Pinoy Weekly

DFA hinamon: Labanan ang deportasyon ng nagwelgang Pinoy sa Ireland

Hinamon ni Satur Ocampo, kinatawan ng Bayan Muna at kandidato sa pagkasenador, ang Department of Foreign Affairs (DFA) na makialam sa kaso ni John Recto, isang migranteng Pilipino sa Ireland na nanganganib mapauwi ng bansa dahil sa pagwewelga sa kanyang pinagtatrabahuang pabrika.

Ayon sa website ng Irish political party Republican Sinn Fein, sumali si Recto at kanyang mga kasamahan sa isang hunger strike noong nakaraang linggo laban sa Green Isle Food Factory sa County Kildare, Ireland, para makuha ang kanilang kompensasyon matapos sibakin sa trabaho.

Naayos ng lokal na unyon ang nasabing gusot sa pabrika. Pero nang sinubukan ni Recto na i-renew ang kanyang working visa, kinumpiska ito ng pulisya, gayundin ang immigration cards niya at ng kanyang asawa.

Nahaharap sa deportasyon ang pamilya Recto, na walong taon nang nagtatrabaho at naninirahan sa Ireland.

Ayon kay Ocampo, “Dapat depensahan ng DFA ang pamilya Recto at gamitin ang diplomatikong kapangyarihan nito para pigilan ang kanilang deportasyon. Nakapirma ang gobyerno ng Pilipinas sa International Convention on the Rights of Migrants and their Families, na nagpoprotekta sa karapatan ng mga migrante laban sa ganoong klase ng mga aksiyon.”

Dagdag pa ng progresibong mambabatas, walang ginawang labag sa batas ng Ireland si Recto. Umano’y dinedepensahan lamang niya ang kanyang karapatang lumahok sa kolektibong aksiyon bilang isang manggagawa.

“Dapat hindi maging pabaya ang gobyernong Arroyo sa tungkulin nitong ipagtanggol ang ating mga kababayan kapag nilalabag ang kanilang mga karapatan sa ibang bansa,” aniya.

Hinikayat ni Ocampo ang DFA na makipagtulungan sa mga grupong migrante at lokal na mga unyon sa Ireland na nag-aasikaso sa kaso ni Recto.

Short URL: http://pinoyweekly.org/new/?p=6629

Posted by on Mar 15 2010. Filed under OFW. You can follow any responses to this entry through the RSS 2.0. You can leave a response or trackback to this entry

Leave a Reply

Multimedia

Log in | Designed by Gabfire themes