Uncategorized

Eugene Domingo, sa wakas, Best Actress sa 7th Cinemalaya


Minsan pa, ninakaw ni Eugene Domingo ang eksena sa gabi ng parangal ng ika-7 Cinemalaya Independent Film Festival sa Main Theater ng Cultural Center of the Philippines. Kasi nga’y ang nagpresenta ng karangalang Pinakamahusay na Aktres sa New Breed Full-Length category ng pestibal ay si Cherry Pie Picache ang nanguna katambal si Ricky Davao. E, […]

Minsan pa, ninakaw ni Eugene Domingo ang eksena sa gabi ng parangal ng ika-7 Cinemalaya Independent Film Festival sa Main Theater ng Cultural Center of the Philippines.

Kasi nga’y ang nagpresenta ng karangalang Pinakamahusay na Aktres sa New Breed Full-Length category ng pestibal ay si Cherry Pie Picache ang nanguna katambal si Ricky Davao.

E, hindi nga ba’t noong nakaraang ika-34 Gawad Urian ng Manunuri ng Pelikulang Pilipino o MPP ay si Eugene naman ang nagpakilala sa tatlong natatanging bituin ng dekada 2000 na bukod kina Gina Pareño at Coco Martin ay kinabilangan din ni Cherry Pie.

At nang ipahayag na nga ni Picache ang Best Actress ay si Domingo ang nakasulat sa isang kapirasong papel na resulta.

Mula sa hanay ng mga manonood sa bulwagan ay umalsa si Eugene, nakipaghalikan, nakipagbeso-beso sa mga katabi at umakyat sa entablado pero kay Cherry Pie siya dumiretso at pagkatapos ay parang tatalilis na sa likod-tanghalan pero pagpapatawa lang ‘yon ng aktres na kinalugdan ng mga manonood sa bawat sandali ng okasyon.

Nagwagi si Eugene sa pelikulang “Ang Babae sa Septic Tank” na idinirek ni Marlon Rivera mula sa dulang pampelikula nila ni Chris Martinez at iprinodyus din ng Cinemalaya at ng mga Martinez.

***

Tulad ng dapat asahan, binutasan ng ilang mga miyembro ng peryodismong pampelikula sa Pilipinas na bakit ang isang parang komersyal na obrang tulad ng “Ang Babae sa Septic Tank” ang manalong Best Film sa New Breed.

Ayon sa mataray na peryodistang pampelikulang si Ibarra Mateo, nalulungkot siya sa kinalabasan ng pagpili ng mahuhusay sa taong ito dahil para anyang ang lumalabas ay kung ano ang madaling maibenta o mai-market na pelikula dahil may sikat at box-office star o kaya ay katatawanan na madaling maintindihan ng mga manonood ang siyang pinanalo ng mga hurado.

Gayunman, sinagot ito ni Clodualdo del Mundo, Jr. na isa sa mga kasapi sa lupon ng inampalan ng paligsahan.

“Wala namang gano’ng intensyon. Sa deliberation naming mga judges, hindi namin naisip na kailangang may commercial viability ang mga mananalo,” paliwanag ni Clodualdo, kilala rin sa tawag na Doy del Mundo.

***

Pati ang French juror na si Jean Marc Theroanne ay nagsabing “the film is a very intelligent film” na patungkol sa obra nina Martinez at Rivera.

Kami man ay walang masabi dahil hindi pa namin napapanood ang “Ang Babae sa Septic Tank” pero pag nagkaroon ng panahon ay susugod kami sa UP Film Institute Cine Adarna para manood ng mga pelikulang hindi namin naabutan sa regular na pagtatangal sa CCP at sa Greenbelt.

Gayunman, kailangan talagang hindi mawaglit ang malayang pamamahayag sa pelikula na siyang tunay na diwa at layunin ng Cinemalaya.

Dahil base sa mga katangian ng mga kasali sa mga kategoryang short film, New Breed at Director’s Showcase, talagang nagpapabonggahan ang mga ito.

Sa Best Actor sa New Breed ay si Edgar Allan de Guzman ang nagwagi para sa “Ligo na U, Lapit na Me” at ang Best Supporting Actor naman ay si Art Acuña para sa pelikulang “Niño.”

Best Supporting Actress naman si Shamaine Sentenera-Buencamino para sa “Niño.”

***

Sa Director’s Showcase, Best Actor si Rafael “Bembol” Roco, Jr. para sa “Isda” samantalang Best Actress si Raquel Villavicencio para sa “Bisperas” na idinirek ni Jeffrey Jeturian.

Best Film sa kategoryang ito ang “Bisperas” ni Jeffrey pa rin samantalang ang Best Director ay si Aureaus Solito.

Sa New Breed, ang Best Director ay si Marlon Rivera.

Sa Short Film, Best Director si Milo Tolentino para sa “Niño Bonito” samantalang Best Film ang “Walang Katapusang Kuwarto.”