Istorya ng Linggo

Yaman sa lupa, yaman ng pagkakaisa


Nanindigan ang mga Manobo ng Lianga, Surigao del Sur laban sa okupasyon ng militar sa kanilang lupain. Noong Agosto 30, nagtagumpay sila sa laban. Pero hindi pa tapos ang depensa sa kanilang komunidad. May maitim na balak ang mga makapangyarihan sa tagong yaman sa kaibuturan ng kanilang lupa.

Gabi bago ang pagbabalik ng mga Manobo sa Lianga, Surigao del Sur. (KR Guda)
Gabi bago ang pagbabalik ng mga Manobo sa Lianga, Surigao del Sur. (KR Guda)

Tirik na ang araw nang umandar ang huling tatlong trak.

Sa huling tatlong trak na naiwan, aakalain mo’y mas maluwag na. Pero hindi pa pala. Punuan pa rin ito: lalaki, babae, matanda, bata. Napakaraming mga bata. Sabi nila, halos 900 ang batang bakwit sa Diocese Pastoral Center sa Tandag, Surigao del Sur. Ngayon, nakasakay na sila lahat sa trak, nagsisiksikan. Ang iba, iyong tinedyer na, naghahagikhikan. Excited sila.

Pauwi na silang mga Manobo, sa Brgy. Diatagon, Lianga, Surigao del Sur. Halos 1,800 katao silang nagsilikas noong Hunyo sa kanilang mga komunidad dahil tinirhan ng mga sundalo ang paaralan at mga bahay nila. Pero, noong huling linggo ng Agosto, iniulat ng militar na umalis na sila. Katakot-takot na negosasyon, kampanya, rali at iba pang pangangalampag ang ginawa – napalayas din sila.

“Siyempre, excited kami,” sabi ni Genasque Enriquez, isa sa mga lider ng Malahutayong Pakigbisog Alang sa Sumusunod (Mapasu), organisasyon ng mga Lumad sa Lianga. Pinangasiwaan nina Enriquez ang pagsakay ng mga bakwit sa mga trak. Pero hindi na siya nahirapang pasakayin ang mga ito, dahil madaling araw pa lamang, handa na ang mga Manobo na umuwi.

Sa trak na iyon na isa sa mga huling umalis, nakatayo pati ang mga buntis. Nakahawak lamang sa malaking lubid at bakal na pinaglalagyan ng tolda sa gitna ng dumptruck na pinahiram daw ng lokal na gobyerno ng Lianga. Aabot sa 60 kilometro ang layo ng Tandag patungong Diatagon. Halos 60 kilometro ng sementadong kalsada, ginagawang kalsada, malubak na kalsada, at matarik na kalsada. At dahil trak itong sinasakyan nila, napapatalon ang bawat sakay nito sa bawat lubak. Wala ring tolda ang mga trak, kaya langhap nila ang makapal na pamuting alikabok ng Andap Valley.

Gayunman, masaya sila.

Okupasyon, paglikas

Sa huling apat na taon, tatlong beses nang sinalakay ng militar, laluna ng 58th Infantry Battalion ng Philippine Army, ang komunidad ng mga Manobo sa Diatagon. Noong 2005, nakaranas sila ng matinding panghaharas ng militar na nagbabansag sa kanilang “nagkakanlong ng mga komunista.” Apat na katutubong residente ang nadukot at nawala hanggang sa ngayon.

Noong 2007, sapilitang lumikas ang mga residente ng Diatagon dahil sa okupasyon ng mga militar sa kanilang komunidad. Noong Disyembre 2008 nakaramdam na ang mga residente ng matinding presensiya ng militar. Dumami ang mga tsekpoint. Nagsimulang magrekluta – kadalasa’y sapilitan pa nga – ang militar ng mga residente para maging miyembro ng grupong paramilitar na binansagang “Task Force Gantangan.”

Pagsakay ng mga bakwit sa mga trak pauwi ng Lianga. (KR Guda)

Nitong Hunyo, labas-pasok na ang mga militar sa kanilang komunidad. Hinarangan pati ang paglabas-pasok ng mga pagkain tulad ng bigas, gulay, at iba pa, mula sa mga taniman tungo sa mga bahay. Isang “alternatibong” eskuwelahan ang pinatatakbo ng mga katutubo rin, ang Alternative Learning Center for Agricultural and Livelihood Development (Alcadev) sa Brgy. Han-ayan. Binansagan ng mga militar ang eskuwelahang ito, pati ang institusyong sumusuporta rito, ang Tribal Filipino Program of Surigao del Sur (Trifpss), na prente raw ng mga komunista.

Kung kaya lumikas sila. Noong Hunyo, walong pamilya muna. Iilang pamilya lang, mula sa mga purok ng Upper Oregon, Kamangahan at Purok 5. Pero pagsapit ng Hulyo 13, lalong nadagdagan ang mga sundalo. Nadeploy ang aabot sa 300 sundalo ng 58th IB, kasama ang iba pa mula sa 36th IB at Division Reconnaissance Unit ng 4th ID sa mga komunidad sa Diatagon. Kailangan na nilang lahat lumikas.

At lumikas sila. Noong Hulyo 18, aabot sa 1,400 katao ang naghandang lisanin ang kanilang mga tahanan. Naglakad sila, dala-dala ang lahat ng kakarampot na ari-arian, ang ilan pa pati ang alagang mga manok, aso at kambing. Umaga sila umalis at gabi na nakarating sa Lianga Gym sa bayan. Pero hindi sila tinantanan doon ng militar. Kung kaya, noong Hulyo 28, sakay sa 15 mga ten-wheeler truck, muli silang lumikas. Ang dapat dalawang oras lang na biyahe, umabot ng sampu dahil sa 11 tsekpoint ng militar. Sa pagkakataong ito, tumungo sa Tandag, isang maliit na lungsod sa hilaga ng Lianga. Sa Diocese Pastoral Center sila tumuloy.

Hindi man natuwa ang obispong nakatira roon, pero wala siyang magawa. Walang ibang mapupuntahan ang mga Manobo.

Tagong yaman ng Surigao

Noong Agosto 30, muling nakasakay sa mga dump truck, bumalik na sila. Naghihintay ang mga pananim, ang mga alaga, ang mga bahay. Para sa mga bata, naghihintay ang paaralan. Balewala ang hirap ng biyahe, kahit na ang puting alikabok, makabalik lang sila.

Pero ang puting alikabok na iyon, ang matarik na bundok na iyon, ang tila siya mismong dahilan kung bakit di sila tinatantanan ng militar.

Patunay ang alikabok na ito ng yamang matatagpuan sa Andap Valley, sa Lianga at karatig na mga bayan, at sa buong Surigao del Sur. Ayon sa gobyerno, halos 10 porsiyento ng deposito ng nickel ang matatagpuan sa probinsiyang ito. Dito rin matatagpuan ang pinakamalaking deposito ng ginto sa bansa. Sagana rin sa mga deposito ngcoal, iron, chromite, copper, manganese. At marami pang iba.

Noong 2005, tinukoy ng Department of Energy ang probinsiya ng Surigao del Sur, partikular ang lugar ng Lianga hanggang Tandag, bilang isa sa mga lugar sa bansa na bukas para sa eksplorasyon ng mga deposito ng coal. Nitong Hunyo – sa halos eksaktong panahong nagsimula ang militarisasyon sa Lianga – nag-alok ang DOE ng 30 kontrata para hukayin ang mga deposito ng coal ng mga dayuhan at lokal na kompanya ng mina.

Ayon mismo sa DOE, may apat na kompanyang nagsasagawa ng eksplorasyon sa mga deposito ng coal sa Surigao del Sur: MNG Mining and Energy Corporation, Caraga Energy and Mineral Resources Development Corp., Benguet Corporation, at PNOC-Exploration Corp. Samantala, kasalukuyang nagsasagawa ng first phase exploration sa mga deposito ng ginto ng probinsiya ang Australyanong kompanyang Medusa Mining Corp., na nagtarget na makakuha ng 60,000 ounces ng ginto ngayong taon.

Nasa ibabaw ang mga komunidad ng Lumad ng isang malawak na deposito ng yamang lupa na inaasam-asam ng mga kompanyang ito.

Militar para sa pagmimina

Noong Hulyo, nakipagdiyalogo si Rep. Luzviminda Ilagan, tubong Mindanao at representante ngayon ng Gabriela Women’s Party sa Kamara, sa mga representante ng 58th IB. “Sabi ng mga militar, nandoon daw sila dahil may mga project silang gustong i-implement. Nakapagtataka naman ito dahil mga sundalo sila, mayroon daw silang mga development project,” ani Ilagan. 2010 daw ang deadline para mapatupad itong mga proyekto.

“Ano bang project ito,” tanong niya sa mga sundalo. “Ito bang 2010 na deadline ay ang deadline ni GMA (Pang. Gloria Macapagal-Arroyo) sa insurgency program? Kaya ’yan ba ay isang insurgency deadline, na paaalisin na ninyo iyong mga rebelde sa lugar na iyon, at in the process maging collateral damage itong mga katutubo?”

Bahagi diumano ng layunin ng Oplan Bantay Laya II, ang ikalawang yugto ng kampanya kontra-insurhensiya ng gobyernong Arroyo, ang pagdurog sa insurhensiya para bigyang daan ang mga “programang development” ng gobyerno. Kabilang na dito ang mga pagmimina.

Sa presentasyon ng Mindanao Indigenous People’s Conference for Peace and Development (MIPCD) sa Mindanao-Palawan IP Summit noong Nobyembre 2008, ipinakita ang koneksiyon sa pagitan ng giyera kontra-insurhensiya at mga “programang development” ng gobyerno. MIPCD ang pangunahing yunit o ahensiyang nagbubuo ng plano ng OBL sa mga komunidad ng mga Lumad sa Mindanao. At sa naturang presentasyon, ipinakita nila kung paano dapat “ilayo” ang mga katutubo sa impluwensiya ng mga rebelde.

Kabilang na rito ang pagtatatag ng mga grupong paramilitar sa uri ng Task Force Gantangan. Tinawag nila ang mga grupong ito na “Bagani Force.” Militar ang pangunahing tagapagpatupad ng mga plano para “ipaliwanag” sa mga katutubo ang “kasamaan” ng mga rebelde at hikayatin silang suportahan ang mga “programang development.”

Ang MIPCD mismo, pinamumunuan ng mga “lider-katutubo” na malapit sa militar at gobyerno at kinabibilangan ng mga Council of Advisers na tulad nina Sec. Angelo Reyes ng DOE at Sec. Jesus Dureza. Bahagi ng Council of Consultants nito ang mga representante ng mga kompanya ng mina na may interes sa mga lugar kung saan matindi ang insurhensiya at/o matinding pagtutol ng mga katutubo sa pagmimina.

Kabilang ang mga komunidad ng mga Manobo sa Lianga sa mga natukoy na lugar ng MIPCD.

Handa pa ring lumaban

Sabog-sabog na inaning mais, na dinatnan ng may-ari ng bahay, matapos lumikas dito ang mga militar. (KR Guda)
Sabog-sabog na inaning mais, na dinatnan ng may-ari ng bahay, matapos lumikas dito ang mga militar. (KR Guda)

Tiyak ni Enriquez na hindi pa ito ang huling paglaban nila sa presensiya ng militar. Napalikas man ngayon, sinabi mismo ng kumander ng 58th IB, si Lt. Col. Benjamin Pedralvez, na aalis sila sa mga komunidad sa Diatagon, pero maaaring bumalik sila muli kung “may presensiya rito ng mga rebelde.”

“Sa bali-balita namin, mayroon pang presensiya ng militar sa karatig na mga komunidad,” sabi niya. “May pangamba pa kami dahil may masamang karanasan kami ng hindi pagsunod ng militar sa kasunduan.”

Sa marami sa mga bahay – sa purok Han-ayan at iba pang purok tulad ng Logdeck – nasaksihan ng Pinoy Weekly ang paninira ng mga militar. Ang ilang bahay, dinungisan lang ng mga graffiti na “NPA ang nakatira dito”,“Titser Komunista”, “A Fighter Lives Here,” o kaya’y “C’Coy The Best.” Dahil eskuwelahan lamang ang tanging imprastraktura roon, mga chalk lang ang nagamit na panulat ng mga sundalo.

Pero ang iba, higit pa sa graffiti. Mayroong mga pananim na tila inani na ng mga sundalo. Mayroong ilang bahay na winasak, ikinalat ang mga gamit. May ilang nawalan ng munting ari-arian. Maraming nawalan ng aso. Nagkalat ang syro na kainan.

Maaaring bumalik muli ang mga militar. Maaaring mapalikas muli sila sa sariling mga tahanan at eskuwelahan. Pero para kay Enriquez at sa mahigit 1,800 Manobo ng Lianga, handa silang ipaglaban ang kanilang mga karapatan.

Basahin/tunghayan din:

Dalawang buwang bakwit

Photo Essay: Pagbabalik ng mga Manobo sa Lianga