Permanent residency ni Sison, iginiit ng Pinoy sa Hong Kong

Rey Asis ng HK Defend: Dapat nang ibalik ang mga karapatan ni Jose Ma. Sison. (Contributed Photo)
Iginiit ng mga Pilipino sa Hong Kong na dapat nang ipagkaloob ng gobyernong Dutch ang permanent residency at iba pang karapatan kay Prop. Jose Maria Sison, kilalang political refugee, sa isang piket sa harap ng Dutch Consulate ngayong araw.
Isinumite ng Hong Kong Committee to Defend the Rights of Prof. Jose Maria Sison (HK Defend) sa konsulado ang isang petisyon na sumusuporta sa laban ni Sison para maibalik ang kanyang demokratikong mga karapatan, matapos alisin si Sison ng European Union (EU) mula sa listahan nito ng mga “terorista.”
Pirmado ang nasabing petisyon ng 483 indibidwal, karamiha’y mga Overseas Filipino Worker. Dumalo rin sa piket si Leung Kwok-Hung, isang dating mambabatas sa Hong Kong.
“There is no more legal cause for the Dutch government to deny Professor Sison permanent residency. Any move to deny him this right is obviously political in nature already and puts into question the Netherland government’s commitment to human rights,” sabi ni Rey Asis, tagapagtipon ng HK Defend.
Ang 71-anyos na si Sison ay kasalukuyang tagapangulo ng International League of People’s Struggle at punong pampulitikang tagapayo ng National Democratic Front of the Philippines. May 23 taon nang naninirahan si Sison sa Utrecht, The Netherlands.
Kabilang ang karapatan na magtrabaho at makapagbiyahe sa ibang bansa sa mga karapatang itinanggal kay Sison nang isama siya ng EU sa listahan ng mga “terorista,” kasama ng New People’s Army at Communist Party of the Philippines. Umano’y itinulak ng gobyernong Dutch, US, at Pilipinas ang paglagay kay Sison sa listahan.
Noong nakaraang taon, nagdesisyon ang European Court of Justice na walang batayan ang pagsama kay Sison sa listahan.
“It is contemptible for the unholy trinity of the Dutch, RP and US governments to continue with their scheme of making Sison’s life as hard as possible. He must be granted permanent residency now and his comprehensive rights must be respected,” sabi ni Asis.
Short URL: http://pinoyweekly.org/new/?p=6767













