Pinoy Weekly

Notoryus na kompanyang Annasban sinuspinde ng POEA

Biktimang OFW ng Annasban Group of Companies (Ilang-Ilang Quijano)

Biktimang OFW ng Annasban Group of Companies (Ilang-Ilang Quijano)

Ikinatuwa ng mga Pilipinong manggagawa ng Annasban Group of Companies sa Saudi Arabia ang desisyon ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA) noong Abril 12 na pansamantalang isuspinde ang lahat ng aplikasyon para sa kompanya, dahil sa mga reklamo ng iba’t ibang paglabag sa paggawa.

Nalaman ng mga biktima ng Annasban ang balita nang dumalo sila sa unang pagdinig ngayong linggo ng kasong inihain laban sa kompanya at kanilang mga partner na recruitment agencies, ayon sa Migrante International.

“Kami ay lubos na natutuwa sa magandang balita na ito. Inspirasyon ito para ituloy-tuloy namin ang aming laban para tuluyan ng matigil ang paghihirap ng mga manggagawa ng Annasban at maparusahan ang kasabwat nitong recruitment agencies. Tuloy ang laban para sa katarungan sa aming mga manggagawa,” sabi ni Helen Manlavi, isa sa mga dating nagtrabaho bilang caregiver sa kompanya.

Noong Oktubre 2009, nagsimulang magsagawa ng hunger strike ang mga caregiver ng Annasban para iprotesta ang iba’t ibang paglabag sa kontrata sa paggawa, gaya ng delayed at hindi tamang pasuweldo. Biktima rin ang marami ng contract substitution, isang porma ng illegal recruitment. Inabot ng ilang buwan bago sila makauwi ng bansa.

Noong Marso ngayong taon, nagsagawa sila ng tatlong araw na camp-out sa labas ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) dahil sa kabiguan ng ahensiya na ibigay ang kanilang mga benepisyo at i-refund ang ginastos ng mga manggagawa na pamasahe pauwi mula sa sariling mga bansa.

Sa kasalukuyan, may 24 pang mangggagawa ng Annasban na hindi pa nakakauwi ng bansa.

“Ngayong may ganito ng desisyon, hinihiling at hinahamon namin ang POEA at ang iba pang ahensiya ng gobyerno na gawin ang lahat ng kanilang makakaya para mapauwi na ang aking anak at mga kasamahan nito. Hindi biro ang hirap na dinadanas nila doon. Dapat lang parusahan ang lahat ng may kagagagawan sa pagpapahirap sa anak ko at iba pang mga OFW,” sabi ni Carolina Ventura, ina ng isang manggagawa ng Annasban na ikinukulong ng kompanya sa isang jobsite sa Abha, Saudi Arabia.

Hinamon naman ni Garry Martinez, tagapangulo ng Migrante, si Administrator Jennifer Manalili na iutos ang permanenteng ban sa Annasban sa lalong madaling panahon.

Sinusupinde ng POEA ang kompanya noong 2005 pero tinanggal ang suspensiyon noong 2008, sa kabila ng dagsa pa rin ang reklamo ng mga Overseas Filipino Worker laban dito.

Short URL: http://pinoyweekly.org/new/?p=7055

Posted by on Apr 17 2010. Filed under OFW. You can follow any responses to this entry through the RSS 2.0. You can leave a response or trackback to this entry

1 Comment for “Notoryus na kompanyang Annasban sinuspinde ng POEA”

  1. william

    Hindi ako aprubado na kung tutoong nasuspindi na ang ahensyang ito, kasi tuloy pa rin ang pagrecruit nila sa mga probinsya.

Leave a Reply

Multimedia

Log in | Designed by Gabfire themes