Sugod mga Kapatid

Ano Sila, Siniswerte?


Ano kayo, siniswerte? Ito ang sagot ng presidente ng Unibersidad ng Pilipinas na si Emerlinda Roman sa mungkahi na huwag muna itaas ang mga singil sa mga laboratoryo sa nasabing pamantasan. Kanino niya ito sinabi? Hindi lang sa kung sino, kundi sa Rehente ng mga Estudyante: ang tanging representante ng mga mahigit 20 libong estudyante ng UP sa pinakamataas na kapulungan ng pamantasan.

Ano kayo, siniswerte?

Ito ang sagot ng presidente ng Unibersidad ng Pilipinas na si Emerlinda Roman sa mungkahi na huwag muna itaas ang mga singil sa mga laboratoryo sa nasabing pamantasan. Kanino niya ito sinabi? Hindi lang sa kung sino, kundi sa Rehente ng mga Estudyante: ang tanging representante ng mga mahigit 20 libong estudyante ng UP sa pinakamataas na kapulungan ng pamantasan.

Ano kayo, siniswerte?

Ito marahil ang iniisip naman ng president ng Polyteknikong Unibersidad ng Pilipinas na si Dante Guevarra pagkatapos niyang buhayin ang mga kaso laban sa ilang lider-estudyante na namuno sa mga protesta kontra-tuition increase noong nagdaang Marso. Dapat ay ilalabas na ang warrant of arrest para sa tatlo, kasama ang presidente ng sentral na konseho ng mag-aaral ng PUP, pero napaatras pansamantala ang pag-labas nito.

Ano kayo, siniswerte?

Sigurado akong ito ang sinasabi ng mga ahente ng Armed Forces of the Philippines pagkatapos nilang maglabas noong Biyernes ng panibagong paninira sa progresibong alyansa ng mga estudyante sa UPLB. Malamang ay wala itong malaking pinag-iba sa mga nakaraang paninira: pinapalabas na katumbas ng pagtutol sa sira-ulong administrasyon ng pamantasan ang pagiging komunista. Marahil ay katatapos lang ng isang walkout sa nasabing pamantasan laban sa polisiya ng pagsiksik sa daan-daang mga estudyante  sa mga klase.

#

Sa puntong ito, gusto kong makaharap yung mga ‘anti-barbarians’. ‘Yung mga nagmamarunong na kinondena ‘yung pagsunog ng mga upuan sa PUP, pagpukol na pintura sa tsanselor ng UPLB, at pagsugod sa punong himpilan ng Commission on Higher Education. Gusto ko silang tanungin ano ang dapat gawin, ayon sa kanilang dogma ng ‘civilized activism’. Pero higit dun, gusto ko silang tanungin, bakit hindi ko kayo marinig ngayon?

#

Ang katotohanan, hindi mo mapagsasama ang interes ng mga estudyante at ang kagustuhan ng administrasyon ng isang pamantasan, mapa-publiko o pribado man yan. Habol ng administrasyon ng pangalawa ang kumita. Habol ng administrasyon ng una, at least sa Pilipinas, ang gayahin ang pangalawa. ‘Epal’ o ‘panira sa trip’ ang mga lider-estudyante at aktibista na tinuturuan ang mga kapwa mag-aaral na lumaban.

Bakit nga ba tayo dapat mangimi na makipag-tapatan ng pwersa sa administrasyon? Sa totoo lang, matagal na silang represibo. Sa mga tila maliit na bagay tulad ng student handbook na hindi ikinunsulta sa atin, o kaya mga waiver na pinapapirma sa atin na nagsasabing hindi tayo sasama sa protesta, makikita na ang di-pantay na relasyon sa pagitan ng estudyante at ng administrasyon. Laging nakakasa at nakaamba ang represyon. Pero minsan lang natin siya maramdaman kasi minsan lang naman kinakailangan iwasiwas ng administrasyon ang kanilang mga baril at batuta.

Yung pagiging tahimik at magalang sa administrasyon ay walang silbi. Simula pa lang, ito na ang inaasahan nila sa atin. Kaya nga hindi sila parating nandadahas, kasi nakikita nila ang gusto nilang makita mula sa atin: yung tahimik at palasunod.

Sa kabilang banda, ika nga ni Marx, ‘we have nothing to lose… we have the world to win’. Bakit nga ba tayo natatakot? Tandaan, posibleng ang isang astang-maton na tsanselor ng UPLB ay umatras, ang isang diktador na pangulo ng PUP ay sumuko, at ang isang kontra-estudyante pinuno ng CHED ay mangako. Palagay ko, panahon na tayo naman ang magsabi: Ano sila, siniswerte?