Sa pagpaslang ng lider-obrero: Aquino, AFP hinamon sa ekstrahudiysal na pamamaslang
Umiigting ang presyur ngayon kay Pang. Benigno “Noynoy” Aquino III na itigil ang ekstrahudisyal na pamamaslang at iba pang paglabag sa karapatang pantao matapos ang pagpaslang kamakailan sa isang lider-obrero sa Negros Occidental ng pinaghihinalaang mga miyembro ng Philippine Army.
Naghihintay sa tabing-kalsada sa Sitio Antipolo, Brgy. Buenavista si Benjamin Bayles, organisador ng National Federation of Sugar Workers (NFSW) bandang 4:30 ng hapon noong Hunyo 14 nang tumigil sa kanyang harapan at pagbabarilin siya ng dalawang kalalakihang lulan ng motorsiklo.
Ayon sa Kilusang Mayo Uno (KMU), bago ang insidente, pinaghahanap si Bayles ng mga sundalo ng 61st Infantry Batallion, na nakakampo sa barangay center.
Si Bayles ang ika-11 na pinaslang na miyembro ng NFSW simula 2001, at pangalawang lider-obrero na pinaslang matapos ang halalan noong Mayo 10. Simula 2001, may naitala ang grupo na 98 na pinaslang na lider-obrero.
“Bayles’s murder, along with the murder of thousands more, should put more pressure on President Noynoy Aquino to be tougher on his promise to prosecute Arroyo and the perpetrators of these atrocities. This should also push him to junk his predecessor’s counterinsurgency plan of the military that spawned extra-judicial killings, abductions and other forms of gross human rights violations,” sabi ni Lito Ustarez, executive vice chairman ng KMU.
Kasabay nito, mapagbantay ang KMU sa idineklara ni Aquino na “todong suporta” sa Armed Forces of the Philippines (AFP) nang italaga si Gen. Ricardo David Jr. bilang bagong hepe ng AFP.
Ayon kay Elmer “Bong” Labog, tagapangulo ng KMU, hindi binanggit ni Aquino sa kanyang talumpati sa AFP kung ipagpapatuloy niya o hindi ang Oplan Bantay Laya, programang kontra-insurhensiya ng gobyernong Arroyo, na bumiktima sa libu-libong sibilyan at aktibista.
Ipinunto rin ni Labog na may responsabilidad si David, dating hepe ng Northern Luzon Command, sa militarisasyon at panghaharas sa mga mamamayan ng Hacienda Luisita sa Tarlac, na pagmamay-ari ng pamilya Cojuangco.
Sa talumpati ni Aquino, idiniin nito ang propseyunalismo at disiplina sa hanay ng militar at ipinangako ang modernisasyon ng AFP.
Walang nabanggit ang bagong pangulo hinggil sa pagkakasangkot ng militar sa mga paglabag sa karapatang pantao noong gobyernong Arroyo.
Short URL: http://pinoyweekly.org/new/?p=8068













