Pinoy Weekly

Kamag-anak, iginiit ang karapatan sa kaso ng OFW sa death row

caption

Mga anak ng OFW sa death row na si Joselito Zapanta, umapela sa pagsagip ng buhay ng ama. (Contributed Photo)

Iginiit ng mga kamag-anak ni Joselito Zapanta sa Department of Foreign Affairs (DFA) na may karapatan silang makialam sa buhay ng kanilang mahal sa buhay, isang Overseas Filipino Worker na nasa death row sa Riyadh, Saudi Arabia. Umano’y “hindi mapagkakatiwaalan” ang gobyerno sa paghawak ng nasabing kaso.

Kamakailan, umapela si DFA Undersecretary for Migrant Workers Affairs Esteban B. Conejos Jr. na huwag isapubliko ang itinatakbo ng kaso ni Zapanta. Hinatulan ang OFW ng kamatayan ng Court of First Instance noong Abril matapos patayin ang kanyang landlord na Sudanese. Iginigiit ni Zapanta na pinatay niya ang dayuhan sa akto ng pagdedepensa-sa-sarili o self-defense sa gitna ng isang away hinggil sa renta.

Sinabi ni Conejos na nasa “sensitibong” yugto ang pakikipagnegosasyon ng gobyerno sa pamilya ng biktima. Hiniling niya sa midya, mga grupong migrante, at pamilya ni Zapanta na tumahimik na lamang para hindi umano lalong malagay sa peligro ang buhay ng OFW.

Pero sa isang press conference noong Mayo 28, sinabi ng mga kamag-anak ni Zapanta na sawa na sila sa hindi pagbibigay ng impormasyon ng DFA hinggil sa kaso.

“Hindi na kami papayag na lagi na lang paghintayin at paasahin sa mga balita na madalang pa sa patak ng ulan kung dumating. Gusto naming maging aktibong kalahok, gusto naming matiyak na magagawa ang lahat para mailigtas ang buhay ng aking anak,” sabi ni Jesus Zapanta, ama ni Joselito.

Mula sa Mexico, Pampanga, tumungo sa opisina ng Migrante International sa Quezon City ang mga magulang at mga anak ni Joselito para iparating ang kanilang apela.

Paglalahad pa ni Jesus, umabot ng tatlong linggo bago ipinaabot ng DFA na inakyat na ang apela sa kaso ni Joselito. Simula Hulyo 2009 nang maaresto si Joselito, humihingi na rin umano ang pamilya ng impormasyon mula sa DFA, pero wala silang natatanggap hanggang sa nabalitaan na lamang ang hatol.

Inireklamo ni Joselito sa kanyang pamilya na walang ibinigay na abogado ang gobyerno, kundi interpreter lamang habang nililitis ang kanyang kaso.

Samantala, iginiit ng Migrante International na dapat ipaalam ng DFA sa grupo at sa pamilya ni Zapanta ang mga detalye ng plano ng gobyerno, at bigyang pansin ang kanilang mga rekomendasyon.

“Dapat makipagdayalogo sila sa amin…Hindi namin gustong ipagkatiwala nang buong-buo ang buhay ng isang kababayan sa gobyernong may rekord ng pinakamaraming OFW na binitay,” ayon kay Garry Martinez, tagapangulo ng Migrante.

May anim na OFW ang binitay sa ilalim ng gobyernong Arroyo, habang 28 pa ang nahaharap sa parusang kamatayan sa Gitnang Silangan pa lamang, ayon sa talaan ng grupo.

Short URL: http://pinoyweekly.org/new/?p=7624

Posted by on May 30 2010. Filed under OFW. You can follow any responses to this entry through the RSS 2.0. You can leave a response or trackback to this entry

Leave a Reply

Multimedia

Log in | Designed by Gabfire themes