Umaasa sa pag-asa
Bagong administrasyon, bagong pag-asa. Bagong Pilipinas pa nga, sabi ng iba. Matapos ang siyam na taong panunungkulan ng isang Pangulong kinamuhian ng mayorya ng mga mamamayan (at maraming survey na magpapatunay sa puntong ito), nakaluklok ngayon sa puwesto ang bagong Pangulong malinaw na may suporta ng mahigit 14 na milyong botante noong nakaraang halalan.
Bagong administrasyon, bagong pag-asa. Bagong Pilipinas pa nga, sabi ng iba.
Matapos ang siyam na taong panunungkulan ng isang Pangulong kinamuhian ng mayorya ng mga mamamayan (at maraming survey na magpapatunay sa puntong ito), nakaluklok ngayon sa puwesto ang bagong Pangulong malinaw na may suporta ng mahigit 14 na milyong botante noong nakaraang halalan.
Kung noong 2004 ay kinailangang iproklama ng Kongreso si Gloria Macapagal-Arroyo bilang Pangulo habang ang sambayanan ay natutulog, ngayon ay naiproklama si Benigno Aquino III habang ang sambayanan ay nanonood. Kung noon ay pinagdudahan ang pagkapanalo ni Macapagal-Arroyo, ngayon ay hindi masyadong naririnig ang alegasyon ng pandaraya sa bahagi ni Aquino. Kung noon ay may kultura ng pagkaaba, ngayon ay nanunumbalik na raw ang kultura ng pag-asa.
Kahit na imposibleng malaman kung ano ang aktuwal na mangyayari sa hinaharap, umaasa ang maraming magiging kabaligtaran ng dating administrasyon ang kasalukuyan. Ipinangako ni Aquino sa panahon ng kampanya na hindi raw siya mangungurakot. Inaasahang magiging malinis ang pamamahala niya dahil pangunahing pamantayan daw ni Aquino ang integridad ng mga pinili niyang opisyal ng kasalukuyang pamahalaan.
Walang bahid ng kontrobersiya. Masasabing ito ang naging susi sa pagkapanalo ni Aquino noong halalan. Kahit kakaunti lamang ang kanyang mga inihaing panukalang batas noong siya’y miyembro ng Kamara de Representante at Senado, sapat na para sa maraming botante ang katotohanang hindi siya nasangkot sa anumang iskandalo noong siya’y nasa Kongreso.
At lalong katanggap-tanggap ang kanyang argumentong nagmula siya sa pamilyang marangal kaya hinding-hindi niya dudumihan ang diumanong malinis na pangalan ng kanyang magulang. Sadyang malaking salik ang pagkakaroon ng magulang na parehong tinaguriang martir. Kahit noong panahon ng kampanya, halatang-halata ang paulit-ulit na paalala sa lahat na si Noynoy ay anak nina Ninoy at Cory.
Minsan nga’y iisipin mo kung sino ba talaga ang ibinoto noong Mayo 10: Si Noynoy ba o ang kanyang inang si Cory na nagkataong namatay sa kanser noong Agosto 1, 2009, o mga anim na buwan bago ang simula ng kampanya.
Ang dating tahimik na senador, bigla na lang naging sentro ng atensiyon. Dahil sa pagkamatay sa tinaguriang ina ng demokrasya, nakahanap ng dahilan ang noo’y mahinang pulitikal na partido ni Aquino, ang Liberal Party (LP), para maging seryosong katunggali ng administrasyong Macapagal-Arroyo. Dahil ang atensiyon ay napunta kay Aquino, nagkaroon ng mapanlikhang paraan ang LP para palabasing nagbigay-daan si Mar Roxas para sundin ang panawagan diumano ng sambayanang si Aquino ay tumakbo bilang Pangulo.
Pero kung susuriin nang mabuti ang mga survey noong panahong iyon, malinaw ang ebidensiyang mahina si Roxas bilang kandidato para Pangulo kaya kinailangan ng LP na kumuha ng alternatibo. Mataas ang emosyon noon dahil sa pagkamatay ni Cory na hindi hamak na mas matinong Pangulo kumpara kay Gloria. Kung sabagay, kahit naman sinong nakaraang Pangulo’y nagmimistulang Santa’t Santo kung ikukumpara kay Macapagal-Arroyo.
Ito nga ang dahilan kung bakit pumangalawa si dating Pangulong Joseph Estrada kay Noynoy. Kahit na sabihing nahatulang may-sala siya sa kasong plunder, ang pagiging oposisyon niya’y nagtulak sa maraming botanteng suportahan siya. Para naman kay Manuel Villar na tumakbo ring Pangulo, ang kanyang makinarya’y hanggang ikatlong puwesto lang ang naibigay sa kanya dahil na rin sa akusasyong siya ang sikretong kandidato ni Macapagal-Arroyo.
Noong panahon ng kampanya, tila may iisang sigaw ang mga Pilipino: Mabuhay ang mga kaaway ni Gloria! Mamatay ang mga kampi sa kanya!
Sadyang naging halik ng kamatayan (kiss of death) ang anumang pag-eendorso ni Gloria, at ito ang magpapaliwanag kung bakit sinubukan ni Gilbert Teodoro, ang kandidato para Pangulo ng administrasyong Macapagal-Arroyo, na dumistansiya sa kanya.
Sa kontekstong ito, madaling maintindihan ang pinanggagalingan at katangian ng suporta kay Pangulong Noynoy Aquino. Ang matinding galit sa nakaraang Pangulo’y nagtulak sa tagumpay ng oposisyon, at ang malinis niyang pangala’y naging sapat para pagkatiwalaan siya.
Masasabing naging “mababaw” ang pamantayan ng pagpili noong nakaraang halalan dahil nanggaling tayo sa isang administrasyong walang pakundangan. Nais lang ng mga botanteng wakasan ang garapalang pamamalakad sa pamahalaan kaya ang ipinalit ay ang tinitingnang hindi mangungurakot.
Pero bukod sa kampanya kontra kurakot, may inaasahan bang radikal na pagbabago sa mga polisya’t programang nakakaapekto sa buhay at kabuhayan ng mahihirap?
Maaga pa para magkaroon ng komprehensibong pagsusuri sa mga patakaran ng administrasyong Aquino, pero mainam na maging mapagmatyag. Ang pagsasamantala’y hindi lang sa porma ng korupsyon kundi sa pagpapatupad ng mga patakarang pinapakinabangan lang ng iilan.
Bagong administrasyon, bagong pag-asa. May pagbabago kaya sa ilalim ng bagong Pangulo? Maaga pa para sumagot, pero panahon na para magsuri’t kumilos. Huwag lang sanang umasa nang umasa dahil kailangan pa rin ang mahigpit na pagkakaisa.
Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa www.dannyarao.com.