Migrante

OWWA, ‘ilulubog sa utang’ ang mga biktima ng Ondoy


Sa gitna ng sakuna, nananatiling inutil ang Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), ayon sa grupo ng mga migranteng Pilipino sa Hong Kong. Kamakailan, inanunsiyo ng OWWA na magpapautang ito ng P10,000 sa pamilya ng mga Overseas Filipino Workers (OFWs) na apektado ng bagyong Ondoy. Pero ayon kay Dolores Balladares, tagapangulo ng United Filipinos in Hong […]

Marikina noong Setyembre 28. (King Catoy)
Marikina noong Setyembre 28. (King Catoy)

Sa gitna ng sakuna, nananatiling inutil ang Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), ayon sa grupo ng mga migranteng Pilipino sa Hong Kong.

Kamakailan, inanunsiyo ng OWWA na magpapautang ito ng P10,000 sa pamilya ng mga Overseas Filipino Workers (OFWs) na apektado ng bagyong Ondoy.

Pero ayon kay Dolores Balladares, tagapangulo ng United Filipinos in Hong Kong (Unifil-Migrante-HK), dapat ibigay na lamang ang pondo para sa relief nang walang kondisyon. “Walang kaginhawaang maidudulot ang pautang na ito dahil lubog na sa utang ang aming mga pamilya,” aniya.

Dagdag pa ni Balladares, “Nasaan ang bilyun-bilyong pisong pondo ng OWWA kung kailan namin ito kailangan? Habang boluntaryong nagbibigay ng pera ang ating mga OFW, nanatiling barat ang OWWA at tumutulong lamang sa mga OFW kapag may kapalit.”

Sa kabilang banda, pinapurihan naman ng grupo ang Operation Migrante Sagip Kababayan na inilunsad ng mga tsapter ng Migrante International sa iba’t ibang bansa para matulungan ang mga kampamilya ng mga OFW na biktima ng bagyo sa iba’t ibang probinsya.

“Nakakataba ng puso ang positibong tugon na ito ng mga kapwa natin OFW, ipinapakita na buhay na buhay ang diwa ng bayanihan. Hindi ito masasabi sa OWWA na hinuhuthutan lamang kami ng pera sa halip na tumulong,” sabi ni Balladares.

Sinabi ng grupo na “tunay na tulong” at hindi mga pautang na “nakamaskara bilang tulong” ang kailangan ng pamilya ng mga OFW.