Istorya ng Linggo

Kailan pa mapaparusahan ang may malubhang sala sa bayan?


Malabong may “milagrong” malilikha ang Truth Commission na itinatag ni Pang. Aquino para imbestigahan ang mga katiwalian ni dating pangulong Arroyo. Kailangang magmatyag ang taumbayan, at gamitin ang lahat ng paraan at larangan para mapasailalim na sa hustisya ang isang pangulong tiranikal at korap na namuno sa ating bansa.

Dating pangulong Arroyo, kasabay sa paglalakad si Pang. Aquino, noong inagurasyon ng huli sa Quirino Grandstand, Hunyo 30. (Boy Bagwis)
Dating pangulong Arroyo, kasabay sa paglalakad si Pang. Aquino, noong inagurasyon ng huli sa Quirino Grandstand, Hunyo 30. (Boy Bagwis)

“Milagro” ang kailangang maganap bago maparusahan si dating pangulong Gloria Macapagal-Arroyo.

Ito ang pagtingin ni Sen. Miriam Defensor-Santiago, dating regional trial court judge at minsan nang naging alyado ni Arroyo, sa isang panayam sa telebisyon kamakailan. Pinatutungkulan ni Santiago ang itinatag ni Pang. Benigno Aquino III na Truth Commission, na itinalagang mag-imbestiga sa mga anomalyang kinasangkutan ng dating pangulo at magrekomenda ng mga kasong dapat isampa laban kay Arroyo.

Hindi malinaw kung ano ang iimbestigahan ng Truth Commission. Basta ang sabi ni Edwin Lacierda, tagapagsalita ni Aquino, “Ngayong may bagong gobyerno na tayo, pinapangako ng administrasyong ito na usigin at bigyang wakas ang lahat ng nakaraang mga kontrobersiya.” At pangunahing paraan doon ang pagtatag ng Truth Commission.

Mahigit dalawang linggo na na nasa poder si Aquino, at naaalarma na ang mga grupo ng mga mamamayan na naghahangad ng pagbabago. Hanggang ngayon, anila, wala pang kongkretong hakbang ang administrasyon para habulin si Arroyo, maliban sa pagbubuo ng isang masaklaw, pero malabong, Truth Commission.

“Habang pinapayagan ni P-Noy sina Ginang at Ginoong Arroyo na mamayagpag at habang di nagpapakita ng pagsisisi ang dating First Couple sa mga salang ginawa sa bansa, mukhang tinatahak ng bagong gobyerno ang dinaanan ng dati nang mga administrasyon (laluna) kaugnay ng dumaraming bilang ng ekstrahudisyal na pamamaslang (extra-judicial killings),” sabi ni Mark Louie Aquino, tagapagsalita ng bagong-tatag na militanteng grupong kontra-Arroyo na Imprison Arroyo Movement o IAM.

Dapat na bang mabahala?

Duda sa itinalaga

Inaasahang imbestigahan ang pagkakasangkot ni Arroyo sa mga anomalyang tulad ng pandaraya noong nakaraang mga halalan, mayor na mga kaso ng korupsiyon, pang-aabuso sa posisyon, at malawakan at sistematikong paglabag sa karapatang pantao.

Pero naniniwala si Santiago na walang patutunguhan ang imbestigasyon ng naturang komisyon. Kahit na bilib at naniniwala siya sa pinuno ng Truth Commission na si retiradong Punong Hukom Hilario Davide Jr.

“Natutuwa ako na siya ang napili dahil mataas ang pagtingin ko kay Justice Davide bilang hukom at kapwa abogado, hindi lamang dahil sa mga kuwalipikasyon o kaangkupan niya, kundi sa kakayahan niyang maging obhetibo hinggil sa isang kaso,” dati nang sinabi ni Santiago noong Hunyo 30, matapos ianunsiyo ng papasok pa lamang na pangulo ang kanyang planong komisyon.

Kaiba ito sa pagtingin ng militanteng mga grupo, na agad kumuwestiyon sa pagtatalaga kay Davide. Itinuturing ng marami na alyado ng dating pangulo si Davide, na siyang nagpasumpa kay Arroyo noong 2001 at 2004. Itinalagang Senior Presidential Adviser on Electoral Reforms ni Arroyo si Davide matapos magretiro ang huli bilang punong mahistrado. Matapos nito, naging embahador ng gobyernong Arroyo si Davide sa United Nations, hanggang Abril 2010.

“Itinalaga si Davide bilang hepe ng Truth Commission dahil umano sa kanyang ‘integridad’ at pagiging ‘niyutral.’ Pero bilang personalidad, paano ka magkakaroon ng ‘integridad’ kung hindi mo tinuligsa kahit kailan si Arroyo sa dami ng kasalanan niya? Paano ka masasabing ‘niyutral’ kung itinalaga ka ni Arroyo sa isang espesyal na posisyon?” tanong ni Lito Ustarez, executive vice-chairman ng Kilusang Mayo Uno o KMU, sentro ng militanteng pag-uunyon sa bansa.

Kailangang masagot muna ang mga kuwestiyon sa integridad ni Davide, bago makausad ang komisyon at bigyang tiwala ng mga mamamayan, ayon kay Ustarez.

Para kay Santiago, hindi lang pamunuan ng komisyon ang problema. Hinala ni Santiago na circumstantial evidence lamang ang malilikom ng Truth Commission. Tulad ng nakaraang mga komisyong binuo ng nakaraang mga administrasyon para mag-imbestiga ng mga “malalaking” mga krimen na kinasasangkutan ng matataas na mga opisyal sa gobyerno, mauuwi lamang sa rekomendasyon ang naturang komisyon. Malaki ang tsansang tatagal ang proseso ng imbestigasyon at mawawalan ng interes ang gobyerno para ipagpatuloy ang isang matagal, mabagal at – para kay Santiago, magastos – na imbestigasyon.

Si Chief Justice Davide, pinasusumpa sa pagkapangulo si Arroyo, noong 2004. Pinaghihinalaang malapit sa mga Arroyo si Davide.
Si Chief Justice Davide, pinasusumpa sa pagkapangulo si Arroyo, noong 2004. Pinaghihinalaang malapit sa mga Arroyo si Davide.

Masyadong masaklaw?

Maliban sa integridad ni Davide, malaking problema ng Truth Commission ang napakalaking sinasaklawan nito, ayon kay Prop. Bobby Tuazon, director for policy studies ng Center for People Empowerment and Governance (CenPeg).

Sa issue analysis na inilabas ng CenPeg, sinabi ni Tuazon na kailangang balikan ang nakaraang mga presidential commission para magkaroon ng ideya sa epektibidad ng mga ito. Nandiyan ang Agrava Commission na nag-imbestiga sa asasinasyon sa opposition figure na si Benigno Aquino Jr. noong 1983. Ang iba pa ay ang Davide Commission, Feliciano Commission (Oakwood mutiny, 2003), ang Melo Commission (2006) na nag-imbestiga sa pampulitikang mga pamamaslang.

“Kahit na itinuro ng Agrava Commission ang ilang militar na salarin sa asasinasyon noong 1983, hindi pa rin natutunton ang mastermind nito hanggang ngayon. Nagresulta lang ang Davide Commission sa ‘kid gloves’ na pakikitungo sa mga nagsagawa ng kudeta. Nakulong at inusig man ang mga lider ng Oakwood mutiny, nananatili pa ring di natutugunan hanggang ngayon ang mga isyung binabanggit ng mga lider ng kudeta tulad ng korupsiyon,” paliwanag ni Tuazon.

Noong presidente si Arroyo malinaw lamang umano na pulitikal na taktika ang Melo Commission para pahupain ang lumalakas na internasyunal na kondenasyon hinggil sa pampulitikang pamamaslang.

Mas mahirap pa ang trabaho ng kasalukuyang Truth Commission, ani Tuazon, dahil samantalang inimbestigahan ng nagdaang mga komisyon ang ispisipikong mga kaso – maging asasinasyon, kudeta o padron ng pampulitikang pamamaslang man ito – malawak at masaklaw ang mandato ng bagong komisyon.

“Kahit na buuin ito bilang isang superbody na may kapangyarihang magpatawag kapwa ng mga pinaghihinalaang maysala, kasabwat, at saksi, malamang na masyadong malawak ang mandato ng komisyong ito na tatagal nang husto o halos imposible ang pagtupad ng misyon nito,” sabi pa ni Tuazon.

Sa teorya, dapat umanong iniimbestigahan ng komisyon ang ilang ispisipikong kaganapan ng magkakaugnay na mga krimen. Maaaring tukuyin nito kung alin sa mga kaso ng korupsiyon, pandaraya sa halalan, pandarambong at pang-aabuso sa karapatang pantao ang iimbestigahan nito. “Kabilang sa ipinangakong layunin (ng komisyon) ay wakasan ang karumaldumal na mga krimen (heinous crime) na ginawa sa isang takdang panahon, dalhin sa hustisya ang mga maysala, at magpatupad ng mayor na pagbabago,” paliwanag pa ni Tuazon.

Kahit mapasimulan ang pag-uusig kay Arroyo at iba pang opisyal sa kasong korupsiyon ay napakalaking hakbang na para matupad ang pangako ni Aquino noong nakaraang kampanya para mawakasan ang korupsiyon.

Iba pang hakbang

Samantala, pinupuruhan ng bagong administrasyon si Ombudsman Merceditas Guttierez, apointee ni dating pangulong Arroyo at pinaghihinalaang malapit sa dating First Couple.

“Kinikilala namin ang Ombudsman bilang isang institusyon, pero hindi ang kasalukuyang nakaupo rito, na halata ang pagkalapit sa dating Unang Ginoo Jose Miguel Arroyo at dating pangulong Arroyo sa nagdaang mga desisyon nito sa mga kaso,” sabi ni Lacierda, sa isang press briefing sa Malakanyang.

Sinabi ni Lacierda na pinag-aaralan ni Aquino ang tatlong opisyon hinggil sa pagtanggal kay Guttierez. Una, hintayin ang maagang pagretiro ni Guttierez. Pangalawa, ang pagpuwersa sa kanyang magbitiw. Pangatlo ang pagsampa ng kasong impeachment laban sa umuupong Ombudsman.

Para sa administrasyong Aquino, krusyal ang “pagbawi” ng tanggapan ng Ombudsman bilang susing ahensiyang mag-iimbestiga sa mga krimen ng mga opisyal ng pamahalaan at magsasampa ng kaso laban sa kanila. Ngunit magugunitang nagawang usigin din ng Ombudsman sa Sandiganbayan si dating pangulong Joseph Estrada. Sa huli, pulitikal na mga konsiderasyon pa rin ang nanaig sa pagbigay ng amnestiya kay Estrada.

At, kung susundan ang pagtalaga kay Davide, hindi masisigurong malinis ang integridad sa mata ng mga mamamayan ang itatalaga ni Aquino na kapalit ni Guttierez.

Samantala, isa pang larangang maaaring pagtuunan ng presyur ay ang Department of Justice, na pinamumunuan ngayon ni Leila de Lima. Noong pinuno ng Commission on Human Rights, ipinakita ni De Lima ang kakayahang tumaliwas sa “opisyal” na posisyon ng administrasyon para singilin, sa kanyang munting paraan, ang mga opisyal ng militar na sangkot sa paglabag sa karapatang pantao. Ngayon, bilang DOJ Secretary, maaaring pangunahan ni De Lima ang pag-iimbestiga sa mga kaso laban kay Arroyo. Laluna kung patuloy na magmamatigas si Guttierez, at mananatiling malabo ang mandato ng Truth Commission.

Pinangunahan ni Bayan Muna Rep. Teodoro Casino noong Hulyo 1 ang pagsampa ng kaso laban kay Arroyo kaugnay ng eskandalosong $329 Milyong kontrata ng National Broadcasting Corporation at ZTE Corp. ng Tsina. Sabi ni Sen. Aquilino Pimentel Jr., dapat agarang aksiyunan ito ni De Lima.

“Hindi dapat magkamali ang DOJ sa pagwaldas ng oras at oportunidad na imbestigahan at resolbahin ang mga kasong ito dahil ang hustisyang napapatagal ay hustisyang ipinagkakait. Masamang polisiya ang pagbibigay daan ng isang opisinang may buong kapangyarihan na magbigay ng hustisya sa isang fact-finding Commission na itatatag pa lamang,” paliwanag ni Pimentel.

Sa suri ni Tuazon, mahirap makamit ng mga mamamayan ang hustisya kung hahayaan na lamang sa Truth Commission ang pagpapanagot sa mga krimen ng nagdaang rehimen. Tuluy-tuloy na pagmamatyag ng mga grupong tulad ng Plunder Watch ang nagtulak sa Ombudsman na ituloy ang pag-uusig kay Estrada.

Sa ganitong paraan din mas lalaki ang tsansang mapaparusahan ang pinakasusuklamang presidente sa kasaysayan ng bansa.