Nakawelgang caregiver sa Saudi: gobyerno ‘nakipagsabwatan’ sa abusadong kompanya


Kalunus-lunos ang kondisyon ng 89 Pinay caregiver sa Riyadh, Saudi Arabia na tumigil sa paggawa at ngayo’y humihiling na agad ibalik sa Pilipinas matapos ang “di makataong pagtrato” ng kanilang employer, ang Annasban Group of Companies. Pero sa kabila nito, patuloy ang pakikipagsabwatan ng POEA at Philippine Overseas Labor Office sa abusadong kompanya.

Ibinulgar ng Migrante na patuloy ang pagdedeploy ng POEA at POLO ng mga OFW sa Saudi para magtrabaho sa employer na Annasban Group of Companies sa kabila ng mapulit na pagtrato ng kompanyang ito sa mga Pilipino. (Ilang-Ilang Qujano)
Ibinulgar ng Migrante na patuloy ang pakikipagsabwatan ng POEA at POLO nsa Annasban Group of Companies sa kabila ng mapulit na pagtrato ng kompanyang ito sa mga Pilipino. (Ilang-Ilang Qujano)

Iniinom nila ang tubig na galing sa inidoro. Pinaghahati-hatian ang instant noodles para mapawi ang gutom. Nagsisiksikan sa isang maliit na kuwarto ang halos 40.

Ito ang kalunus-lunos na kondisyon ngayon ng 89 Pinay caregiver sa Riyadh, Saudi Arabia na tumigil sa paggawa at ngayo’y humihiling na agad ibalik sa Pilipinas matapos ang “di makataong pagtrato” ng kanilang employer, ang Annasban Group of Companies.

“Hindi ko pa rin makalimutan ang nangyari sa amin sa Saudi,” mangiyak-ngiyak na kuwento ni Jemma Vallarta, ang pinakahuling caregiver na nakauwi noong Oktubre 7. “Lahat ng klase ng paghihirap, naranasan namin,” aniya sa isang press conference.

Ibinulgar ng Migrante International ang umano’y pakikipagsabwatan ng Philippine Overseas Employment Agency (POEA) at Philippine Overseas Labor Office (POLO) para ituloy ang pagpapadala ng mga OFW sa Annasban sa kabila ng masamang rekord ng kompanya.

Pinahirapan matapos magwelga

Ayon sa mga biktima, pinangakuan sila ng recruitment agency ng 940 Saudi Riyal (SR) na sahod kada buwan, pero 600 SR lamang ang kanilang natanggap. “Pangkain lang namin ito, kulang pa,” ani Vallarta. Kaya umano nagdesisyon sila na tumigil sa trabaho, isang buwan na ang nakakaraan.

Dahil dito, mas lalo umano silang pinahirapan at ikinulong sa barracks ng kompanya.

“Halos walong buwan na sila naroroon pero wala silang naipadala kahit minsan. Ang lahat doon kinakaltas sa kanilang sahod na sabi sa kontrata ay dapat libre,” kuwento naman ni Ritchie Mabubay, na kabilang sa mga biktima ang dalawang kapatid na babae.

Nag-aalaga umano ang kanyang mga kapatid ng mga ulyanin at may kapansanan sa Riyadh. Paminsan, nasasaktan sila ng kanilang mga alaga, “pero hindi sinasagot ng kompanya ang pagpapagamot sa kanila,” aniya.

Kuwento pa ni Vallarta, hiniling nila sa embahada ng Pilipinas sa Riyadh na ilipat sa kanilang kustodiya. “Pero ang sagot lang sa amin, hindi raw puwede dahil masikip na raw doon,” sabi ng biktima.

“Nasaan na ang pinagmamalaki ng gobyerno na sa loob ng 48 oras ay matutulungan ang mga OFW na inaabuso?” ayon naman kay Garry Martinez, tagapangulo ng Migrante International.

Sinisingil ng grupo ang umano’ direktang pagkakasangkot ng POEA at POLO sa pang-aabusong dinanas ng mga caregiver sa Riyadh.

Sa kabila ng masamang rekord

Sinuspinde na ng POEA noong 2005 ang lisensya ng Annasban dahil sa mga reklamong isinampa laban sa kompanya gaya ng contract substitution, delayed salary, illegal salary deductions, non-payment of overtime work, at poor accomodations.

Pero noong 2008, sa isang sulat na ipinadala ni Labor Attache Rustico dela Fuente ng POLO-Riyadh sa POEA, iginiit nito na nireporma na ng Annasban ang sistema nito, at hiniling na ibalik ang lisensya ng kompanya.

Tinanggal ng POEA ang suspensiyon ng Annasban noong Agosto 21, 2008.

Pero ayon sa Migrante International, patuloy silang nakatanggap ng reklamo mula sa mga empleyado ng Annasban, patunay umano na ilegal itong nagrerekrut ng mga Pilipino sa kabila ng suspensiyon ng kanyang lisensiya.

Isa ang Annasban sa pinakamalaking mga kompanya sa Saudi sa industriya ng manpower services. Tinatayang nasa 13,000 ang mga empleyado nito, karamiha’y mga migrante mula sa Pilipinas, Indonesia, India, at Bangladesh.

Tinatayang nasa 9,000 ang mga empleyado nitong OFW, na karamihan ay patuloy na nagtatrabaho sa kabila ng abusadong mga kondisyon.

“Itinatapon ng POEA at POLO ang ating mga kababayan sa mga lobo gaya ng Annasban. Ipinapakita nito na ang mga ahensiya na dapat nagtatanggol sa karapatan at kapakanan ng mga OFW ang siyang nakikipagsabwatan sa mga kompanya sa pang-aabuso sa kanila,” sabi ni Martinez.