Bahay ng 384 pamilya, dinemolis sa San Pedro, Laguna
Kinondena ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) sa Southern Tagalog ang pagdemolis ng kapulisan sa tatlong barangay at tahanan ng 384 pamilyang maralita sa San Pedro, Laguna.
Ayon kay Andrianne Mark Ng, tagapagsalita ng Bayan-ST, hindi dapat ipinapatupad ang demolisyon sa mga komunidad ng mga maralita, laluna’t layunin nito ang pagbibigay-daan sa Southrail Project ng Philippine National Railway.
Kabilang ang naturang proyekto sa mga maanomalyang proyektong ipinatupad ng dating administrasyong Arroyo, ani Ng. “Kung seryoso ang bagong presidente na papanagutin si Gloria Arroyo, ipahinto niya ang mga proyektong dapat isailalim sa imbestigasyon tulad ng modernisasyon sa riles at iba pang maanomalyang proyekto.”
Sinabi ni San Pedro Mayor Calixto Catiquiz na nakipagdiyalogo sa kanya at sa mga nagpapatupad ng proyekto ang mga residente ng Brgy. San Antonio, San Vicente at Nueva noong Hulyo 30. Ngunit sinabi ni Catiquiz na wala siyang magagawa dahil proyekto ito ng pambansang gobyerno.
Tinatayang aabot sa mahigit 100,000 pamilya ang maaapektuhan ng malawakang demolisyon sa tabing-riles sa lugar, ayon sa Kalipunan ng Damayang Mahihirap sa Timog Katagalugan (Kadamay-TK).
Inirereklamo ng Kadamay na “walang maayos na programa ang gobyerno sa sistema ng pagpapalayas sa mga tao, may mga pabahay na iniaalok ngunit limitado lamang ang makakakuha nito at iyong mga may pambayad lamang.”
Karaniwan pa umano sa mga pabahay ay malalayo sa lugar ng trabaho, paaralan at sentrong bayan at hindi maayos ang pagkakagawa ng mga imprastraktura.
Nakaamba na rin ang demolisyon sa ibang bayan sa Laguna tulad ng Binan, Sta. Rosa, Cabuyao, Calamba at Los Banos.
Nagsagawa ng indignation rally ang mga mamamayang apektado ng demolisyon sa harap ng munisipyo ng San Pedro upang iprotesta ang demolisyon sa kanilang kabahayan.
Short URL: http://pinoyweekly.org/new/?p=8569













