Istorya ng Linggo

Ano’ng maaasahan sa unang 100 araw ng administrasyong Aquino?


Tinanong ng Pinoy Weekly Online ang 13 personahe, mula sa progresibong mga lider hanggang sa mga mamamahayag at akademiko, at mga artista’t musikero, kung ano ang inaasahan nila sa unang 100 araw ng panunungkulan sa pagka-presidente ni Benigno “Noynoy” Aquino III.

Senador (at nangungunang kandidato sa pagka-presidente) Benigno Noynoy Aquino III. (KR Guda/PW File Photo)
Benigno "Noynoy" Aquino III. (KR Guda/PW File Photo)

Parang bagong kasal na naglalaan ng panahon para sa pagdiriwang ng kanilang pag-iisang dibdib, itinuturing na panahon daw ng honeymoon ang unang 100 araw ng bagong pangulo.

Ngunit ang bagong administrasyong Benigno Aquino III, tila wala nang panahon para magdiwang. Sa unang araw pa lamang ng kanyang pag-upo sa poder sa Hunyo 30, agad na mahaharap si Aquino sa marami at malalalim na mga sulirananin. Nangangailangan ang mga ito ng agarang tugon sa loob ng 100 araw.

Tinanong ng Pinoy Weekly ang 13 personahe – mula sa hanay ng progresibong mga lider, mamamahayag, hanggang sa mga musikero’t artista – kung ano ang inaasahan nilang mangyayari sa unang 100 araw ng administrasyong Aquino.

Iba-iba ang mga sagot. May ilang naniniwalang may pagbabagong magaganap. Mayroon ding gusto lamang makitang matupad ang mga ipinangako ni Aquino sa kampanya, tulad ng pagpapanagot kay Gloria Macapagal-Arroyo. May ilang hindi lang umaasa, kundi nananawagan at nanggigiit sa dapat na mga tugunan ng bagong pangulo. Mayroon namang sinikal na sumagot – pabiro o pabalang, na tila wala nang maasahang makakamit ang gobyerno.

Narito ang mga sagot nila.

* * *

Einstein Recedes ng NUSP
Einstein Recedes ng NUSP

Einsten Recedes
Pambansang pangulo, National Union of Students of the Philippines (NUSP)

Hinahamon namin siya na magkaroon ng education reforms. Ang sabi kasi niya sa platform niya, bibigyan niya ng mas mataas na badyet ang edukasyon, na itataas ito sa 6% ng Gross Domestic Product gaya ng matagal na naming ipinapanawagan. Inaantabayanan namin ‘yon. Hamon din namin sa kanya, ngayon pa lamang ay gumawa ng hakbang sa pagpigil ng tuition fee increase na nagdudulot ng paparaming out of school youths at dropouts. Isa ring kagyat na puwedeng gawin, kasi sa PUP (Polytechnic University of the Philippines), 17,000 estudyante ang in-admit nila, pero P10,000 lang ang kaya ng badyet nila. Puwede siyang maglabas ng emergency fund para ma-accommodate yung dagdag na 7,000 estudyante sa PUP.

Nonoy Espina ng NUJP
Nonoy Espina ng NUJP (Ilang-Ilang Quijano)

Nonoy Espina
Pangalawang tagapangulo, National Union of Journalists of the Philippines (NUJP)

Sa unang 100 araw ni Noynoy Aquino, inaasahan ng NUJP na bibigyan niya ng agarang pansin ang pagpapabilis na paglitis at pagparusa sa mga nasasakdal sa Ampatuan massacre at magbitiw ng isang matibay na kautusan na tigilan ang lahat ng karahasan laban sa at pamamaslang di lamang ng mga kasapi ng media kundi ng iba’t ibang sektor ng lipunan. Inaasahan din ng NUJP na maglabas siya nga kautusan sa lahat ng nauukol na ahensiya na imbestigahan na ang lahat ng mga kaso ng media killings at iba pang paglabag ng karapatang pantao at siguruhin na ang lahat na maysala, lalo na ang mga mastermind, ay mahuli, malitis at maparusahan.

Isa nang tradisyon ang sinasabing 100-day honeymoon para sa mga bagong halal na pangulo. Maaaring nararapat ito sa larangan ng politika at ekonomiya. Subalit sa usapin ng katarungan, hindi puwedeng mag-honeymoon sapagkat ang nakasalalay dito ay buhay.

Dapat na alalahanin ni Noynoy Aquino na ang pagsisiguro ng katarungan para sa lahat, at ang pag-aalaga sa buhay at kapakanan ng sambayanan, ay hindi pananagutan ng iisang administrasyon lamang kundi state responsibility. Ito ang prinsipyong nanaig sa usapin kung bakit dapat ang estado, at hindi lamang ang pamilya Marcos, ang may pananagutan sa pagbigay ng compensation sa libu-libong biktima ng diktadura.

Marcus Adoro
Marcus Adoro

Marcus Adoro
musikero, dating gitarista ng Eraserheads

Advice for Pres. NOYNOY AQUINO: Sir, okay ang “Forgiveness” para sa bansa natin. Ang pinakakwela, i-appoint n’yo po LAHAT ng tumakbong at natalong presidentiables ngayong 2010, para TODO NAH Sir!