Pagtaas sa singil ng pribadong ospital, ‘di maisisisi’ sa Cheaper Medicines Act
Hindi maisisisi ng mga pribadong ospital sa Cheaper Medicines Act ang pagtaas sa singil sa serbisyo, ayon sa Health Alliance for Democracy (Head), organisasyon ng mga propesyunal pangkalusugan. Pinabulaanan ng Head ang deklarasyon ng Private Hospital Association of the Philippines na “kailangang magtaas ng singil” dahil nalulugi ang mga pribadong ospital sa bagong imposisyon ng mga […]
Hindi maisisisi ng mga pribadong ospital sa Cheaper Medicines Act ang pagtaas sa singil sa serbisyo, ayon sa Health Alliance for Democracy (Head), organisasyon ng mga propesyunal pangkalusugan.
Pinabulaanan ng Head ang deklarasyon ng Private Hospital Association of the Philippines na “kailangang magtaas ng singil” dahil nalulugi ang mga pribadong ospital sa bagong imposisyon ng mga kontrol sa presyo ng gamot.
“Ang Maximum Retail Price (sa ilalim ng Executive Order 821) ay sumasaklaw lamang sa limang gamot, at ang 16 pang gamot ay boluntaryo lamang ang pagbaba ng presyo,” paliwanag ni Dr. Geneve Rivera, pangkalahatang kalihim ng Head.
“Kung ang publiko nga, halos hindi nararamdaman ang pagbaba ng presyo na ito, dalawang buwan matapos ipatupad. Paano pa kaya ang mga pribadong ospital?” dagdag niya.
Ibinunyag pa ng grupo na ang mga gamot na saklaw ng MRP ay para sa mga out-patient o mga pasyenteng nakalabas na ng ospital, kaya walang dahilan para maapektuhan ang mga pribadong ospital dito.
Umano’y ginamit lamang ng PHAP ang implementasyon ng Cheaper Medicines Act, na ipinasa ni Pangulong Arroyo noong nakaraang taon, para makapagtaas ng singil sa serbisyo.
Sinabi pa ni Rivera na tila sumusunod ang mga pribadong ospital sa mga pampublikong ospital, na nagtaas din ng singil sa nakaraang mga taon para maibsan ang kakulangan sa badyet.
“Ito ang nangyayari kapag ang serbisyong pangkalusugan ay ginawagang negosyo, sa halip na serbisyo. Ito ang nangyayari kapag pinauubaya ng gobyernong Arroyo sa pribadong sektor ang serbisyong pangkalusugan. Naiipit ang maralitang pasyenteng Pilipino sa pagitan ng mga pribadong ospital na masyadong ganid at sa gobyerno na walang pakialam. ” aniya.