43 health workers ‘hindi NPA,’ hiniling na palayain


Dumarami ang mga grupong humihiling ng kagyat na pagpapalaya sa 43 health workers na kasalukuyang nakadetine sa Camp Capinpin sa Tanay, Rizal, matapos ang isang mass arrest o maramihang pag-aresto na tinataguriang “unprecedented” o wala pang katulad simula noong batas militar. Naglabas ng mga pahayag ng suporta sa mga detenido ang grupong Bagong Alyansang Makabayan (Bayan), progresibong mga […]

Dr Alexis Montes: isa sa 43 health workers na naka-detine sa Camp Capinpin, Rizal. (Contributed Photo)
Dr Alexis Montes: isa sa 43 health workers na naka-detine sa Camp Capinpin, Rizal. (Contributed Photo)

Dumarami ang mga grupong humihiling ng kagyat na pagpapalaya sa 43 health workers na kasalukuyang nakadetine sa Camp Capinpin sa Tanay, Rizal, matapos ang isang mass arrest o maramihang pag-aresto na tinataguriang “unprecedented” o wala pang katulad simula noong batas militar.

Naglabas ng mga pahayag ng suporta sa mga detenido ang grupong Bagong Alyansang Makabayan (Bayan), progresibong mga party-list na Gabriela, Anakpawis, at Bayan Muna, grupong OFW na Migrante-Middle East at Bayan-Canada, isang NGO sa Belgium na Third World Relief Fund, at isang grupong pangkarapatang pantao sa New Zealand na Wellington Kiwi Pinoy.

Bandang 6:15 ng umaga noong Pebrero 6, tinatayang 300 elemento ng Armed Forces of the Philippines (AFP) Southern Luzon Command at Rizal Philippine National Police (PNP) ang sumalakay sa compound sa Morong, Rizal ni Dr. Melecia Velmonte, kung saan isinasagawa umano ang isang “bomb-making seminar” ng mga rebeldeng New People’s Army (NPA).

Isang “atake sa karapatan ng mahihirap sa kalusugan” ang pag-aresto sa 43, ayon kay Wim De Ceukelaire ng Third World Relief Fund.

Pinatotohanan ni De Ceukelaire na ilang beses na niyang nakatrabaho sa community-based health programs si Dr. Merry Mia, coordinator ng Council for Health and Development (CHD) at isa sa dalawang doktor na inaresto.

“We have also attended several activities and trainings of CHD and know for a fact that weapons and bombs are never around when they conduct health trainings,” sabi ni De Ceukelaire.

Sa isang press conference noong Pebrero 7, pinabulaanan ng grupong Health Alliance for Democracy (Head) ang pahayag ni Col. Aurelio Baladbad, hepe ng 202nd Infantry Brigade ng Philippine Army, na nakatataas na mga miyembro ng New People’s Army (NPA) ang 43.

Umano’y nagsasagawa lamang sila ng isang health training na inisponsor ng mga NGO na CHD at Community Medicine Development Foundation (Commed).

Si Dr. Velmonte, ang may-ari ng compound, ay isang kilalang espesyalista sa infectious diseases at konsultant sa Philippine General Hospital.

Kabilang din sa mga inaresto si Dr. Alexis Montes ng Commed, nars sa Jose Reyes Medical Memorial Center na si Gary Liberal, at midwife na si Teresa Quinawayan.

Sinabi ng AFP na natagpuan sa lugar ang dalawang C4 explosives, isang pistol, tatlong granada, at mga landmine.

Pero ayon kay Dr. Geneve E. Rivera, pangkalahatang kalihim ng Head, malinaw na itinanim lamang ng AFP ang nasabing mga ebidensiya.

Batay sa ulat sa mga saksi sa insidente, nakalabas na sa compound ang lahat ng mga health worker at nasamsam na ang kanilang personal na mga kagamitan, bago nakita ng mga awtoridad ang diumano’y ebidensiya. Pumasok din umano ang mga sundalo sa compound na may dala-dalang mga supot na pinaghihinalaang may pekeng ebidensiya.

Samantala, binatikos ng Bayan Muna Party-list ang umano’y malisyosong pag-uugnay sa kanila sa rebeldeng kilusan.

Inihayag ng AFP na bukod sa mga armas at pampasabog, natagpuan din sa lugar ang mga materyales sa kampanya ng Bayan Muna.

This raid is clearly part of the AFP’s evil plot to vilify community health doctors and party-list groups working for the poor in far-flung areas, and to justify their attacks against legitimate organizations fighting for human rights,” sabi ni Bayan Muna Rep. Teddy Casino.

Nangako ang grupo na magsasampa ng kasong kriminal at administratibo laban sa mg opisyal ng AFP at PNP na sangkot sa nasabing reyd.

Panoorin ang bidyo ng Kodao Productions ng press conference ng Health Alliance for Democracy