Pinoy Weekly

Manggagawa ng Wyeth, tuloy-tuloy ang protesta

Tuloy-tuloy sa pagsasagawa ng kilos-protesta ang mga manggagawa ng Wyeth Philippines dahil sa umano’y pananahimik ng manedsment ng kompanya sa gitna ng matinding banta ng tanggalan.

Pinapangunahan ang mga kilos-protestang ito ng Wyeth Philippines Progressive Workers Union (WPPWU). Noong Agosto 26, daang mga manggagawa na nakasuot ng pula sumugod sa tanggapan ng kompanya sa Pasong Tamo sa lunsod ng Makati, para labanan ang tanggalan.

Samantala, ilan nang katulad na kilos-protesta ang naisagawa na ng mga manggagawa simula pa noong pang nakaraang buwan.

Ayon sa WPPWU, aabot sa 3,000 manggagawa ng Wyeth at Pfizer ang matatanggal sa kanilang trabaho.

Noong nakaraan buwan, napabalita ang napipintong “buyout” o pagbili sa Wyeth ng dati nitong karibal na pharmaceutical na kompanyang Pfizer. Ayon sa WPPWU, ang merger na ito ang siyang magdudulot ng malawakang tanggalan ng mga manggagawa.

Ayon sa Kilusang Mayo Uno (KMU), paraan ito ng mga kompanya para pataasin ang kanilang tubo habang tinatanggal naman sa manggagawa ang kanilang karapatan sa kaseguruhan sa trabaho.

Enero pa noong unang inanunsiyo ng Pfizer ang nasabing buyout, na nagkakahalaga ng $68 bilyon.

Babala ni Ronald Sarmiento, opisyales ng WPPWU, hindi titigil ang mga manggagawa hangga’t hindi tinutugunan ng manedsment ang kanilang mga kahilingan, pangunahin na ang kaseguruhan sa trabaho.

Nangangamba din si Sarmiento na hindi na rin kikilalanin ang unyon at mga kasunduan sa kanilang collective bargaining agreement sa oras na mabili na ng Pfizer ang Wyeth.

Aniya, hindi sila maaaring maging kampante lalu na’t hindi binibigyan ang mga manggagawa ng konkretong sagot sa kanilang kahilingan. “Sa karanasan, sa kabila ng pangako sa mga manggagawa na hindi sila matatanggal sa trabaho, nangyayari pa rin ito sa napakaraming kompanya na pumaloob sa katulad na merger,” paliwanag ni Sarmiento.

Samantala, hinimok ni Elmer Labog, tagapangulo ng KMU, na magtulungan ang mga manggagawa ng Wyeth at Pfizer para magkatuwang na isulong ang magkatulad nilang mga kahilingan. Pinaalalahanan ni Labog na malaon nang taktika ng mga kompanya ang “panghahati ng hanay ng manggagawa” sa tuwing binibili ng isang kompanya ang isa pa.

“Sa pamamagitan lamang ng kanilang pagkakaisa ang sama-samang pagkilos nila maipaglalaban ang kanilang mga karapatan at interes,” paliwanag ni Labog.

Short URL: http://pinoyweekly.org/new/?p=3677

Posted by on Aug 26 2009. Filed under Balita. You can follow any responses to this entry through the RSS 2.0. You can leave a response or trackback to this entry

No Comment for “Manggagawa ng Wyeth, tuloy-tuloy ang protesta”

Leave a Reply

Multimedia

Log in | Designed by Gabfire themes