Migrante

14 na taon sa bilangguan sa Kuwait, OFW umapela sa paglaya


Isang OFW (overseas Filipino worker) na nakabilanggo sa Kuwait ang umapela para sa kanyang paglaya. Sa pamamagitan ng kanyang kapatid at mga kaibigan, hiniling ni “Jose”, (di tunay na pangalan) sa isang e-mail sa Migrante – Middle East na bigyang-pansin ang kanyang kaso dahil 14 na taon na siyang nasa bilangguan. Si Jose, isang tennis […]

Isang OFW (overseas Filipino worker) na nakabilanggo sa Kuwait ang umapela para sa kanyang paglaya.

Sa pamamagitan ng kanyang kapatid at mga kaibigan, hiniling ni “Jose”, (di tunay na pangalan) sa isang e-mail sa Migrante – Middle East na bigyang-pansin ang kanyang kaso dahil 14 na taon na siyang nasa bilangguan.

Si Jose, isang tennis instructor ay nahatulan ng habambuhay na pagkabilanggo dahil sa pagpaslang diumano sa isang Bangladeshi noong Hulyo 1996.

Ayon kay John Leonard Monterona, tagapag-ugnay ng Migrante – ME, aksidenteng napalo ni Jose ang Bangladeshi na naging sanhi ng pagkamatay nito matapos ang ilang arawa na pagka-comatose.

Sa ulat na dumating kina Monterona, hinaharas umano ng Bangladeshi si Jose at niyayang makipagtalik. Tumanggi umano si Jose na nauwi sa mainitang pagtatalo hanggang mapalos nito sa pamamagitan ng raketa ang biktima.

Samantala, ipinadala din umano ng kapatid ni Jose sa Migrante – ME ang liham na humihingi ng tulong mula sa Department of Foreign Affairs (DFA) Office of the Undersecretary for Migrant Workers Affairs (OUMWA). Dito umano ipinangako ni Undersecretary Esteban Conejos na tutulong ito para maibigay ang blood money kapalit ng paglaya ni Jose.

Batay sa ulat ng embahada ng Pilipinas sa Kuwait at DFA, humihingi ng kabuuang 7,000 Kuwait dinar ang pamilya ng biktima.

Sa isang sulat ng kapatid ni Jose sa Migrante sinabi umano nitong nangako si Conejos na magbibigay ito ng 5,000KD subalit hindi na natuloy nang malaman na 7,000KD ang hinihingi ng pamliya ng biktima.

Binatikos naman ni Monterona si Conejos dahil sa hindi nito pagtupad sa pangakong pagtulong kay Jose.

“Lagi na lang sinasabi na ang pagtulong sa mga OFW ang isa sa mga haligi ng DFA, pero sa dami ng kasong dumarating sa amin, lagi ring nagrereklamo ang mga OFW na hindi sila natutulungan,” ani Monterona.

Malinaw umano na patuloy lamang na bigo sa pagbibigay ng proteksiyon ang administrasyong Arroyo sa karapatan ng mga OFW at lagi na lamang nagiging biktima ng kapabayaan.