Uncategorized

Katatawanan sa sitwasyong nakakalungkot


Rebyu ng “Ang Babae sa Septic Tank” | Dinirehe ni Marlon Rivera, sinulat ni Chris Martinez | Tampok sina Eugene Domingo, JM de Guzman, Kean Cipriano, atbp.

Promotional poster ng "Ang Babae sa Septic Tank"
Promotional poster ng "Ang Babae sa Septic Tank"

Rebyu ng “Ang Babae sa Septic Tank”
Dinirehe ni Marlon Rivera, sinulat ni Chris Martinez
Tampok sina Eugene Domingo, JM de Guzman, Kean Cipriano, atbp.

Sa titulo pa lang parang ayaw ko nang panoorin ang pelikula. “What’s all about that shit?” sabi ko pa. Kaya lang may kaibigan akong text nang text sa akin para panoorin ko ang pelikula. Sige na nga. Kaya ng gabing yun ng Sabado habang nasa SM ako, hinabol ko ang last full show.

Pumasok ako ng sine para ako matawa. Napanood ko na si Eugene Domingo sa “Kimi Dora.” Napanood ko na rin siya sa YouTube habang iniinterbyu nang magkahiwalay ang dalawang David ng American Idol 7 – sina Cook at Archuleta – na aliw na aliw sa kanya.

Sa “Septic Tank” (Best Picture ng 7th Cinemalaya Independent Film Festival) marami rin namang nakakatawang eksena. Pero mas tinamaan yata ako sa sikmura habang tumatakbo ang pelikula. Hindi pa dahil sa raw footages ng kahirapan ng masa kundi sa matinding tema: isang ina na dahil sa kahirapan ay ibinenta ang anak sa pedophile. Pero kakaiba ang pagkakalarawan kasi paulit-ulit itong ipinakita sa iba’t ibang paraan — sa anyong drama, melodrama, at musical pa. Mula sa under-acting hanggang sa over-acting kinaya itong gampanan ni EUgene (na nanalong Best Actress).

Pero mas saludo ako sa pelikula. Noong una ay sumasaliw sa mga eksena ang halakhak ko kasama ng mga manonood. Pero bandang huli, matatahimik, mag-iisip, malulungkot, maluluha. Ewan ko kung ako lang. Pero habang “niro-romanticize” ng mga magagaling na aktor (Kean Cipriano, JM de Guzman at Cai Cortez) na gumanap na filmmakers ang kahirapan ng masa sa Payatas dumpsite malalim na ang aking buntong-hininga.

Kung ang layunin nina Marlon Rivera (Best Director) at Chris Martinez (Best Scriptwriter) ay ipamukha sa lipunan kung gaano na tayo winasak ng kahirapan ay nagtagumpay sila. Hindi sa paraang bulgar at karaniwan sa mga ma-dramang pelikula o telenobela, Kundi sa paraang unti-unting nanunuot sa buto. Halos hindi mo namamalayan habang akala mo’y naaaliw ka pero iminumulat na ang iyong mga mata. Sa parteng musical, halimbawa, kahit ginawang katawa-tawa at naglulundagan sa sayaw ang mga maralitang tagalungsod, mandi’y Philippine version ito ng Broadway musical na Les Miserables ni Victor Hugo.

Sinadya ring ang pelikula ay maging isang matalinong kritika. Ipinakita nito na ginagamit lamang ang kahirapan ng masa para ang filmmakers ay sumikat, pero sa totoong buhay ay wala silang simpatya at nandidiri pa nga sa amoy ng masa. Kaya nang literal na mahulog si Eugene sa septic tank, huli mo na ang mensahe ng direktor: ang tunay na full of shit ay hindi ang masa kundi ang mga mapagpanggap sa lipunan.

Kakaiba ang istilo ng direktor.Mahusay ang pagkahagod ng pelikula. Indie film lang ito pero ginawang mainstream at pinalabas na sa malalaking sinehan tulad ng SM at Gateway dahil nakakahatak ng mas maraming manonood. Mapupuri rin ang mga aktor labas pa kay Eugene (special participation sina Cherry Pie at Mercedes Cabral) dahil natural silang umarte at magsalita. Parang nakikinig ka lang sa iyong barkada sa tabi. Buhay na buhay ang script at huling-huli ang lenggwahe at humor ng Pinoy.

Marahil kung ipapalabas man ito sa mga film festival sa labas ng bansa at manalo ng award, wala nang hihigit pa sa papuri ng mga manonood ng pelikulang Pilipino.