Mga magbubukid ng Hacienda Luisita: Hindi bibitiwan ang laban


Eleksiyon man o hindi, determinado ang mga magsasaka ng Hacienda Luisita na panagutin ang pamilyang Cojuangco-Aquino sa malagim na masaker sa asyenda noong Nobyembre 2004. Determinado silang igiit ang karapatan nila sa lupa.

Piket ng mga magsasaka ng Hacienda Luisita sa tanggapan ng Department of Agrarian Reform para igiit ang pamamahagi sa kanila ng lupain ng asyenda. (Rob Jara/May May)
Piket ng mga magsasaka ng Hacienda Luisita sa tanggapan ng Department of Agrarian Reform para igiit ang pamamahagi sa kanila ng lupain ng asyenda. (Rob Jara/May May)

Hindi lamang ang panahon ang mainit nitong mga nakalipas na araw. Nitong nakalipas na mga araw, sinuong ng mga magsasaka ng Hacienda Luisita ang init ng araw at nagbabagang kalsada para patuloy na isigaw ang kanilang panawagan – lupa at katarungan.

Mula sa Hacienda Luisita sa Tarlac, tinahak ng daan-daang mga magsasaka ang kahabaan ng MacArthur Highway mula noong Abril 19. Dumating sila sa tanggapan ng Department of Agrarian Reform (DAR) noong Abril 21 at nagsagawa ng vigil kasama ng mga magsasaka mula sa iba pang bahagi ng Luzon para bantayan ang dayalogo sa pagitan ng mga magsasaka at ng naturang ahensiya sa napakaraming usaping kinakaharap ng mga magsasaka, lalo na ang problema sa pangangamkam sa kanilang lupang sinasaka.

Lupa at hustisya pa rin

Sa kaso ng mga taga-Hacienda Luisita, bitbit nila ang deka-dekada nang pagkabimbin ng pamamahagi ng tubuhang pag-aari ng mga Cojuangco-Aquino sa mga tunay na nagbubungkal ng mahigit 6,000 ektaryang lupain. Panawagan rin nilang mabigyan ng hustisya ang pagkamatay ng pito sa kanilang kasamahan sa tinaguriang masaker sa Hacienda Luisita na naganap noong Nobyembre 2004.

Ayon kay Lito Bais, tagapangulo ng United Luisita Workers Union, halos anim na taon ang nakalipas pero wala pa ring hustisyang nakakamit ang mga biktima. Gayundin para sa ilan pang pinatay matapos ang masaker, kabilang na si Fr. William Tadena na aktibong sumuporta sa laban ng mga magsasaka.

“Sa katunayan, patuloy ang pagdating ng mga militar sa paligid ng asyenda. Kamakailan lamang, may bagong detatsment na naman na itinayo ang mga militar. At sa tingin namin pananakot ito sa mga magsasaka na lumalaban para sa kanilang karapatan,” kuwento ni Bais.

Dagdag niya pa, hindi pa sila nakakalayo sa asyenda para tumulak patungong Maynila noong Abril 19, may tumawag na sa kanilang mga naiwang kasamahan na isang kubo umano ang sinunog. “Wala na kaming ibang paghihinalaan. Patunay lamang ito na kapag humakbang kami para sa aming karapatan, hahakbang din sila para kami pigilan,” ani Bais.

Huwag bibitiw
Kasama rin sa lakbayan ng mga taga-asyenda si Federico Laza, 70-taong gulang at ama ni Jesus Laza, isa sa mga biktima ng masaker. Tandang-tanda pa ni Laza ang mga huling kataga na sinabi ng kanyang anak bago ito mamatay: “Tay, huwag kayong bibitiw sa paglaban hanggang makamit natin ang tagumpay.”

Si Federico ay opereytor ng patubig sa asyenda bago naganap ang masaker. Aniya, hindi mapagbigyan ng manedsment ang hiling nilang dagdag sahod kaya sila nagwelga, na humantong sa karumal-dumal na masaker. “Kapag tumindig ka para sa iyong karapatan, bala ang itatapat nila sa iyo,” naiiling na wika niya.

Kaya kahit matanda na, hindi nawawalan ng sigla ang matandang Laza kapag may mga pagkilos kagaya nito. Isa siya sa nasa unahan ng martsa habang tinatahak ang kahabaan ng MacArthur Highway sa Valenzuela nang makapanayam siya ng Pinoy Weekly.