Pinoy Weekly

Si Alfred Vargas ang Andres Bonifacio sa pelikula ni Mario O’Hara

NAGSASAYA na ngayon si Alfred Vargas dahil siya ang pinal na pinili nina Robbie Tan ng Seiko Films at direktor Mario O’Hara para gampanan ang mabusisi at maalingasngas na katauhan ni Andres Bonifacio sa opisyal na lahok ni Mario sa Open Category ng ika-6 na Cinemalaya Independent Film Festival ng Cultural Center of the Philippines.

Kalulunsad lang sa taong ito ang kategoryang ito na nagbibigay ng laya sa mga diwang malikhain ng mga beteranong direktor na makagawa ng tinatawag na independent o indie film.

Ngayon pa lang ay tinataya nang magiging kontrobersyal ang obrang ito na tatalakay sa kasong isinampa kay Andres na treason na inireklamo ng kampo ni Emilio Aguinaldo.

“Ito ang simula ng pulitikang marumi sa Pilipinas,” pahayag ni Mario.

“Kaya kailangang mapanood at malaman ito ng mga Filipino,” dagdag ni O’Hara.

***

Ang pelikula rin ang maglalantad ng pagdinig sa kaso ni Bonifacio sa korte at ito rin ang bubusisi sa paratang na pagpapapatay ni Aguinaldo kay Bonifacio.

“Marami kaming mga ebidensiya sa bahay na historical kaya documented ito. Ang pamangkin kong si Janice O’Hara ang sumulat ng iskrip at talagang I easily fell in love with it,” sabi ni Mario.

Natapos na rin ang unang bahagi ng panganganay ni Mario para sa kanyang istoryang pampelikulang inalagaan niya sa loob ng maraming taon.

Nasara na nina Robbie Tan ng Seiko at Mario ang aktor  na gaganap sa papel ni Ka Andres.

“Si Alfred Vargas na ang Andres Bonifacio,” pahayag ng peryodistang pampelikulang si Dennis Adobas na malapit na malapit kay O’Hara.

Katulong ni Mario si Dennis sa pagpili at paghahanap ng mga  artista si Adobas at ipinahanap pa nga ng direktor kay Adobas si Bernard Palanca bilang Bonifacio kung hindi puwede si Vargas.

“Pero tumaba na si Bernard,” sabi ni Adobas.

***

“Tinulungan ni Robbie si Mario para makuha si Alfred. Alaga pala ni Robbie si Alfred no’n pa,” sabi ni Dennis.

Oo naman.

Nang umalis sa ABS-CBN si Vargas at magpunta sa GMA Network, kinuha muna siya ni Tan para sa isang pelikula na si Francine Prieto ang bida. Pagkatapos noon ay si Lolit Solis na ang kinuhang talent manager ni Vargas para sa kanyang sarili.

Ang hinahanap ngayon nina Mario, Dennis at Robbie ay ang lalabas sa papel na Emilio.

“Gusto ni Mario si Diether Ocampo to play Aguinaldo,” pagkukuwento ni Adobas kaya todo-hanap ngayon ang tatlo sa aktor.

Samantala, si Angel Locsin na handa at intresadong gumanap bilang Gregoria de Jesus ay naghihintay na lang ng tawag.

Ayon kay Dennis, wala na sa pangangalaga ni Becky Aguila si Angel kaya naman mas malamang kaysa hindi ay ang ABS-CBN na ang kakausapin sa serbisyo ni Locsin.

***

Maraming nais makasama sa pelikulang ito ni O’Hara.

Maski ang kilalang character actor na si Levy Ignacio ay atat na atat maidirek ni Mario.

“Gusto kong makasama r’yan,” pananabik ni Levy.

Ang bigotilyong si Levy ay madalas kontrabida nina Ace Vergel, Ramon “Bong” Revilla,  Jr., Rudy Fernandez, Phillip Salvador, Roi Vinzon at iba pang malalaking action star, namatay na o buhay pa.

Nang sabihin namin kay Mario na nais ni Ignacio na makasama sa “Ang Paglilitis ni Andres Bonifacio” ay sinabi ng magaling na direktor na ang mga tauhan ng kuwento ay madalas nasa beynte anyos samantalang nasa kuwarenta anyos na si Levy.

“Pero hayaan mo, pag may role para sa kanya, kukunin ko siya,” sabi ni O’Hara.

Gayunman, nalaman ni Mario na mahusay mag-stunt si Levy kaya nais niyang ito ang mag-stunt director para sa mga fight scene ng pelikula.

Pero nagpasubali si Ignacio. “Masyadong masakit sa ulo ang stunt direction. Ibang klase. Maraming problema,” makatotohanang komento ni Levy.

Kaya ngayon ay naghahanap pa si O’Hara ng magiging stunt director ng kanyang obra.

***

Samantala, sina Dawn Zulueta at Zsa Zsa Padilla naman ang magiging bituin ni Joel Lamangan para sa kanyang opisyal na lahok sa Open Category ng Cinemalaya 2010.

“Sigwa” ang pamagat ng obra ni Joel na tungkol sa aktibismo ng mga kabataan noong mga huling yugto ng 1960s at mga unang taon ng 1970s.

Talagang walang karekla-reklamo sina Dawn at Zsa Zsa kahit na maliit lang ang bayad sa indie film dahil nauunawaan naman nila ang lahat ng mga rekotitos dito.

Nananabik na rin si Joel na makagos sa Cinemalaya at sa malayang paggawa nito ng pelikula.

***

Sinabi ni Robbie na may suportang pinansiyal siyang maibibigay kay Mario sa paggiling nito ng mga kamera.

Marami nang koneksyon si Tan sa loob at labas ng industriya na maaaring maglagak ng puhunan sa pelikula ni O’Hara dahil nga may pangako ang likhang-sining nito.

Matagal nang hinihingan ng Cannes International Film Festival sa Cannes, France ng lahok si Mario sapul nang maipalabas sa Directors Fortnight ang kanyang “Babae sa Breakwater” noong 2004.

Wala nga lang prodyuser si O’Hara para gumawa ng pang-internasyunal na obra na kayang-kaya naman niyang gawin.

Ngayon ay dumating sa buhay ni Mario ang kategoryang ito ng Cinemalaya kaya hindi siya nagpatumpik-tumpik na magsali ng kanyang iskrip at direksyon.

Sana ay matuloy rin ang kontrobersyal na direktor na si Jowee Morel para maging cinematographer ni Mario dahil nagagalingan ang direktor kay Jowee kahit noon pang mapanood niya ang “Latak.”

Kahit nga ang line producer at peryodistang pampelikulang si KC Guerrero ay bilib na bilib kay Morel.

Short URL: http://pinoyweekly.org/new/?p=6078

Posted by on Feb 2 2010. Filed under Showbiz. You can follow any responses to this entry through the RSS 2.0. You can leave a response or trackback to this entry

Leave a Reply

Multimedia

Log in | Designed by Gabfire themes