Gibo, tinuligsa sa pag-endorso sa regional wage boards

P125 dagdag-na-sahod ang giit ng KMU, sa isang protesta sa Department of Labor and Employment noong Marso 4. (Contributed Photo)
Tinuligsa ng militanteng sentrong unyong Kilusang Mayo Uno (KMU) ang pag-endorso ni Gilbert “Gibo” Teodoro, kandidato ng Lakas-Kampi sa pagkapangulo, sa regional wage boards para idaan ang mga petisyon para sa dagdag-na-sahod.
“Sa mahigit dalawang dekada ng pag-iral ng regional wage boards, P26 pa lamang ang pinakamataas na dagdag-na-sahod na inaprubahan nito. Tinatrato nila ang mga manggagawa bilang mga manlilimos,” sabi ni Elmer “Bong” Labog, tagapangulo ng KMU.
Ayon pa sa KMU, ipinapakita lamang nito na walang pinagkaiba si Teodoro kay Pangulong Arroyo, na hindi pinakinggan ang hiling ng mga manggagawa para sa P125 across-the-board na dagdag-na-sahod.
Nauna rito, binatikos ng sentrong unyon ang umano’y “media blitz” ng Trade Union Congress of the Philippines (TUCP) at Department of Labor and Employment (DOLE) tungkol sa petisyon ng una para sa P75 dagdag-na-sahod sa National Capital Region.
Nagsampa ng petisyon ang TUCP noong Marso 1 sa Metro Manila Wage Board para sa P75 dagdag-sahod. Bagaman iginigiit ng DOLE na ang cost of living allowances at non-wage benefits ng mga manggagawa ang pwedeng dagdagan, nangako na itong pag-aaralan ang panukala ng TUCP.
“Gasgas nang palabas iyan. Magsasampa ang TUCP ng petisyon sa mga regional wage boards. Pagkatapos, tataasan ng DOLE ang cost of living allowances o non-wage benefits ng mga manggagawa, o hindi ito kikibot. Alinman sa dalawa, ang mga manggagawang Pilipino ang talo,” sabi ni Labog.
“Ngayong taon, may espesyal silang adyenda. Desperadong naghahabol ang gobyernong Arroyo na pabanguhin ang mabahong pangalan nito. Tumatakbo namang muli ang TUCP sa halalang party-list, matapos matalo nang ilang ulit,” dagdag ni Labog.
Ayon pa sa KMU, napakalimitado ng panawagan ng TUCP para sa P75 dagdag-na-sahod sa Metro Manila at sa Davao City. “Hindi lang sa Metro Manila at Davao tumataas ang mga presyo. Ang totoo, sumisirit ang mga presyo sa buong bansa. Bakit dagdag-na-sahod sa dalawang rehiyon lang sa halip na sa buong bansa?” tanong ni Labog.
Noong Marso 4, nagmartsa patungo sa opisina ng DOLE sa Intramuros, Maynila, ang mga manggagawa ng KMU para igiit ang umano’y tunay at makabuluhang dagdag-na-sahod.
Short URL: http://pinoyweekly.org/new/?p=6484













