FEATURED

Pagpupugay sa aktibismo ng masa


Hindi naging biro para sa masang Pilipino ang pinagdaanang kahirapan at panunupil sa loob ng siyam na taon ng isang pangulong sagad at lantaran ang korupsiyon, pandaraya, pasismo, at kasama ng mga kontra-mamamayang mga polisiya ay naglugmok ng bansa sa pinakamatitinding krisis pang-ekonomiya at pampulitika.

Dibuho ni Neil Doloricon
Dibuho ni Neil Doloricon

Una sa lahat, nagbibigay pugay ang Pinoy Weekly Online sa mga mamamayang Pilipino para sa matagumpay na pagpapaalis sa puwesto kay Gloria Macapagal-Arroyo. Sa kabila ng grandiyosong mga pakana, nabigo si Arroyo  para makapanatili sa kapangyarihan nang lampas sa siyam na taon.

Hindi naging biro para sa masang Pilipino ang pinagdaanang kahirapan at panunupil sa loob ng siyam na taon ng isang pangulong sagad at lantaran ang korupsiyon, pandaraya, pasismo, at kasama ng mga kontra-mamamayang mga polisiya ay naglugmok ng bansa sa pinakamatitinding krisis pang-ekonomiya at pampulitika.

Wala nang hihigit pa sa aktibismong ipinakita nito laban sa rehimeng Arroyo. Sa mahabang panahon, ang mga mahihirap at api ang nasa unahan ng mga pakikibakang nagnanais patalsikin si Arroyo.  Sumakay lamang dito ang mga tradisyunal na pulitiko hanggang  noong eleksiyon na nagkorona sa kanila bilang mga bagong hari’t reyna ng isang sistemang bulok. Naturingang makabago ang teknolohiya sa nakaraang eleksiyon subalit mas masahol pa ang pandaraya dito kaysa luma.

Silang nagpupundar sa yaman ng bansa ngunit walang makatarungang sahod o sariling lupa, silang araw-araw na nagdurusa sa kasalatan ng serbisyong sosyal at pagtaas sa presyo ng mga bilihin, silang nangingibang-bansa ngunit kinukurakot ang kanilang ambag sa kaban ng bayan, silang pinapalayas sa kanilang mga tahanan sa ngalan ng ‘kaunlaran’ na kailanman ay hindi matitikman—sila at ang kanilang mga organisasyon ang tunay na lumaban sa rehimeng Arroyo sa kanayunan man o kalunsuran.

Nagpunyagi silang itulak ang mga lehitimong karaingan at kahilingan. Nagbingi-bingihan man si Arroyo, maraming katulad nila ang nakinig at namulat, naorganisa at nakibaka. Itinaguyod nila ang mga dapat baguhin sa lipunan, at kumilos para dito sa hindi mabilang na mga kilos-protesta, maliit man o malaki, mula sa loob ng mga komunidad, pabrika, o paaralan hanggang sa mga lansangan at paanan ng Malakanyang. Kumilos sila dahil hangad nila ang tunay na mga repormang panlipunan—at dahil hindi ito maibigay ng estado, sila’y binansagang ‘kaaway’.  Mula sa kanilang  hanay daan-daan ang pinatay, dinukot para hindi na muling ilitaw, ilegal na inaresto, tinortyur at sinampahan ng gawa-gawang mga kaso, at sa pangkalahata’y sinupil ang demokratikong mga karapatan.

Sa kabila nito, patuloy nilang sinikap na palakasin ang kanilang mga organisasyon bilang tanda ng kanilang pagkakaisa at prinsipyo. Hindi sila umatras sa anumang labanan, isa na riyan ang labanang elektoral. Itinaguyod nila ang progresibong mga kandidato sa Senado na sina Satur Ocampo at Liza Maza, at party-list ng iba’t ibang sektor. Nangampanya sila hindi lamang para sa puwesto, kundi para ipalaganap ang isang programang pambansa-demokratiko na naglalatag ng pangmatagalang pagbabago. Ang nakabubuhay na sahod, tunay na repormang agraryo, paglikha ng lokal na mga industriya’t trabaho, at pagtataguyod ng pambansang soberanya ang ilan lamang sa mga sangkap ng programang ito.

Nakakuha ng kabuuang tatlong milyong boto ang mga progresibong party-list na Bayan Muna, Gabriela, Anakpawis, Kabataan, ACT Teachers at Akap Bata.  Mas mataas ito sa 2.3 milyong boto na kanilang nakuha noong eleksiyong 2007. Bukod pa rito, nakakuha sina Ocampo at Maza ng halos apat na milyong boto bawat isa. Totoo, hindi naging sapat ang mga boto na ito para mailuklok ang dalawang progresibong mambabatas sa Senado. At, dahil na rin sa pagdagsa ng ‘pekeng’ mga party-list na pinondohan ng Malakanyang at nagpalobo sa kabuuang bilang ng mga boto para sa party-list, tinatayang pito lamang na kinatawan ng mga progresibong party-list ang makakaupo sa Kongreso.

Gayunpaman, maituturing itong malaking tagumpay. Simula’t sapul, ang eleksiyon ay isang tagibang na paligsahan ng salapi at tusong taktika ng tradisyunal na mga pulitiko. Simula’t sapul, naging target ng black propaganda at panunupil ng estado ang mga progresibo. Sa kabila nito, mananatili sa Kongreso ang isang blokeng maaasahang dedepensa sa mga karapatan ng mamamayan, magsusulong ng kanilang lehitimong mga kahilingan, at magsisigurong mapapanagot si Arroyo sa kanyang sanlaksang krimen laban sa taumbayan. At sa masang Pilipino na namulat sa programa ng mga progresibo na inilako noong panahon ng kampanya, siguradong may naghihintay na mga pakikibaka para isulong ito.

Sapagkat walang pundamental na pagbabagong maaasahan mula sa bagong rehimen ni Benigno “Noynoy” Aquino III. Ang totoong makikinabang sa kanyang pagkapanalo ay hindi ang masang Pilipino kundi  ang angkang Cojuangco-Aquino na hahawak muli ng pampulitika at pang-ekonomiyang kontrol sa bansa; ang mga asyendero at negosyante na papaboran ng bagong rehimen; at ang gobyerno ng Estados Unidos na nais na ring maialis sa puwesto ang kinamumuhian-ng-taumbayan na si Arroyo para maproteksyunan ang sarili at dayuhang interes sa bansa.

Asahan nang magbabantay ang mamamayan na tuparin ni Aquino ang mga pangako nito, Asahan nang hihilingin ng masa ang mga pundamental na solusyon sa kanilang mga problema. At asahan nang patuloy ang aktibismo at pagbalikwas sa rehimeng hahadlang sa katuparan ng kanilang mga karapatan at kahilingan.