Uncategorized

Si Pilar Pilapil, ang “Birthday Boy for Ondoy” at ang pagbubukas ng 11th Cinemanila


IPINAGDIWANG namin ang aming kaarawan noong Linggo, ika-18 ng Oktubre, 2009 sa pamamagitan ng isang sosyo-sibikong pamamaraan. Nagtatag kami ng isang relief fund drive, ang pamagat ay “Birthday Boy for Ondoy.’ Noong una, ang mungkahi ng peryodistang pampelikula na si Dennis Adobas ay “Birthday ni Boy para kay Ondoy.” Nagustuhan ‘yon ng ina ni Angelica […]

IPINAGDIWANG namin ang aming kaarawan noong Linggo, ika-18 ng Oktubre, 2009 sa pamamagitan ng isang sosyo-sibikong pamamaraan.

Nagtatag kami ng isang relief fund drive, ang pamagat ay “Birthday Boy for Ondoy.’

Noong una, ang mungkahi ng peryodistang pampelikula na si Dennis Adobas ay “Birthday ni Boy para kay Ondoy.”

Nagustuhan ‘yon ng ina ni Angelica Jones na si Beth Jones.

“Ay! Oo sige! Maganda ‘yan,” komento ni Beth.

Nakipagpulong kami kina Angelica at Beth dahil sa naghahanap kami ng makakasama sa pagtatatag ng isang relief operation dahil hindi namin magagawang mag-isa ‘yon.

Kailangan namin ng partner dahil ang sabi nga ng ama ng singer na si Michelle Junia, mahirap at hindi gawang biro ang pagdaraos ng isang relief fund drive para sa mga biktima ng isang kalamidad lalo na sa lipunang Filipino.

***

Tinawagan namin si ER Ejercito na siyang alkalde ng Pagsanjan, Laguna at kakandidatong gobernador ng Lalawigan ng Laguna.

Ang sabi ni ER ay may ginagawa na silang relief operation ng mga sandaling ‘yon sa Laguna Province at kasama niya ang kanyang tiyong si Joseph Estrada. Nasa mga bayan anya sila ng Santa Rosa, Cabuyao, Biñan sa Laguna.

Ang sagot ko naman ay nagpapatulong lang ako sa kanya dahil kailangan ko ang katuwang sa isang gawaing tulad nito.

“Hindi naman ako manghihingi ng relief sa’yo,” pahayag ko.

Ang nasa isip ko naman ay maaari siyang makapagbato ng mga hiling sa kanyang mga kakilala para makapagbigay ng relief na hindi mismo manggagaling sa kanya.

O kakailanganin sa relief operation ang mga trak at baka mahiram sa kanya halimbawa’y sa pagtatransporta ng mga bagay-bagay na ipamimigay sa mga nasalanta ng bagyong Ondoy o kaya ay ni Pepeng.

***

Tinanong ako ni Ejercito kung saan ako konektado ngayon.

“Di ba, sa Channel 7 ka?” tanong niya.

“Hindi. Nagsusulat ako sa ABS-CBN news on line at may kolum ako sa Bomba Balita, Saksi sa Balita, Remate Tonight at may webcast ako sa Pinoy Weekly, frontline at POC ng Vibal Publishing,” tugon ko naman.

Ang sabi ko pa naman sa kanya ay makikipagmiting ako sa kanya oras na matapos ang kanyang pamimigay ng mga relief goods sa Laguna kasama si Joseph.

Nang maramdaman kong baka tapos na siya sa kanilang gawain ay tinawagan ko na naman siya sa kanyang cellphone. Walang sagot, ang tagal ng ring.

Nag-text ako sa kanya nang maraming beses pero wala ring hi ha, ni ho.

Tumawag na naman ako sa kanya nang mga alas nuwebe o ng mga sandaling ‘yon pero wala pa rin siyang sagot.

Nag-text na naman ako pero wala pa ring sagot.

Tapos ay tinawagan ko siyang muli kinabukasan pero wala na namang sagot kaya hinayaan ko na siya.

Tinawagan ko rin si Dan Fernandez, ang kongresista ng Unang Distrito ng Laguna pero dahil nawala ang aking cellphone na may numero niya, hindi magre-register ang pangalan ko sa screen ng cellphone niya.

Wala ring sagot si Dan.

***

Gusto ko talagang ituloy ang relief fund drive sa anumang paraan.

Determinado ako kaya nang makausap ko si Beth ay sinabi niyang “hulog ka ng langit, Boy!”

Nais din kasi ni Angelica na makatulong sa kanyang mga kababayan sa Laguna na hanggang ngayon ay binabaha pa.

“Sa Victoria, Laguna, ang maraming tao ro’n, sa kulungan na ng mga itik nakatira dahil wala na silang bahay. Mataas ang bahay sa Victoria,” pahayag ni Jones.

Taga-San Pablo City si Angelica at ang kanyang ina ay ipinanganak sa Rizal, Laguna.

Kakandidatong muli sa pagka-bokal si Angie sa Third District ng Lalawigan ng Laguna at tinitiyak niyang hindi na siya dadayain pa ng kanyang mga kalaban.

“Ayaw ko na pong umiyak dahil no’n, talagang umiyak ako nang todo nang dayain nila ako,” pahayag ng batang Jones.

Mamimigay si Angelica mula sa malilikom naming donasyon, in cash or in kind mula sa naganap na kumpleanyo namin sa Skylark Bar sa Timog Avenue sa panulukan ng Tomas Morato Street.

***

Isa si Pilar Pilapil sa mga dumalo sa pagtitipon at doon pa nga niya tinanggap ang isang iskrip mula sa direktor na si Nick Lizaso.

Mula pa sa Cebu si Pilar dahil marami siyang inasikaso sa kanyang bayan at nanggaling pa nga siya sa Zamboanga City kung saan siya ay nakipagmiting bilang Tagapangulo ng Pilar Pilapil Foundation.

Kalalapag pa lang niya sa eroplano ay natungo muna siya sa Casino Filipino kung saan naging presentor siya ng Famas 2009 nina Art Tapalla, Vir Mateo, Junne Quintana at marami pang iba.

Pagkatapos niyang mag-presentor ay natuloy na siya sa Skylark kung saan sinalubong siya ng masaganang palakpakan ng mga tao.

Ang ganda-ganda pa rin ni Pilaring na parang hindi tumatanda sa likod ng katotohanang hindi naman siya bumabata.

***

Gayundin si Maria Isabel Lopez na isa ring Binibining Pilipinas-Universe na ang sabi ay hahabol siya sa aking kaarawan pero manggagaling siya sa Famas dahil nominado siya bilang Best Supporting Actress para sa pelikulang “Ay Ayeng.”

Nagbuhat din sa TV5 si Maria Isabel dahil nag-guest silang dalawa ni Mara Isabella Yokohama, ang kanyang isa sa dalawang anak kay Hiroshi Yokohama, sa “Shall We Dance” dahil ang konsepto ng palatuntunan ay mag-iina na sumasayaw.

“Kasama namin si Jobelle Salvador at ang mga anak niya,” pahayag ni Maribel.

“Exciting ang show,” sabi ni Lopez.

Nakadalo pa nga si Maribel sa pagbubukas ng ika-11 Cinemanila International Film Festival sa Market! Market! sa The Fort ng Taguig City.

Kagagaling lang sa Pusan, South Korea ni Lopez ng mga sandaling ‘yon dahil siya ang inatasan ni Brillante Mendoza, ang 2009 Palm ‘Or Best Director sa Cannes International Film Festival, na mamahala at sumagot sa mga panayam ng mga dayuhang peryodistang pampelikula sa Korea.

“Ako ang ipinadala ni Dante Mendoza para sa Philippine delegation ng ‘Kinatay’ dahil wala na siyang time. Exciting din ‘yon,” wika ni Maribel.

At sa lahat ng mga international film festival na pagdadalhan ng “Kinatay (The Execution of P)” ni Brillante ay si Maribel ang ipadadala kung may ibang opisyo ang direktor.

***

Ayon kay Maria Isabel, kilalang-kilala si Mendoza sa lahat ng mga puntahan niya.

“Lahat sila, nagtatanong sa kanya. Kung nasaan daw si Dante Mendoza. Tapos, sasabihin nila, give our best regards for him,” kuwento ni Maribel habang nagmamaneho ng kanyang sasakyan sa palabas ng Market! Market! hanggang lagi kaming naliligaw sa kung saan babagtas ang kanyang kotse.

“Bago kasing structure itong The Fort at hindi pa ako masyadong nagpupunta rito kaya mahirap,” payayag ni Lopez.

Sinabi ni Maribel na talagang sikat na sikat na si Brillante saanmang panig ng mundo kaya maipagmamalaki natin siya sa kanyang pagsisikap na maiahon ang indistriya ng pelikulang Pilipino sa anumang paraan.

Idinagdag ni Lopez na gagawin niya ang kanyang makakaya para hindi mapahiya si Dante sa kanya.

Nakakapag-Ingles kasi si Lopez kaya inaasahan siya ni Mendoza na maipaparating sa buong mundo ang intensyon ng “Kinatay (The Execution of P).”

***

Nakahabol din si Brillante sa pestibal ni Tikoy Aguiluz kung saan ang pelikulang “Lola” ni Mendoza ang opening film ng pagtitipon.

Ipinagmamalaki ni Giselle Sanchez na siyang naging emcee ng palatuntunan ang karangalan ng Pilipinas kay Dante kaya naman nagpupugay.

“Kahit na ano po. Kahit indie ninyo ako bayaran bastat makasama lang ako sa indie,” pahayag ni Giselle.

Pinalakpakan ang “Lola” sa kapangahasan nito kaya naman nagdiriwang din ang sangkapilipinuhan sa kagandahan nito kahit na kabulukan at kahirapan ng Pilipinas ang tinatalakay nito.

Namataan namin sa ika-11 Cinemanila sina Ronnie Lazaro, Racquel Villavicencio, Emmanuel de la Cruz, Eugene Domingo, Mayor Freddie Tinga, Kaye Tinga, Mendoza, Raymond Red, Ellen Ongkeko-Marfil, Susan Africa, Spanky Manikan, Dr. Bienvenido Lumbera, Marife Necisito at marami pang ibang taga-showbiz.

***

Naghintay ang marami sa pagdating ni Diego Luna, ang sikat na Hollywood at Mexican actor na talagang hinangaan at tinilian sa pelikulang “Y tu mama tambien” ni Alfonso Cuaron na isa ring Mexicano.

Ang sabi kasi noon ng mga tagapagbando ng Cinemanila ay darating si Diego upang siyang maging espesyal na panauhin ni Aguiluz kaya naman naghintay ang maraming kababaihan at kahit na kabaklaan gayundin ang mga kalalakihan at katomboyan na tagahanga rin ng guwapitong aktor.

Pero sa mga huling sandali ay hindi nakarating si Luna sanhi ng mga hindi maiiwasang pangyayari.

***

“May shooting kasi siya,” pahayag ni Tikoy na nanghihinayang din at hindi nakadatal ang poging bituin.

“Kasi, direktor siya ng isang bagong pelikula,” pahayag ni Aguiluz na talagang maligayang-maligaya sa kanyang pestibal.

“Pero anytime now, baka, he can make it. Hanggang twenty five pa naman ang Cinemanila,” pamamag-asa ni Tikoy.