Pinoy Weekly

Pamilyang OFW, ‘iskuwater’ sa tabi ng konsulado sa Jeddah

Mahigit 20 OFW, kabilang ang apat na bata, ang mistulang iskuwater sa Jeddah, Saudi Arabia. (Contributed Photo)

Mahigit 20 OFW, kabilang ang apat na bata, ang mistulang iskuwater sa Jeddah, Saudi Arabia. (Contributed Photo)

Naninirahan nang parang mga iskuwater ang mahigit 20 istranded at runaway na mga Overseas Filipino Workers (OFW) sa tabi mismo ng gusali ng Philippine Consulate General sa Jeddah, Saudi Arabia, ayon sa grupong Migrante- Middle East.

“Inutusan ni Pang. Benigno Aquino III ang Department of Foreign Affairs (DFA) at iba pang ahensiya ng gobyerno na tugunan ang problema ng mga OFW, pero tila hindi pa nakakarating ang kanyang mensahe sa mga opisyal ng Pilipinas sa labas ng bansa,” sabi ni John Leonard Monterona, coordinator ng Migrante-ME.

Ayon sa grupo, kabilang ang apat na bata sa mga Pilipinong naninirahan ngayon sa gawa-gawang mga tent sa tabi ng gusali ng PCG sa Um Al Qura Road, Rehab District. Nagtitiis sila sa ilalim ng sikat ng araw at temperatura na umaabot hanggang 40 degrees celsius.

Opisina ng Philippine Consulate General (Contributed Photo)

Opisina ng Philippine Consulate General (Contributed Photo)

“Hindi makataong hinahayaan ang mga OFW na manirahan sa gilid ng kalsada, habang nakaupo ang mga opisyal ng gobyerno sa airconditioned nilang mga opisina,” ani Monterona.

Noong Mayo 14, 2010 pa humingi ng tulong ang grupo sa PCG para ilipat ng tirahan o pauwiin ang mga OFW, ngunit hanggang ngayon ay wala pa ring tugon ang konsulado.

Nangangamba namang mapalayas ang mga OFW ng may-ari ng bakanteng lote na tinitirhan nila.

Ayon sa impormasyon ng Migrante-ME, hindi na nagmantine ng shelter para sa mga istranded at runaway na OFW ang konsulado simula nang lumipat sa bagong gusali dahil sa umano’y kawalan ng badyet.

Hindi ito pinaniniwalaan ni Monterona. “Taun-taon silang may badyet para sa shelter,” aniya, bukod pa sa kinikita ng konsulado mula sa passport renewal fees at iba pang bayarin.

Aniya, kung seryoso si Aquino sa kanyang pangako, magtatalaga ito ng bagong mga opisyal sa mga embahada at konsulado ng Pilipinas sa ibang bansa, na napatunayang nagpapabaya sa kapakanan ng mga OFW.

Nanatili sa posisyon ang kalihim ng DFA na si Alberto Romulo at tatlo nitong undersecretary, gayundin ang 25 political ambassadors na itinalaga ni dating pangulong Gloria Arroyo.

Short URL: http://pinoyweekly.org/new/?p=8165

Posted by on Jul 11 2010. Filed under OFW. You can follow any responses to this entry through the RSS 2.0. You can leave a response or trackback to this entry

1 Comment for “Pamilyang OFW, ‘iskuwater’ sa tabi ng konsulado sa Jeddah”

  1. this is sad. I hope OFW’s could band together to help their least fortunate countrymen.

Leave a Reply

Multimedia

Log in | Designed by Gabfire themes