Pilipinas, pinakamaraming sakuna noong 2009

April 16, 2010

Nangunguna ang Pilipinas sa listahan ng mga bansa na pinakamadalas na tinamaan ng natural sakuna noong 2009, ayon sa Citizens’ Disaster Response Center (CDRC).

Tinamaan ang Pilipinas ng 26 na natural disaster noong nakaraang taon, batay sa mga rekord ng Centre for Research on the Epidemiology of Disasters (CRED), ayon kay Lourdes Louella Escandor, executive director ng CDRC.

Partner ng CDRC ang CRED na nakabase sa Brussels, Belgium at nagmamantine ng Emergency Events Database: The International Disaster Database.

Idinagdag ni Escandor na aabot sa 91 ang bilang ng kabuuang sakuna sa bansa noong nakaraang taon kung isasama ang mga man-made na sakuna gaya ng sapiliting paglikas na dulot ng armed conflict o armadong tunggalian.

Pumangalawa rin ang Pilipinas sa Top 10 na mga bansang pinakamaraming apektado ng sakuna, na umabot sa 13.6 milyong katao noong 2009. Nanguna ang Tsina na may 68.7 milyong katao na apektado.

Sinabi ni Escandor na hindi kataka-taka ang ranking ng Pilipinas dahil naganap noong nakaraang taon ang bagyong Pepeng at Ondoy, dalawa sa pinakamatinding sakuna sa kasaysayan ng bansa.

“Ang hamon ngayon ay kung papaano bababa sa listahan ng mga bansang pinakaapektado ng natural na sakuna,” aniya. “Maaaring hindi natin maiwasan ang dami ng mga sakunang tatama sa Pilipinas, pero maaari nating bawasan ang epekto nito.”

Idiniin ng grupo na mahalaga ang pagiging handa sa sakuna (disaster preparedness), at kooperasyon ng buong komunidad sa pagbawas ng epekto ng sakuna.

Ang CDRC ay isang non-government organization na nagsusulong ng community-based disaster management sa Pilipinas.