Pinoy Weekly

Simbahang Katolika, nangampanya para sagipin si Jakatia Pawa

Lumahok na ang ilang mga Simbahang Katolika sa kampanya para sagipin ang buhay ni Jakatia Pawa, isang 22-anyos na Overseas Filipino Worker (OFW) sa Kuwait na hinatulan noong Enero ng parusang kamatayan para sa pagpatay diumano ng anak ng kanyang amo.

Nakipagtulungan ang mga parokya sa Caloocan sa Migrante International, tagapagtipon ng Save Jakatia Pawa Movement, para mangalap ng pirma para kay Pawa, mula sa mga sumasamba ngayong araw. Lumahok sa aktibidad ang Sto. Nino Parish Church sa  Bagong Silang, Our Lady of Grace Parish sa Grace Park, St. Francis of Assisi at Santa Quiteria Parish sa Baesa, at Santa Lutgarda Chapel sa Bagong Barrio.

Sa kabila ng payo ng Department of Foreign Affairs (DFA) na huwag isapubliko ang usapin dahil baka umano mameligro ang pakikipagnegosasyon ng gobyerno sa gobyerno ng Kuwait, sinabi ni Garry Martinez, tagapangulo ng Migrante International, na “hindi kami mananahimik.”

“Alam namin na pinagtitibay ng malakas na panawagan mula sa mga mamamayan ang anumang hakbang ng gobyerno para sagipin ang buhay ng isang OFW,” aniya.

Tinukoy ni Martinez ang kaso ni Marilou Ranario, isang domestic helper sa Kuwait na hinatulan ng parusang kamatayan noong 2006 dahil sa umano’y pagpatay sa kanyang amo. Naglunsad ang Migrante ng mga pangangalap ng pirma, porum, dayalogo, at kilos-protesta para kay Ranario, hanggang sa maibaba sa life imprisonment ang hatol sa kanya noong Disyembre 2007.

Naging aktibo rin ang Simbahang Katolika noon sa Save Marilou Ranario Movement, gaya ng Diocese of Novaliches. Sa St. Peter’s Cathedral sa Quezon City naman isinagawa noon ang isang inter-agency dialogue na dinaluhan ni DFA Usec. Esteban Conejos.

“Hindi kagaya ng gobyerno na kinakaladkad ang paa nito, buo ang aming loob para ipaglaban ang buhay ni Pawa. Hindi namin siya hahayaan na maging ika-7 OFW na biktima ng parusang kamatayan sa ilalim ng gobyernong Arroyo. Hindi namin hahayaang mangyari ang isa na namang Flor Contemplacion,” sabi ni Martinez.

Sa Marso 17, gugunitain ng grupo ang ika-15 anibersaryo ng pagkamatay ni Contemplacion sa pamamagitan ng isang kilos-protesta laban sa programang labor export ng gobyernong Arroyo.

Short URL: http://pinoyweekly.org/new/?p=6282

Posted by on Feb 21 2010. Filed under OFW. You can follow any responses to this entry through the RSS 2.0. You can leave a response or trackback to this entry

Leave a Reply

Multimedia

Log in | Designed by Gabfire themes