Manggagawa

Boto ng obrero

May 3, 2022

Ngayong eleksiyon, ipinapakita ng mga manggagawa ang kanilang lakas bilang signipikante
at mapagpasyang puwersang pampulitika.

Kapansin-pansin ngayong Halalan 2022 ang paglahok ng manggagawa. May lider-manggagawa na tumatakbong Pangulo, mga Senador, kinatawan ng Partylist at mga lokal na posisyon. Mula sa mga pakikibaka ng kanilang sektor, kumikilos ang mga unyon, alyansa at iba pang samahang manggagawa bilang makinarya sa kampanyang elektoral na kayang maghatid ng milyun-milyong boto.

Para sa mga lider-manggagawa, pangunahing dahilan ng pagkakaisa at pursigidong partisipasyon ng kilusang paggawa sa halalan ang kagustuhang wakasan na ang administrasyong Duterte at pigilan ang panunumbalik ng pamilyang Marcos sa kapangyarihan.

“Tawag ng panahon ang aktibong paglahok ng mga manggagawa ngayong halalan. Gugustuhin pa ba nating magpatuloy yung nangako ng end endo pero di natupad? Iyung pumapatay sa mga manggagawa? Iyung nandudukot sa mga unyonista? Napakalaki ng nakataya sa eleksiyong ito, ang kinabukasan ng mga manggagagawa,” sabi ni Julius Cainglet, bise-presidente ng Federation of Free Workers (FFW).

“Una sa lahat, nagkakaisa ang mga manggagawa laban sa tambalang Bongbong Marcos at Sara Duterte. Kailangang mapigilan silang manalo dahil ang pamilya nila ay parehong pasista, korap, mamamatay tao at magnanakaw,” ayon naman kay Jerome Adonis, pangkalahatang kalihim ng Kilusang Mayo Uno (KMU).

Para sa mga manggagawa, ang pagkapanalo ng tambalang Marcos-Duterte ay magpapanatili, kung hindi man magpapasahol, sa pagbarat sa sahod, laganap na kontraktwalisasyon at kawalang trabaho, at paglabag sa karapatang pantao.

Martsa ng mga manggagawa sa Cubao noong Mayo 1, Pandaigdigang Araw ng Paggawa. | Neil Ambion

Ayon kay Rochelle Porras, Executive Director ng Ecumenical Institute for Labor Education and Research (Eiler), dama ng mga manggagawa ang kahirapan na lalong pinalala ng pandemya at malinaw sa mga manggagawa na walang maasahan sa mga nailuklok na nanangako ng pagbabago sa kanilang kalagayan.

“Mulat ang mga manggagawa sa kalagayan nila kaya mulat din silang lumalahok ngayon sa eleksyon, sa ano mang porma nito, pagtakbo man o aktibong pagsuporta at pagkampanya sa mga tingin nilang bibitbitin ang interes nila,” ani Porras.

“Mulat silang hindi pinaghihiwalay ang mga usaping pang ekonomiya at pulitika. Dahil alam nilang magkaugnay ito, lalong may dahilan para paigtingin ang kanilang paglahok at pakikibaka kahit laging may banta ng atake mula sa iba’t-ibang panig,” dagdag pa niya.


Representasyon

Maraming politiko ang gumagamit sa mga islogan ng paglikha ng trabaho, pagtaas ng sahod, nagsasabing sila ay maka-manggagawa, o na maraming nagawa para sa mga manggagawa.

Pero hindi na bumebenta ang mga ito. Malinaw kasi sa mga manggagawa na hindi naman bumuti ang kanilang kalagayan sa nakalipas na anim na taon.

“Sawa na ang mga manggagawa sa mga trapo, sa mga napakong pangako. Gusto na nilang ilagay sa sariling kamay ang pagsulong ng kanilang interes,” ani Cainglet.

Ayon naman kay Adonis, gusto ng mga manggagawa na magkaroon ng kinatawan at mga alyado sa gobyerno, lokal man o pambansa na susuporta sa adyenda ng mga manggagawa para sa sahod, trabaho at karapatan.

Para sa mga lider-manggagawa, kulang ang representasyon ng sektor ng paggawa sa ilalim ng administrasyong Duterte. Kita ito sa kawalan ng makabuluhang patakaran at programang para sa mga manggagawa. Sa ilalim ni Duterte, halimbawa, pinakamadalang at pinakamababa ang naging pagtaas ng sahod sa nakalipas na anim na administrasyon.

Martsa ng mga manggagawa sa Cubao noong Mayo 1, Pandaigdigang Araw ng Paggawa. | Neil Ambion

“Hindi nagkaroon ng sapat na representasyon ang mga manggagawa sa ilalim ni Duterte. Noong una, itinilaga ang lider-manggagawa na si Joel Maglunsod bilang Undersecretary ng DOLE (Department of Labor and Employment), pero tinanggal din dahil ayaw ng mga kapitalista,” ani Adonis.

“Nasira sa ilalim ni Duterte ang diwa ng tripartismo. Imbes na magtalaga ng mga lehitimong kinatawan ng manggagawa sa mga institusyon gaya ng Philhealth, SSS, at iba pa, ang inappoint niya ay mga kapartido, kaibigan at kaalyadong taga-Davao,” sabi naman ni Cainglet.

Bukod sa kawalan ng kinatawan sa loob ng gobyerno at mga institusyong pangtripartismo, naging bingi rin ang administrasyon sa mga panawagan ng mga manggagawa.

“Matinding puna sa administrasyong Duterte na ultimong mga posisyon ng mga manggagawa sa mga usapin ay binabalewala,” ani Cainglet.

Noong 2018, nabuo ang makasaysayang pagkakaisa ng iba’t ibang sentrong unyon sa pangunguna ng KMU, FFW at Trade Union Congress of the Philippines (TUCP). Sa hiling na rin ni Duterte, nagbalangkas sila ng Executive Order na magbabawal sa lahat ng porma ng kontraktwalisasyon. Matapos ng ilang dayalogo at labor summit sa pagitan ng gobyerno at mga manggagawa, sa huli ay ibinasura rin ito ni Duterte at sa halip ay pinirmahan ang EO na bersyon ng mga kapitalista.

“Lahat ng pangako niya noong kampanya, gaya ng pagbasura sa kontraktwalisasyon at pagpapantay ng sahod, inabanduna ni Duterte,” sabi ni Adonis.

Martsa ng mga manggagawa sa Cubao noong Mayo 1, Pandaigdigang Araw ng Paggawa. | Neil Ambion


Pampulitikang puwersa

Sa huling Labor Force Survey ng Philippine Statistics Authority (PSA), umaabot sa 45 milyon ang kabuuang bilang ng mga nasa lakas paggawa ng bansa, higit 61.3 porsiyento nito ay mga sahurang manggagawa.

Ayon kay Porras, malaki ang magiging ambag sa pagkapanalo kung maabot ang mayorya nito ng isang kandidatong may malinaw na plataporma para sa mga manggagawa.

“Hindi lang tayo naguusap dito tungkol sa maaaring bilang ng macoconvert na boto kundi maging sa bilang ng mga manggagawang aktibong mangangampanya, mag-oorganisa, at magpapakilos ng masa na magpapanalo sa isang kandidato,” ani Porras.

Binuo ng iba’t-ibang sentrong unyon ang Labor Vote, elektoral na alyansa na nagsusulong ng adyenda ng mga manggagawa kabilang ang makabuluhang dagdag-sahod, regular na trabaho, sapat na ayuda, at pagrespeto sa karapatan. Iniendorso ng Labor Vote ang mga kandidatong nagsusulong ng mga adyendang ito.

“Pambansa ang saklaw nito. Malaki ang kayang ideliver na boto para makapaambag na manalo ang mga kandidatong susuportahan ng mga manggagawa,” ani Adonis.

Suportado ng Labor Vote ang kandidatura sa pagkasenador nila Sonny Matula, Elmer Labog at Neri Colmenares. Ibinigay din ng mga manggagawa ang kanilang suporta sa kandidatura ni Bise Presidente Leni Robredo sa pagkapangulo at ni Senador Kiko Pangilinan sa pagkapangalawang pangulo.

Neri Colmenares, Sonny Matula at Elmer Labog sa isang sortie ni Bise-Presidente Leni Robredo. | Workers for Leni Facebook Page

Walang eksaktong bilang pero kung pagsasamahin ang command votes ng Koalisyong Makabayan, na partido nila Labog at Colmenares, at ang boto mula sa Nagkaisa Labor Coalition at All4Leni Workers’ Alliance na pinamumunuan ni Matula, ayon kay Cainglet ay kaya nitong magbigay ng lampas 4 milyong boto.

Hindi pa aniya kasama dito ang mga botong makukuha sa proseso ng kampanya lalo na mula sa mga kabataang botante na naghahanap ng bago at ayaw sa trapo.

Pero higit pa sa boto, mas mahalaga ang tungkulin ng mga manggagawa sa pangangampanya at pagbabantay ng boto. May eleksiyon kasi o wala, normal na gawain na ng mga unyon ang pangangampanya para sa kanilang pangekonomiya at pampulitikang pakikibaka.

Mga lider-manggagawa kasama sina Bise Presidente Leni Robredo at Senador Kiko Pangilinan sa pagtitipon ng mga manggagawa sa Smart Araneta Coliseum noong Mayo 1, Pandaigdigang Araw ng Paggawa. | Boy Bagwis

“Agresibong mangangampanya, boboto at ipagtatanggol ang boto, sa gitna ng posibleng matinding dayaan na magaganap sa eleksiyon,” ito para kay Adonis ang kailangan gawin ng mga manggagawa para maipanalo ang kanilang mga pambato.

Paliwanag ni Cainglet, kahit mahirap isabay sa tradisyunal na pakikibakang unyon, kailangang isabay ng mga manggagawa ang elektoral na pakikibaka para magbigay ng alternatibong politika, na mas nagpapatingkad sa plataporma at pagpapatampok ng mga mahahalagang isyu kaysa personalidad.

“Doon pumapasok ang tungkulin ng unyon dahil una sa lahat, grassroots based na organisasyon ito. Lahat ng ginagawa naming ay nakasalalay sa lakas na ito. Lalo na ngayon na tampok ang pangangailangan ng tao sa taong kampanya, house-to-house, pabrika sa pabrika. Tamang-tamang sumasabay sa malawak na kilusang panlipunan at kampanyang pambayan,” aniya.


May Pag-asa

Naniniwala ang mga lider-manggagawa na may pag-asang manalo ang mga pambato ng mga manggagawa ngayong eleksiyon. Ito ay sa kabila ng mabigat na hamon ng bumubuhos na pondo at kapangyarihan ng mga tumatakbong tradisyunal na politiko lalo na ng mga nasa hanay nila Marcos at Duterte.

“Malaking laban talaga. Kailangan lumaban tayo. Di natin papayagan na isusuko ang eleksiyon na walang laban,” ani Cainglet.

Kuwento niya, noong una ay layunin lang nila sa pagtakbo ni Matula na pagsilibihin ang eleksiyon para sa kampanya at pakikibaka ng mga manggagawa.

“Pero noong nagkampanya na. Umikot kami sa bansa at lumabas ang pagkadismaya ng tao sa kasalukuyang gobyerno,” sabi niya.

Martsa ng mga manggagawa sa Cubao noong Mayo 1, Pandaigdigang Araw ng Paggawa. | Neil Ambion

Para kay Porras, susi sa pagpanalo ng mga lider-manggagawa sa eleksiyon ang pagkampanya sa adyenda ng mga manggagawa, pagiging matiyaga sa paglalantad sa katiwalian at kabulukan ng tambalang Marcos-Duterte, pagbabantay sa boto, at pagtiyak na mapigilan ang lahat ng porma ng dayaan sa eleksyon.

Pero manalo man o matalo sa halalan, maraming tagumpay na maaring makuha ang mga manggagawa sa paglahok sa eleksiyon.

“Matalo naman marami pa ring nakuha na tiwala sa kandidato natin. Positibo ito at puwedeng makonsolida at magkaroon ng organizational expression, gaya ng organisasyong pangmanggagawa na makakapag-ambag sa kilusang panlipunan. Grabe ang enerhiyang nagmumula sa mga kabataan na magiging maganda at makakatulong sa kilusang masa,” ani Cainglet.

Pero hindi sa eleksiyon natatapos ang tungkulin ng mga manggagawa. Ano man ang kahinatnan ng halalan, kailangang tuluy-tuloy na isulong ang kanilang adyenda at ang adyenda ng mamamayan para sa pagbabago.

“Dapat aktibo at kagyat na ihaharap sa bagong admistrasyon ang kahingian ng mga manggagawa. Hindi sila dapat umasa na kapag nanalo ang mga traditional politician na susuportahan nila ay kusang ibibigay ang mga panawagan,” ani Adonis.

Martsa ng mga manggagawa sa Cubao noong Mayo 1, Pandaigdigang Araw ng Paggawa. | Neil Ambion

Makakatulong aniya dito kung pagsisilbihin ng mga manggagawa ang eleksiyon at kampanya para sa ibayong pagpapalakas ng kilusang paggawa at pagpapalawak ng kasapian ng mga unyon.

“Dapat singilin kung sino man ang mga mailuluklok sa pwesto sa kanilang mga pangako. Patuloy na organisahin ang mga manggagawa sa mga samahan at unyon para mas lumakas ang bargaining power nito,” ani Porras.

Avatar

Neil Ambion

Gitarista, musikero at tagapagtaguyod ng karapatan ng mga manggagawa, ngayo'y bahagi ng editorial staff ng PW si Neil Ambion.