Dangal at Parangal
Ang malansang propagandang nagluwal ng National Artist Award ay kusang kinalimutan ng mga administrasyong namahala sa bansa matapos ang Pag-aalsang Edsa, at ang parangal ay naging iginagalang na institusyong suportado ng Estado na ngayo’y nagkakaloob ng pabuyang pinansiyal sa mga artistang itinatanghal bilang Pambansang Alagad ng Sining.
Ang Tanggapan ng Pangulo na ang kapangyarihang nakapalikod sa parangal at sa ilang pagkakataon ay iginiit na ng Pangulo ang kanyang kapangyarihan bilang patrong umaayon sa estilo ng piyudal na panginoong nagbibigay ng pabuya sa mga artistang kabilang sa kanyang kampon. May pinagkayarian nang proseso ang Cultural Center of the Philippines at ang National Commission for Culture and the Arts sa pagpili ng mga artistang pararangalan, pero hindi ito iginalang ni Presidente Ramos nang iproklama niya ang historyador na si Carlos Quirino bilang National Artist para sa Historical Literature di-umano. Ganoon din ang ginawa ni Presidente Estrada nang parangalan niya si Ernani Cuenco bilang National Artist para sa Musika. Sa ilalim ni Presidente Arroyo, sina Alejandro Roces at Abdulmari Imao ay ipinasok bilang National Artist sa Literatura at National Artist para sa Sining Biswal. At sa kanyang pasya kamakailan, apat na pangalan ang balak parangalan: Cecilia Guidote Alvarez , Carlo Caparas, Jose Moreno at Francisco Manosa. Bukod sa isang lansakang paglabag sa proseso ang pagpapasok ng pangalan ng apat na hindi nagdaan sa proseso, tinanggal pa ang pangalan ng kompositor, propesor, mananaliksik at konduktor na si Ramon Santos sa listahan ng mga lehitimong artista na binuo ng komite ng CCP at NCCA. Nakapopoot na paghamak ang ganyan sa karangalan ng mga artistang nauna nang itinanghal bilang National Artist at pagyurak sa prosesong pinagdaanan ng mga lehitimong Alagad ng Sining.
Ang dangal na dulot ng parangal ay hindi laging kanais-nais. Kailangang malinis ang kamay na nag-aalay nito. At walang manipulasyong ginawa ang tatangap upang magkamit ng karangalan. Ang burak ng transaksiyong politikal ay nagpapamura sa dangal na tinatanggap at sa tumatanggap na rin. Kayong tumanggap ng dangal ngayong gabi, mapalad kayo. Ang parangal sa inyo ay walang bahid ng pamumulitika, pagkat ang tanging hinihingi nito sa pinararangalan ay magpatuloy na lumikha ng masining at makabuluhang mga akda sa mga darating pang araw.
1 2
Short URL: http://pinoyweekly.org/new/?p=3998













