantahin ko. Naku, kahit na malaking pera ‘yong ibibigay sa akin, kung didiktahan naman ako ng kakantahin ko, ‘wag na lang,” kuwento ng nagpasikat ng kantang “Anak.”

“Kumakanta rin naman ako ng Ingles, bakit hindi. Kahit sa abroad o dito sa atin. Pag nag-request ang mga kliyente o fans ko ng Ingles, kumakanta ako. Walang masama ro’n. Pero I see to it na mas marami akong kakantahing Tagalog. Nasa kontrata ko palagi ‘yon.

“Nagpi-perform din naman ako sa Amerika kaya alam ko na puwedeng kumanta ng Tagalog ang isang Filipino singer. Malaki ang magagawa natin para magkaroon tayo ng national identity para umasenso tayo. ‘Yon ang problema kaya mahirap pa rin sa tayo daga,” paghahambing ni Freddie.

***

Inamin ni Aguilar na hindi siya hihingi ng paumanhin sa mga tao o tagahanga nina Charice at Arnel na nagagalit sa kanyang mga pahayag.

“Bakit ako mag-a-apologize? I am just speaking up the truth. Kung hihingi ako ng paumanhin, isinasaisantabi ko ang katotohanan. At napakasama no’n. Walang kasinsama ang magtago ng katotohanan,” pahayag ni Ka Freddie.

Marami kasing naglalabasan na hate emails kay Aguilar nang mabasa nila ang mensahe at pahayag nito tungkol sa isyu ng panggagaya ng mga Pinoy na mang-aawit.

May kapareho naman kasi ang sitwasyon ng pagiging maka-Filipino ni Freddie sa musika at ng mga Overseas Filipino Workers o OFW natin.

Ang kinasasadlakan nina Charice at Arnel ay parang pagtatrabaho sa ibang bansa dahil hindi naman sila nabibigyan ng magagandang pagkakataon sa Pilipinas para rin kumita ng malaki at sa katuusan, sumikat.

Nadiskubre sila sa pamamagitan ng kanilang husay sa pagkanta at ito ang puhunan nila sa paggawa bagamat may kaibang presyo o klase ng bayaran sa mga entertainer at sa mga skilled worker o anumang labor, white collar job man o trabaho sa makina o paktorya ng mga Pinoy sa ibayong-dagat.

Ang wika ay isang kapangyarihan sa sitwasyon ng paggawa—sa bahay man o sa tanggapan o sa pagawaan—at nangingibabaw siyempre ang wika ng nag-empleyo sa isang Filipino sa ibang bansa.

Para kay Freddie, ang pakikipagtunggali sa amo sa pamamagitan ng paggigiit din sa wika ng trabahador ay parang kayang gawin ng singer at isang laborer sa dayuhan.

Kung hindi man higit ay puwedeng pantay lang ang paglutang ng Tagalog o Filipinong wika sa lengguwahe ng nagpapasuweldo sa Filipino, singer man o obrero.

Kung hindi man sa wika, makikibaka rin ang isang manggagawang Pinoy sa banyaga sa pamamagitan ng pagsunod sa mga batas ng paggawa sa kinalalagyang bansa man ng isang Filipino o sa Pilipinas mismo.

***

Pinupuri ni Ka Freddie ang mga tulad nina Bamboo Mañalac ng Bamboo Band, Rico Blanco, ang dating isa sa mga miyembro ng Rivermaya Band, Kamikazee at marami pang iba.

“At least sila, itinataguyod nila ang mga awiting Filipino, ang lengguwahe natin. Kasi, kung si Bamboo o ang Kamikazee ang napunta kay Ophra at pinayagan silang kumanta ng Tagalog, baka ngayon, ginagaya na sila ng mga foreigners,” pagsapantaha ng folk singer.

“Sasabihin ni Cristy na ang tunay na nationalist singer ay si Florante (de Leon). Baka sabihin ko sa kanya na si Pareng Boy (Florante) ay American citizen na. Gano’n ba ang nationalist singer? Wala kaming away ni Pareng Boy kaya lang ay maraming hindi alam si Cristy sa kanyang pinagsasasabi sa akin,” galit na pahayag ni Aguilar.

Kung hindi anya siya tumulong na mapatalsik ang diktadurya ni Marcos noong 1986 sa pamamagitan ng pagkanta ng “Bayan Ko,” wala sana anya tayong demokrasya ngayon na nilalasap.

***

Samantala, pagtataguyod rin sa buhay ng kultura ng mga Filipino ang isa sa mga layunin ng Cinemalaya.

Ngayong ika-5 Cinemalaya, ganito pa rin ang mga adhika ng pestibal.

Kaya nga sina Nestor Jardin na presidente ng CCP at Laurice Guillen na siyang isa sa mga pasimuno ng Cinemalaya ay naghahangad na maging matagumpay at maka-Filipino ang diwa ng Cinemalaya.

Paglilingkod sa Filipino saanman sa mundo ang isa sa mga layunin ng mga pelikula ng Cinemalaya, ngayon ay tinatakan itong Cinemalaya Cinco.

Talagang magaganda ang mga opisyal na lahok ngayon.

Binuksan na ang pagdiriwang kamakailan ay dinaluhan ito ng mga sikat na bituin sa pelikula, telebisyon, radyo, tanghalan, video at marami pang ibang plastic arts.

***

Nagpamalas ng mga sayaw na ballet ang mga kinatawan ng CCP at De La Salle University.

Dumalo si Piolo Pascual dahil ang kanyang pelikulang pinagbibidahan, ang “Manila” ang siyang nagbukas ng taunang okasyon.

Sinabi ni Piolo na mula pa nang iprisinta sa kanya nina Adolf Alix, Jr. at Raya Martin ang konepto ng “Manila” ay naibigan agad niya kaya hindi siya nag-atubiling maglabas ng puhunan para makaraos ang proyekto.

Nadala ang pelikula sa 2009 Cannes Film Festival sa Cannes, France sa pamamagitan ng Special Screenings out-of-competition category pero para kina Adolf at Raya, ito ay isa nang karangalan.

Nagpapasalamat nga sina Alix, Jr. at Martin sa suportang ibinigay sa kanila ng mga kaibigan at katrabaho.

Ayon naman sa mga prodyuser din na sina Arlene Cuevas at Edgar Mangahas, talagang sulit ang pagod sa paggawa nila ng “Manila.”

***

Ipinakilala rin bago itinanghal ang obra sina Rosanna Roces at Jay Manalo bilang mga pangunahing bituin sa pelikula.

Pero ang pelikula ay may tatlong bahagi. Una rito ang idinirek ni Raya na halaw sa kuwento ng “Manila by Night” ni Bernal at tampok si Rosanna, William Martinez, Angelica Panganiban, Cherry Madrigal, John Lapuz, Arman Reyes, Katherine Luna, Marissa Delgado, Aleck Bovick at siyempre’y si Piolo bilang sugapa sa droga na ginampanan noon ni William sa pelikula ni Ishmael at marami pang iba.

Ang ikalawang bahagi ay ang parang film within a film o intermission na colored at ginawa ni Lav Diaz tungkol sa pag-ibig ng dalawang nars na ginagampanan nina Iza Calzado at isang batambatang aktor.

Ang ikatlong parte ay ang idinirek ni Adolf na halaw sa istorya ng “Jaguar” ni Brocka at tampok pa rin si Piolo na pumapapel bilang isang sekyu na sunud-sunuran sa kanyang amo hanggang siya ay makapatay para sa kanyang pinapanginoon. Kasama ni Pascual dito sina Alessandra de Rossi, Jay, Baron Geisler, Ariel Reyes, Anita Linda at marami pang iba.

***

Sa entablado ng CCP ay nakalimutan ng emcee na ipakilala si Cherry, ang dating “pene” star ng pelikulang Pilipino noong mga kalagitnaan ng 1980s. Si Madrigal ay nakapangasawa ng taxi driver at nagtinda ng mga prutas sa set ng ABS-CBN at GMA Network. Ngayon ay nagtatrabaho na si Cherry sa upisina ni Herbert Bautista sa Office of the Vice Mayor of Quezon City

Pero kahit nakalimutan o hindi nakilala si Cherry, umakyat siyang mag-isa sa tanghalan ng Main Theater ng CC, ang Nicanor Abelardo Hall at walang inis na humarap sa mga tao.

“Ganyan naman talaga sila sa mga bold star,” pahayag ni Madrigal.

“Pero sanay na ako,” wika ni Cherry.

Nandoon din bagamat hindi naman siya kasama sa alinmang pelikula sa pestibal, si Maria Isabel Lopez, ang istariray na bituin sa “Kinatay (The Execution of P)” ni Brillante Mendoza na pinanalunan ng direktor ng Palm d’Or Best Director sa ika-62nd Cannes Film Festival sa Cannes, France noong Mayo.

Ipapalabas na ang obra sa UP Film Institute Cine Adarna sa ika-30 ng Hulyo, 2009, ang kaarawan mismo ni Mendoza.

Kasama ni Maribel si Melissa Mendez na nainitan sa programa ng pagbubukas ng opisyal na Cinemalaya Cinco kaya umalis siya sa bulwagan at naghanap ng mas malamig-lamig na puwesto.

Mabuhay ang Cinemalaya!

Short URL: http://pinoyweekly.org/new/?p=2820

Posted by on Jul 20 2009. Filed under Showbiz. You can follow any responses to this entry through the RSS 2.0. You can leave a response or trackback to this entry

1 Comment for “Naninindigan si Freddie Aguilar sa kanyang pahayag laban kina Charice Pempengco at Arnel Pineda ng Journey Band; Cinemalaya Cinco, pam-Filipino rin”

  1. sboyb

    tama ang sinasabi ni ka fredie si charice bata pa mukhang prosti na.si ariel di naman maganda boses ah mga loko loko lang na pinay pabilibin nyo ulol.

Leave a Reply

Multimedia

Log in | Designed by Gabfire themes