Sangkatutak na taga-showbiz ang lalaban sa 2010 elections
Habang tumatagal ay lalong dumarami ang mga taga-showbiz na lumalahok sa halalan at punahin man sila o hindi ng mga kritiko, wala silang pakialam. Dahil ang paglilingkod sa bayan ay hindi lang naman kaalaman sa maraming bagay sa buhay at sa pamamalakad ng gobyerno kundi, higit sa lahat, ang wagas na pagsisilbi sa tao gaano […]

Habang tumatagal ay lalong dumarami ang mga taga-showbiz na lumalahok sa halalan at punahin man sila o hindi ng mga kritiko, wala silang pakialam.
Dahil ang paglilingkod sa bayan ay hindi lang naman kaalaman sa maraming bagay sa buhay at sa pamamalakad ng gobyerno kundi, higit sa lahat, ang wagas na pagsisilbi sa tao gaano man kasimplistiko ang ibig sabihin nito sa pananaw ng sinumang nilalang.
Hindi naiiba ang takbo ng utak ng mga taga-showbiz sa takbo ng utak ng iba pang klase ng mamamayan kabilang ang mga pulitiko dahil nasasakop tayong lahat ng isang hulma ng kasaysayan at ang kultura na bumabalot sa lipunan ng showbiz ay ang kultura na nagpapaandar ng iba pang larangan ng buhay—halimbawa’y ang mga value o kahalagahan—maganda man o hindi, tulad ng pakikisama, utang na loob, saksakan sa likod, kawalan ng katapatan, pag-una sa interest ng sarili, pagpapahalaga sa mga materyal na bagay at iba namang magagandang kasanayan tulad ng bayanihan, pagbabalik-loob sa Diyos, paggalang sa matatanda at iba pa.
Huwag sabihing ang mga ito ay hiwalay na mga aktitud ng showbiz sa iba pang sektor ng lipunan.
Kaya hala, bira, salain at titigan, huwag lang tingnan, ang mga kandidato, taga-showbiz man o tagalabas nito.
***
Bagamat kailangan ang tahid o salik sa mas mabuti at magandang pagpapatakbo ng pamahalaan, ito rin ang nais ng mga taga-showbiz (kung pagbabatayan ang mga ipinamamarali nila) subalit ang pagtahak sa mas masalimuot na pulitika ay isang matayog na kalakaran na nais ding patunayan ng mga taga-showbiz.
Sapat na bang gaya-gaya, puto-maya lang ang mga taga-showbiz sa pagtakbo sa pulitika?
Kapangyarihan lang ba ang habol nila?
Katanyagan pa rin ba ang hangad nila?
Kadatungan rin ba ang puntirya nila sa pamamagitan ng mga kontrata, pabuya, suhol o anumang grasya na inihahatid ng daigdig ng negosyo o imperyal na impluwensiya sa kanila?
O mapapag-ibayo nila ang kaibhan nila sa ordinaryong pulitiko?
Isa ito, kung gayon, na pagsubok sa katatagan at determinasyon ng mga taga-showbiz na lumaban na halalan.
May magagawa na nga ba sila sa pag-unlad ng bayan o katuwang din sila sa pagpapalubog nito sa kumunoy ng kawalang-pag-asa lalo na kung hindi iisipin ang kapakanan ng higit na nakararami lalo na ang pagsugpo sa kahirapan?
***
Unahin natin ang mga may matataas na panunungkit sa puwesto.
Pangunahin ang paglaban muli ni Joseph Estrada sa pagka-presidente ng Pilipinas.
Hindi na maaawat si Edu Manzano sa pagtakbo bilang pangalawang pangulo ng Pilipinas bilang katambal ni Gilberto Teodoro sa pagka-presidente ng bansa.
Gayundin, si Loren Legarda ay bise-presidente ni Manny Villar.
Lalahok naman sa pagka-senador sina Ramon “Bong” Revilla, Jr. at Lito Lapid.
Sina Imelda Papin at Jay Sonza ay sabay pang nagparehistro sa Commission on Elections sa pagka-senador.
Kumanta pa ang tinaguriang Asia’s Sentimental Songstress at si Jay ay lumutang pa ang mga kamao sa hangin.
Wala ring pagkasawa si Rey Langit sa pagtakbo sa serbisyo publiko ng Senado dahil kahit natalo siya sa panahon ni Joseph noong 1998.
Ang manunulat na si Danton Remoto ay kandidatong senador gayundin si Tito Sotto.
***
At walang takot si Amay Bisaya.
Senado ang target ni Amay na bumalikwas na sa kanyang kandidatura bilang gobernador ng Bohol Province ngayong si Cesar Montano na ang seryosong naglatag ng kanyang kandidatura sa lalawigang ito.
Sa Probinsiya naman ng Laguna ay si ER Ejercito ang isa sa mga tatakbong gobernador pagkatapos niyang manungkulan bilang alkalde ng Pagsanjan, Laguna.
Ang kanyang asawang si Maita Sanchez ang lalabang mayora ng Pagsanjan para hindi mawala ang kapangyarihan ng mga Ejercito sa pulitika ng lokal ba bayan.
***
Gobernadora pa rin ng Batangas ang nais ni Vilma Santos nakaputong sa kanyang korona kaya hindi siya nagpadala sa mga kantiyaw na mag-bise-presidente siya at siya’y magwawagi.
Kesehodang pamprobinsiya pa rin ang kanyang beauty dahil ayon sa kanya ay nais pa rin niyang pagsilbihan ang kanyang mga kababayan.
Samantala, ang madalas kapartner ni Vilma sa pelikula at telebisyon na si Christopher de Leon ay nagpatala bilang kandidato ng bokal sa Lalawigan ng Batangas at nagako ang aktres na tutulungan ang aktor sa kampanya upang manalo.
Sa Unang Distrito pa rin ng Laguna nakapako ang interest ni Dan Fernandez sa Kongreso kahit maalingasngas ang kanyang pagkakaupo sa trono dahil sa isyung hindi naman siya residente ng First District.
Samantala’y tuloy na tuloy na si Angelica Jones sa kanyang kandidatura sa pagka-board member ng Ikatlong Distrito ng Laguna.
***
Sa huling araw ng rehistrasyon ay humahabol sina Arnell Ignacio bilang konsehal ng Unang Distrito ng Quezon City samantalang pagka-mayor ng lunsod ang inaasinta ni Herbert Bautista.
Sa Ikalawang Distrito isinabak ni Annie Susano, kalaban ni Herbert sa pagka-alkalde ng siyudad, si Glenda Garcia samantalang sa Third District ay si Roderick Paulate ang hinirang ni Susano na kanyang pananggalang sa hanay ng mga konsehal.
Dalawa ang inilaban ng partido ni Susano sa Fourth District ay sila ay sina Maria Isabel Lopez at Ricky Davao.
Anu-ano ang mga plataporma ni Maria Isabel?
“Women empowerment, environmental, health and wellness, human rights, reproductive health at marami pang concerns,” pahayag ni Lopez.
***
Hindi magpapahuli sa pabonggahan sa eleksyon sina Ara Mina, Alfred Vargas, Ogie Diaz, Dan Alvaro at marami pang iba bilang mga konsehal ng Lunsod ng Quezon.
Si Aiko Melendez ay magwawakas na ang termino sa konseho ng Lunsod Quezon kaya itinaas niya ang kanyang ambisyon bilang bise-alkalde ng pangunahing bayan at capital ng buong Pilipinas.
Wala tayong kaandam-andam ay kandidato pala sa pagka-bise-alkalde ng Makati City si Jobelle Salvador katambal si Erwin Genuinio bilang punong-bayan ng lunsod.
Pati na si Joey Marquez ay lumaban muli sa pagka-meyor ng Parañaque City at ang kanyang anak na si Jeremy Marquez ay tatakbong konsehal.
Mananatiling konsehala ang posisyong tatakbuhan ni Alma Moreno sa Parañaque City.
Si Alma na Alma Moreno-Salic na ang ginagamit na pangalan dahil isa nang ganap na Muslim.
Nasa Mindanao si Moreno nang maganap ang kahindik-hindik na Maguindanao Massacre dahil sa pagtitipon ng Philippine Councilors League kaya kinabukasan, kasama ang kanyang asawang si Marawi City Mayor Fahid Salic, nakipaglamay ang aktres sa mga nasawi sa maramihang pagpaslang.
***
Sa Leyte naman kakandidatong kinatawan ng kanilang distrito sa Kongreso si Richard Gomez samantalang walang kapaguran si Rico J. Puno sa pulitika at nais maging kongresista ng Makati City.
Pangalawang ama ng bayan ng Parañaque City naman ang pinaghahandaan ni Anjo Yllana.
Hala bira!