Ang paborito kong tula


Ano ang paboritong tula nino? Silipin ang paboritong tula ng ilang personalidad.

Marami ang nangangambang unti-unti nang lumiliit ang bilang ng tumatangkilik sa panitikan, laluna sa tula. Ito marahil ang dahilan kung bakit hinirang ng United Nations ang Marso 21 bilang World Poetry Day, isang pistang naglalayong palaganapin ang tula bilang malikhaing ekspresyon ng damdamin, ideya at imahinasyon ng sangkatauhan.

Kaalinsabay ng pandaigdigang araw ng tula, tinanong ng Pinoy Weekly ang ilang personahe — musikero, makata, pulitiko, lider-masa — kung anong tula ang paborito nila, at kung sinong makata ang pinakagusto nila. Ito ang ilan sa mga sagot nila.

* * *

Liza Maza

Liza Maza, Kinatawan ng Gabriela Party-list, tumatakbong senador

Ang paborito kong makata ay si Joi Barrios. Ang paborito kong tula ay Ang Pagiging Babae ay Pamumuhay sa Panahon ng Digma. Isang akmang tula para sa pakikibaka ng kababaihan.

Ang pagiging babae ay pamumuhay sa panahon ng digma

Kapiling ko sa paglaki ang pangamba,
hindi ko tiyak ang bukas
na laging nakakawing
sa mga lalaki ng aking buhay:
ama, kapatid,
asawa, anak.
Kinatakutan ko ang pag-iisa.

Sa pagiging ina,
kaharap ko’y tagsalat.
Pagkat ang lupit ng digmaan
ay hindi lamang
sa paggulong ng mga ulo
sa pagguhit ng espada,
kundi sa unti-unting pagkaubos
ng pagkain sa hapag.
Ay, paano sabay na magpapasuso sa bunso
habang naghahanap ng maisusubo
sa panganay?

Walang sandaling
walang panganib.
Sa sariling tahanan,
ang pagsagot at pagsuway
ay pag-akit sa pananakit.
Sa lansangan,
ang paglalakad sa gabi’y
pag-aanyaya sa kapahamakan.

Sa aking lipunan,
ang pagtutol sa kaapiha’y
paglalantad sa higit na karahasan.

Kay tagal kong pinag-aralan
ang puno’t dulo
ng digmaan.
Sa huli’y naunawaan,
na ang pagiging babae
ay walang katapusang pakikibaka
para mabuhay at maging malaya.